Nitong mga nakalipas na buwan, may mga araw na ramdam na ramdam ko ang lungkot at galit para sa mga kaibigan at dating kaklase na taga-ABS-CBN.
Bumalik ang mga alaala ng sarili kong karanasan nang magsara ang pinakauna kong pinagtrabahuhan, ang Manila Times. Sinundo rin nito ang ilan pang mga alaalang nagpapatunay na bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang ABS-CBN.
DZMM, na estasyon ng radyo ng ABS-CBN, ang pangunahing pinagkukunan namin ng balita noong bata pa ako sa baryo namin sa Marinduque. Nakikinood lang ako noon ng Shaider sa TV ng kapitbahay.
Sa isa mga mga bakasyon ko sa Kamaynilaan, nakakita kami ng pinsan ko ng crew cab ng DZMM. Tumakbo na lang kami basta at hinabol ito. Siyempre, hindi namin ito naabutan.
Nong high school na ako, sa isang Division Schools Press Conference na dinaluhan ko ay tinanong kami ng superintendent. Sino raw sa amin ang gustong magtrabaho sa media — sa ABS-CBN? Isa ako sa mga nagtaas ng kamay.
Ilang taon makalipas kong magtatapos sa kursong journalism sa UP nakapagtrabaho rin ako sa telebisyon, pero hindi sa ABS-CBN. Sa halip, napunta ako sa Kapuso Network.
Loyal man sa aming network — kung saan ko ginugol ang pinakamaraming taon ko sa bilang media practitioner — naroon pa rin ang pagkilala ko sa ABS-CBN bilang pinakamalaki naming kakompetensiya sa industriya. At siyempre, may mga kaibigan nga rin akong tagaroon.
Ni minsa’y hindi ko inakalang masasaksihan ko ang pagkawala ng ABS-CBN sa himpapawid. Pero ang sunod-sunod na mga pangyayari ngayong taon, doon na nga humantong.
Sunod-sunod na paghataw
Pebrero 10 nang magsampa si Solicitor General Jose C. Calida ng quo warranto petition sa Kataas-taasang Hukuman para pawalang-bisa ang franchise ng ABS-CBN dahil sa aniya’y mga pag-abuso ng network.
Mayo 4 naman nang mag-expire ang legislative franchise ng ABS-CBN dahil hindi ito inasikaso ng Kongreso. Nang sumunod na araw, inatasan ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN na tumigil na sa pagsasahimpapawid.
Nagsara ang ABS-CBN sa ikalawang pagkakataon mula nang kamkamin ito ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos noong ideklara niya ang Batas Militar.
Sa pangalawang pagkawala ng ABS-CBN sa ere, ang nasa kapangyarihan ay si Pangulong Rodrigo Duterte — na base sa kaniyang mga ikinikilos at pahayag, ay masasabi mong masugid na tagahanga ni Marcos.
Nagalit si Duterte sa TV network dahil sa ‘di raw nito pagpapalabas ng kanyang political advertisement noong 2016 presidential elections.
Ayon kay ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, ‘di naipalabas ang ilang ads ni Duterte dahil may mga nauna nang order at naubusan sila ng slot. May bahagi raw ng refund nila kay Duterte na na-delay at ‘di na ito tinanggap ng noo’y kandidato sa pagkapangulo’.
Katuparan ng mga banta ni Duterte sa ABS-CBN
Ilang ulit na ipinahayag ni Duterte ang pagnanais na mawala ang ABS-CBN. Noong Agosto 3, 2018, sinabi ni Duterte na kung siya ang masusunod, ‘di niya bibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Sabi naman niya nong Disyembre 3, 2019 sa ABS-CBN: “Ang iyong franchise mag-end next year. If you expect ma-renew ‘yan, I’m sorry. I will see to it that you’re out.”
Kongreso ang nagkakaloob ng prangkisa, at kontrolado ni Pangulong Duterte ang House of Representatives. Katunayan, ang nagbabangayan ngayon para maging Speaker of the House, parehong Duterte Diehard Supporters (DDS).
Kaya hindi na nakapagtatakang ibinasura ng House of Representatives noong Hulyo 10, 2020 ang panukalang batas para sa pagpapanibago ng ABS-CBN franchise.
