Ngayon ang 123rd death anniversary ni Gat Andres Bonifacio, Ama ng Himagsikang 1896 at ang tunay na unang pangulo ng ating bansa.

Walang napapabalitang anumang opisyal paggunita sa araw na ito. Nasa gitna nga naman tayo ng matinding krisis. Pero sana, maalala pa rin natin ang kahalagahan ng isa sa mga taong nagluwal sa ating pagkabansa.

Para sa mga nais mas makilala pa si Andres Bonifacio, nasa YouTube rin ang “Katipunan,” ang kauna-unahang historical dramadocu ng GMA News and Public Affairs. Una itong ipinalabas noong 2013.

Itinatampok sa “Katipunan” ang buhay at pag-ibig ni Gat Andres Bonifacio, ang mga pagsubok na kaniyang sinuong sa personal na buhay at sa paglaban sa mga Kastila, at kaniyang pagkamatay sa kamay ng mga taong tinawag niyang “Kapatid” hanggang sa huli.

Naiyak ako noong mabasa ko sa libro ang pagsasalarawan sa pagpaslang sa Supremo. Ang sakit sa puso ng pagtatraidor sa kaniya ng kaniyang mga kasama. Ibahagi n’yo rin sa amin kung ano ang naramdaman n’yo pagkapanood ng eksenang ito sa “Katipunan.”

Ang “Katipunan” ay kinatatampukan nina Sid Lucero, Glaiza de Castro, Benjamin Alves, Dominic Roco, Mercedes Cabral, Nico Antonio, Soliman Cruz, at Roi Vinzon.

Nilikha ni Jaileen Jimeno, GMA News and Public Affairs program manager, at isinulat ni Ian Victoriano, ang “Katipunan” ay idinirehe King Marc Baco. Ang produksiyon ay pinamunuan nina Nowell Cuanang, program manager, at Jayson Bernard Santos, executive producer.

Narito ang sunod-sunod na mga episode ng “Katipunan.”