Bumuhos ang ulan nang paalis na ako papunta sa Manila Cathedral noong Miyerkoles para sumama sa paghahatid kay Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park. Sa kabila ng malakas na ulan, hindi ako tinanggihan ng driver ng taxing pinara ko. Titiisin daw niya ang baha at trapik dahil papunta ako kay Cory. Hindi kasi siya makakasama dahil sa kanyang pasada. Kumbaga, yun na lang ang sariling sakripisyo at kontribusyon niya.
Pumarada muna kami sa isang Jollibee store para makabili ako ng almusal namin. Doon pa lang, may mga nakita na akong nakadilaw rin. Nang nasa Luneta na kami, nakita ko kasama ng maraming tao, mga bandila, at mga dilaw at lobo ang mga pamilyar na banner ng mga aktibistang grupong sumama sa People Power 2 noong 2001. Doon na lang kako ako maghihintay dahil siguradong may mga kaibigan akong naroon.
Nang bumaba na ako at sumama sa mga tao, agad kong nakita ang mga kaibiga’t kakilala na mula pa sa panahon ng pagsuporta ko sa student movement sa UP. Kabilang sa mga naroon sina Oliver, Lengua, at Nato. Nakita ko rin si Caloy, at maya-maya’y dumating sa may amin sina Sarah at Kabataan Rep. Mong.
Nagmistulang People Power 2 reunion ang paghihintay kay Pangulong Cory sa Rizal Park. Naroon ang mga grupo at personalidad ng EDSA 2. Isa-isang in-acknowledge sa loud speaker ang mga grupong naroon, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, PCPR, Courage, Alliance of Concerned Teachers, Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Liberal Party, at iba’t ibang Catholic schools.
Ito rin ang mga grupong nanawagan ng pagbabago sa EDSA noong Enero 2001 kasama sina Pangulong Cory, Cardinal Sin, at mga kabataan. Hindi kataka-takang “Tuloy ang Laban” kontra diktadurya at katiwalian ang panawagan nila sa araw ng libing ni Cory.
Sa ilalim ng pabalik-balik na ulan at malakas na hangin, kumanta kami ng Tie A Yellow Ribbon, Bayan Ko, at iba pang awitin para sa dating Pangulo. Umulan ng dilaw na confetti at tuluy-tuloy ang pagcha-chant ng mga tao ng “Cory, Cory!” habang naka-Laban sign. Bumusina ang mga sasakyan, at maraming ring mga nakamotorsiklo at nakabisikletang nakadilaw ang dumaan. Hinawi ng mga pulis ang mga tao para makadaan ang prusisyon, pero walang nagkagalit o nagkasigawan.
Mayamaya’y dumating na ang trak na nagdala sa katawan ni Pangulong Cory. Nasa tapat na namin ang kabaong ng lider ng EDSA, napapaligiran ng mga dilaw na bulaklak, tinatakpan ng watawat ng Pilipinas, at tinatanuran ng apat na di-gumagalaw na honor guards. Nakakapanindig-balahibo ang muling pag-ulan ng yellow confetti at paglipad ng mga dilaw na lobo habang nagkakaingay ang mga tao. “Salamat sa lahat, Pangulong Cory,” siguradong iyon ang naisip ng marami sa amin.
Sumanib ako sa grupong sumusunod ako sa trak. Lakad-takbo ang mga tao. May pagkakataong naiwan ako’t natapat sa van na kinaroroonan ng pamilya Aquino. Inaabangan sila ng mga taong nagsisigawan at naka-Laban sign pa rin. Marami ring nakahanda ang cellphone o camera. Aninag sa nakasarang bintana ng van ang kumakaway na mga kapatid ni Kris, pati ang asawa niyang si James Yap.
Sa pagpapatuloy ng prusisyon, di naubos ang mga taong nag-aabang para masulyapan sa huling pagkakataon ang biyuda ni Ninoy, ang babaeng nakadilaw na tumugon sa hamong pamunuan ang labang di natapos ng ng kanyang asawa, ang ginang na di natakot na lumaban sa diktaduryang Marcos.
Sa Manila Bay, nagwawala ang mga along nag-unahang tumungo sa pampang. Wari’y nais din nilang sumaludo kay Cory, gaya ng maraming Pilipino.
Sa may Roxas Boulevard, dumaan sa tapat ko ang van na sinasakyan ng ilang mamamahayag. Nakita ako nina Ma’am Malou Mangahas at Ma’am Tita Valderama ng PCIJ at niyayang sumama sa kanila. Sa loob ng van ko na itinuloy ang pagpapadala text messages sa country editor namin bilang contribution ko sa Twitter updates ng Yahoo! Southeast Asia.
Natanaw namin si Manila Mayor Alfredo Lim na kasama ng mga taong nag-aabang sa pagdaan ni Cory. Mabagal ang pag-usad ng convoy dahil sa dami ng mga taong naghihintay sa magkabilang panig ng kalsada. Ang iba’y nagsipag-akyatan sa LRT station, at sa may SLEX, sa Skyway, para makakita nang maayos.
