Lumubog ang maraming lugar sa Kamaynilaan at mga karatig-lugar dahil sa bahang dala ng Bagyong Ondoy. Bumuhos sa loob ng anim na oras lamang ang dami ng tubig-ulang karaniwang naiipon sa loob ng isang buwan. Nasa 300 katao ang nasawi at 30 libong mga bahay ang nasira dahil sa bagyo at hatid nitong baha.
Walang pinili si Ondoy. Mayaman o mahirap, di-kilala at sikat, di niya pinatawad sa mga lugar na kanyang sinalasa. Noong kasagsagan ng baha, pati mga kilalang artista ay narinig na nananawagan ng tulong habang nasa kanilang mga bubong.
Lubhang nakakalungkot ang mga imahe ng pinsalang iniwan ni Ondoy: mga taong binawian ng buhay at mga kaanak at kaibigang nagdadalamhati, mga bahay na nalubog sa tubig at mga kagamitang sinira, mga sasakyang inanod ng baha, at mga pangarap na winasak o inantala.
Naitampok din ng trahedyang ito ang kakulangan ng kasalukuyang administrasyon ng kahandaang iligtas ang mga mamamayan sa mga ganitong panganib. Marami ang nainis nang malamang kaunti lamang ang rubber boats ng NDCC. Di maiwasang isipin na sana, sa mga gamit na lang ginugol ang budget na napunta sa infomercial ng opisyal ng NDCC na kakandidato sa pagkapangulo sa 2010. Muli ring naungkat ang bulagsak na paggastos sa mga biyahe ng pangulo at mga kroning mambabatas. Dati nang napaulat na naubos na sa mga biyaheng ito pati ang emergency fund ng bansa.
Sa kabila nito, muling binuhay ni Ondoy ang dugong bayani ng mga Pilipino. Sino ang di makakaramdam ng lungkot sa kuwento ni Muelmar Magallanes, ang 18-anyos na construction worker na nalunod matapos magsagip ng may 30 katao? Marami pang ibang katulad niya na naglagay ng kanilang buhay sa panganib makatulong lamang sa kapwa.
Humahaplos din sa puso ang lawak ng bayanihang nasaksihan pagkatapos ng trahedya. Para bang bawat Pilipinong nakaligtas sa sakuna ay gustong dumamay at magbigay ng tulong sa mga nasalanta. Halimbawa lamang nito ang mga kabataang sa halip na gumimik ay nag-volunteer sa paghahanda at pamimigay ng relief goods.
Ginamit din ng mga Pinoy ang mga bagong teknolohiya ng Internet at cellphones upang makapagbahaginan ng impormasyong makakatulong sa rescue operations at sa pamamahagi ng tulong.
Sa gitna ng pagkasirang dinala ni Ondoy, muling nagpakita ng pagkakaisa at damayan ang mga Pilipino. Ganito rin noong pumanaw si Pangulong Cory Aquino — ang pagluluksa at pagbubunyi ay sinamahan ng pagkakaisa.
Tila nagkakaroon ang Pilipinas ng sunud-sunod na pagkakataon upang maisagawa ang bayanihan. Sa gitna ng dilim –- pagluluksa man o pagdurusa -– sumisilay ang liwanag ng pag-asa. Ito kaya’y pagsasanay para sa pagbubuo ng bagong Pilipinas?
(Pinoy Gazette)