Nagbigay ang Kongreso ng mga dahilan sa pagtanggi nilang bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
- American citizenship daw ni Eugenio Lopez III
- Pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts sa mga dayuhan
- 50 taong limit sa mga prangkisa
- Ang pagbabalik ni Pangulong Cory Aquino sa mga Lopez sa ABS-CBN matapos itong kamkamin ni Marcos
- Ang ABS-CBN TV Plus at pay-per-view
- ABS-CBN and AMCARA
- ‘Di raw pagreregular ng mga empleyado
- Pag-iwas daw sa buwis
- Biased daw na pag-uulat
Pero ang lahat ng ‘yan, sinagot na ng ABS-CBN at ng mga ahensiya ng gobyerno. Ang naniniwala na lamang tamang na basehan nga ang mga ‘yan para ipasara ang ABS-CBN ay ang mga kongresista at ang mga propagandista ng mga Marcos at mga Duterte sa Facebook, gayundin ang mga netizen na nauto nila.
Pusong nasaktan
Ang totoong dahilan ng pagpapasara sa ABS-CBN at pagtangging bigyan sila ng bagong prangkisa ay nasaktan nito ang damdamin ni Duterte. Inamin ‘yan ng isang senador na malapit sa pangulo. At iginanti siya ng mga alipores niya sa mababang kapulungan.
Ang pinakamalaking broadcast network sa bansa, pinatumba ng best president in the solar system. Ang ABS-CBN, ni-knock out ni Duterte.
Minalas ang ABS-CBN at ang mga empleyado nito dahil nagkaroon tayo ng mga opisyal ng pamahalaan na ang basehan ng pagkilos ay ang kanilang sariling layaw at kapakanan.
Dahil sa hindi pagkaka-renew ng franchise ng ABS-CBN, tuluyan nang nagsara ang mga estasyon at iba pa nilang negosyo. Nagsimula silang magtanggal ng mga tao noong Agosto.
Parang napeste ang mga kaibigan at kakilala kong nawalan ng trabaho sa ABS-CBN dahil nagkaroon tayo ng pamahalaang ang solusyon sa umano’y ‘di tamang pagtrato sa mga manggagawa ay pagpapasara sa kompanyang inaakusahan ng pagkakamali.
Pahirap na ang COVID-19 virus mula sa China na lubos na pinagtitiwalaan ng gobyerno ito, dinagdagan pa nila ng pagkawala ng trabaho. Habang buong tapang na ibinabandila ng mga opisyal ng rehimeng ito ang kawalan nila ng malasakit sa mapanganib na panahong ito, tila mga uhaw sa dugo namang nagbunyi ang mga DDS na tuwang-tuwa sa pagkakasara ng ABS-CBN.
Sa ngayon, namamayagpag sa internet ang mga palabas ng ABS-CBN. Wari’y tinulungan ng kagustuhan ng pangulo at ng desisyon ng Kongreso ang COVID-19 sa pagpapabilis ng pagyakap ng mga Pilipino sa digital media. Nawala man sa telebisyon at radio, nasa iWantTFC, YouTube, Facebook at iba pang digital platforms pa rin naman ang ABS-CBN.
Bagong ngayon
At ngayong araw na ito, Oktubre 10, nakatakdang magbalik ang ABS-CBN sa himpapawid bilang A2Z sa Channel 11. Bunsod ito ng pakikipagtulungan nila sa Zoe Broadcasting Network.
Naikuwento ko na dati na mahigit isang taon matapos ang pagkawala ng aming Manila Times, isa ako sa libo-libong mga Pilipinong sumama sa People Power 2 at nagmartsa mula EDSA patulong Mendiola hanggang sa magbitiw si Estrada.
Kung hindi magbabago ang takbo ng ating kasaysayan, mahigit 600 araw mula ngayon o mahigit isang taon mula nang pagkaitan ito ng pribiliyehong makapag-broadcast, iuulat ng ABS-CBN — sa internet man o sa telebisyon — ang pagtatapos ng maladiktaturang rehimeng Duterte.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
July 21, 2022
Publishers bullish on APAC market, concerned about misinformation — SOPA report
"The News Sustainability: Investing in the Future of Asia-Pacific's…
June 24, 2022
Reporting the truth is not terrorism
NTC's order for ISPs to block the websites of independent media outfits sets a…
March 25, 2022
PressOne.PH to Launch ‘Truth Hour’
PressOne.PH, an independent news organization, will launch “Truth Hour” to…