Umuwi ako sa aming bayan sa Marinduque nitong nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections. Tumakbo kasing kapitan ang tiyo ko. Sa dalawa niyang mga kalaban, pinsang buo niya yung isa. Nagbiro nga ako: kako’y para kaming ‘yung malalaking political families sa mga probinsya — kahit magkakamag-anak ay nagbabanggaan sa pulitika.
Pero sadyang ganyan ang pulitika sa barangay sa Pilipinas — parang mini version ng national at local elections. Sa kampanya pa lamang, makikita mo na ang karakter ng pambansang halalan: malalaking campaign funds na umaabot din daw ng milyun-milyon para sa iba; naglalakihan at nagmamahalang banners at posters na di mo malaman kung sumunod ba sa pamantayan ng Commission on Elections sa tamang sukat ng campaign materials; mga maiingay na loud speaker na nakakabit sa sasaktan; mga nagkalat na tarheta at flyers na ipinamimigay ng mga kandidato; at makukulit na mga kabuntot sa pangangampanya.
Pati nga karahasan at katiwalian sa pambansang eleksyon, kinopya ng ilang barangay. May mga napaulat na kandidatong pinaslang — ‘yung iba, kandidato lang sa pagkakonsehal. Mayroon ding nanalong kapitan na pinatay. At mawawala ba ang bilihan ng boto? Ayon sa mga nabalitaan ko, may mga kandidato raw na namigay ng 20 piso bawat botante. Mas sosyal naman ang iba: P200 bawat botante — at ang ipinambili ng boto, mula sa kontribusyon ng mga kapamilya! Pinakasosyal siguro iyong mga namili ng P500 kada botante — siguro “nakatanggap” mula sa itaas ang mga iyon.
Maaalalang ilang linggo bago ang eleksyon sa barangay ay napabalita ang bigayan ng salapi sa Palasyo. Ayon kay Fr. Ed Panlilio, gobernador ng Pampanga, nakatanggap siya ng bag na may lamang kalahating milyong piso na para raw sa mga proyekto sa baranggay. Kahit itinanggi ito ng karamihan sa mga gobernador at congressman na nakipagpulong kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong araw ng pamumudmod ng pera, may ilang pa ring pinatotohanan ito. Nang medyo nahihirapan nang lumusot ang Malacañang, nagpaka-Iggy Arroyo ang League of Provinces of the Philippines at inako ang pamamahagi ng pera. Policy raw nila na tulungan ang mga baguhang gobernador. Pero ayon kay Grace Padaca, gobernador ng Isabela, wala naman siyang nakuhang ganoong “tulong” noong bagong gobernador pa lamang siya.
Anu’t anuman, makikitang ang duming nakakulapol sa bawat eleksyon — ang putik ng abonong ginastos sa kampanya, ang putik na nasa mukha nina Arroyo at Virgilio Garcillano ng Hello Garci 2004 — ay dumadaloy na rin sa mga barangay, na may limang taon bago muling nakaranas ng eleksyon. Ang malungkot pa rito, ang mga kabataan ng Sangguniang Kabataan — na kabilang sa mga sinasabing pag-asa ng bayan — ay maagang nasasanay na maglunoy sa ganitong putikan. Anong buti ang makikita ng mga kabataan sa sistema ng eleksyong kakaranas lang natin? Nakakalungkot, hindi ba?
Pagkatapos ng eleksyon at bilangan, kaagad na akong bumalik sa Maynila. Umalis ako sa probinsya namin na may sama ng loob. Hindi lamang dahil sa natalo sa laban ang aking tiyo, kundi dahil wala pa ring pagbabago ang dumi ng masama at lumang pulitika — at wari’y hindi nakaligtas dito pati ang munti naming baranggay.
(Pinoy Gazette)
pwede ang gobernador nalang
kasi yon lang yung kailangan ko…
pwede??? hirap kasi basahin2x ko pa ito
pwede poh bah ??? para mabilis nalang at madali … please and thank you ???
ang galing!pwede po b magpagawa ng talumpati na nangangampanya?for our oral recitation lng..po..thanks!godbless!
maganda at maayos
no comment….meri xmas & hpi new year!!!!!
kapansin pansin ang pgi2ng makato2hanan s kwento… kadalasang nangu2na pag dting s pulitika ang mga taong may kapit s mata2as ng pulitiko ng bansa… panu kya ntin maiwa2ksi ang mga ganitong pag uugali ng bayan… ang masa2bi q lng bigyang pansin muna ntin ang kalagayan ng mas nkara2mi kaysa ang pansariling interes… GOD BLESS 2 OL!!!! AND MERRY CHRISTMAS……=)