Isa ang “Ang Huling El Bimbo” sa mga palabas na binalak naming panoorin, pero hindi na nangyari. Mabuti na lang at libre itong mapapanood hanggang mamaya sa Facebook at YouTube ng ABS-CBN.

Libre ito, pero para sa mga makakapag-donate, humihiling ang ABS-CBN at ang Full House Theater Company ng ambag para sa Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN Foundation. Nakikinabang sa Pantawid program ang mga kababayan nating apektado ng COVID-19 sa Greater Manila Area.

Mga kanta ng Eraserheads ang soundtrack ng college life ko, kaya ang “Ang Huling El Bimbo” ay halos tatlong oras na panunundo ng mga alaala. Pero may mga kanta rin pala ang Eraserheads na ‘di ko alam.

Sa tingin ko, ang pagtatanghal na ito ay parang pagpupugay sa pagkakaibigan at mga alalala at pagkilala sa mga trahedyang nararanasan ng mga karaniwang tao.

Ang mga tulad nating nakapagtapos, may maayos na trabaho, at may masasandigang pamilya, hinding-hindi na makakaintindi nang buo sa pinagdaraan ng mga ‘di kasingpalad natin.

‘Pag nakakita tayo sa balita ng adik na inaresto o pinatay, ang nakikita lang natin ay ‘yong durugista. Kaya siguro madali para sa atin ang magsabing sana, manlaban na lang sila. Hindi natin nakikita ang ama, o ina, o kapatid, o anak na maaaring itinulak lang ng pagkakataon sa ganoong landas.

‘Pag nakakakita tayo ng pulubi sa lansangan, ang nakikita lang natin ay ‘yong nagpapalimos. Wala na tayong panahong makita ang taong maaaring binabalot ng desperasyon at pinakikilos ng gutom.

Wari’y ipinaaalala sa atin ng pagtatanghal na laging may puwang ang awa’t habag, pagiging maunawain, at kabaitan maging dito sa pugad ng ating luha’t dalita.

Samantala, sa napaka-busy nating mundong balot rin ng kani-kaniyang problema, madalas ay wala na rin tayong panahon para sa mga taong dati’y malapit sa atin na maaring sumusubok na muling makipag-ugnay. Ipinaalala rin sa akin ng “Ang Huling El Bimbo” ang kalagahan ng pagbibigay ng kaunting sandali para sa mga ganitong pagtatangka.

Samantala, napansin ko ang ilang ulit na paggamit sa mga bahagi ng kantang “Huwag Kang Matakot.” Sana nga, sa kabila ng anumang krisis, lagi nating isiping may mga kakampi tayo sa mundong ito.

Panoorin ang “Ang Huling El Bimbo” bago matapos ang araw na ito.