Bandang ala-una nang hapon, may nadaanan kaming isang grupo ng mga kababaihang kasapi ng Center for Community Transformation, isa sa mga microfinance groups na tinulungan ni Cory. Ala-sais ng umaga pa raw sila naghihintay roon. May nadaanan din kaming isang nagpakilalang konsehal ng barangay sa Maynila na nakasuot ng lumang Ninoy shirt — hindi yung IAmNinoy ng Bench at Penshoppe — at may dalang campaign stickers nung tumakbo si Pres. Cory at si Doy Laurel sa 1986 snap elections. May 23 taon na ang mga stickers na iyon!
Buhay na buhay ang spirit of People Power noong araw na iyon. Bukod sa taxi driver na di nagreklamo sa kabila ng ulan at trapiko, nasaksihan ko ang pagbibigayan ng pagkain at tubig, pagtulong ng mga karaniwang tao sa pag-ayos ng trapiko, at ang mabuting pakikitungo sa kapwa Pilipino. Sa isang gasoline station, may mga nag-assist sa mga taong gustong mag-CR. Hindi pa pala patay ang bayanihan sa ating bayan.
May mga nagsasabi, lalo na ang Malakanyang, na huwag daw bigyang kulay-pulitika ang libing ni Pangulong Aquino. Ngunit ang dilaw ni Cory ay pulitikal na kulay — naging simbolo ito ng lakas ng bayan sa paglaban sa panunupil at katiwalian, ng paglaban para sa kalayaan. At ang mga tao mismo ang nagpapahayag — kasabay ng pasasalamat at pagluluksa — ng kanilang saloobing pulitikal. May mga nadaraanan kaming nagcha-chant ng “Gloria, Resign!” habang naghihintay sila kay Tita Cory.
Sa biyahe , narinig ko si Ma’am Ellen Tordesillas na kinakausap ang mga taong naghihintay sa daan. Tinatanong niya kung ano ang dapat gawin kay Gloria, at may mga sumagot sa kanya ng malakas na “Gloria, Resign!” May nadaanan din kaming banner ng Akbayan na may nakasulat na “Ipaglaban ang EDSA, Tapusin si Gloria!”
May isang grupo naman ng mga kabataang nag-display ng “Kris for President” na nakasulat sa mga dilaw na papel.
Sa kanyang pinakahuling pahayag sa publiko, ganito ang sabi ni Pangulong Cory:
Nang mapalayas natin ang diktador, hindi ba’t ipinangako nating hindi na tayo papayag na mawala muli ang ating kalayaan? Subalit, narito muli tayo, sa gitna ng walang-hiyang pang-aabuso ng mga makapangyarihang nagnanais na sirain ang mga pinakapayak sa ating mga batas.
Hindi ito ang pamumunong nararapat para sa atin. Hindi ito ang lipunang nais kong ipamana sa mga susunod na henerasyon, kaya sa ngalan nila at ng aking sarili bilang mga mamamayang Pilipino, tumututol ako sa nais ng mga tiwaling miyembro ng kamara na palitan ang ating Saligang-Batas sa pamamagitan ng isang Constituent Assembly. At nananawagan ako sa inyo at sa lahat ng mga Pilipino na magpahayag ng ating pagprotesta rito.
Base sa nakita ko noong libing ni Cory, naniniwala akong diringgin ng mga Pilipino ang kanyang panawagan at itutuloy ang kanyang laban. Sabi ko nga sa Twitter noong isang araw, “Good luck na lang sa mga gusto pa ring mag-con-ass.”
Sa buong biyahe papuntang Manila Memorial Park, walang patid na pagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat kay Cory ang aming nasaksihan mula sa napakaraming tao, mula sa maliliit na batang karga-karga pa ng mga magulang, hanggang sa matatandang kailangan nang alalayan.
Bilang pasasalamat, patuloy na dumungaw at kumaway ang mga anak at apo ni Cory, kabilang si Baby James, sa mga tao. Nakunan ko si Jiggy Cruz na nagpapasalamat sa mga tao nang mapatapat ang sasakyan nila sa amin.
Bago dumating sa may Sucat, nakita naming sumama sina Noynoy at Bambam Aquino sa maraming mga taong naglalakad. Dahil sa dami ng mga taong nag-aabang, matagal bago nakapasok ang convoy sa Manila Memorial Park. Mag-a-alas-otso na nang makarating kami sa loob.
Nasaksihan namin ang military honors na iginawad sa kanya. Kasama ng pamilya Aquino sa huling pagsulyap kay Tita Cory si Jose Ramos-Horta, Pangulo ng Timor Leste, na gaya rin ng ating dating pangulo ay nagsulong din kalayaan sa kanyang bayan.
Nang gabing iyon, nasaksihan ng mundo ang pamamaalam ng Pilipinas sa isang minamahal na lider.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
May 31, 2023
Converge launches campaign for mothers
Converge launched a campaign for underprivileged mothers under Caritas Manila.
May 10, 2020
Panoorin ang ‘Katipunan’
Itinatampok sa "Katipunan" ang buhay at pag-ibig ni Gat Andres Bonifacio.
January 13, 2020
MVP Group brings aid to areas affected by Taal eruption
Tulong Kapatid, the consortium of companies and foundations of businessman…
Tuloy ang laban… we owe it to Tita Cory as well as to ourselves to take care of this nation.
.-= Pinaybackpacker´s last blog ..Touch a blogger: Tie a yellow ribbon for Cory Aquino! =-.