Dahil sa matinding pagkakatali nating mga Pilipino sa Amerika, dagdag pa ang hilig natin sa pagkanta, taun-taon ay pumapatok dito sa Pilipinas ang palabas na American Idol.

Sa sobrang pagkahumaling nga nating mga Pilipino sa American Idol, isang Idol runner-up, ang may dugong Puerto Rican na at paborito ko ring si David Archuleta, ang nanatiling sikat sa Pilipinas at pumunta pa rito para gumanap sa isang teleserye.

Lalong nakatulong sa pagiging sikat ng American Idol sa Pilipinas ang madalas na pagkakaroon nito ng finalist na may dugong Pilipino. Dati na nating nasubaybayan ang pagsisikap nina Jasmine Trias, Camile Velasco, Ramiele Malubay, at Thia Megia na manatili sa kumpetisyon at makuha ang titulo. Sa kanilang apat, si Jasmine lang ang nakaabot sa final 3.

Ngayong taon, lumevel-up na tayo. Nasa final 2 na si Jessica Sanchez, 16, taga-California, at anak ng isang Mehikano at isang Pilipinang taga-Bataan. Pinahanga ni Jessica ang mga hurado at ang mga manonood ng American Idol dahil sa husay niya sa pagkanta. Wagi at paborito ng lahat ang pag-awit niya ng “I Will Always Love You” ng namayapang si Whitney Houston. Bukod sa boto ng mga manonood, ang sunud-sunod na standing ovation, pati na rin ang isang save ng judges nang malagay siya sa bottom 3, ang naghatid kay Jessica sa finals.

Walang siyang pormal na pagsasanay sa pag-awit, ngunit pitong taon pa lamang si Jessica ay kumakanta na siya. Sumali na rin siya sa America’s Got Talent noong 11 taon pa lamang siya. Ito marahil ang dahilan kaya’t kapag pinanood mo ang performance niya, para kang nanononood hindi ng isang kalahok sa singing contest kundi ng isang professional singer.

Malawak ang suportang natatanggap ni Jessica rito sa Pilipinas. Laman siya ng mga balita. Pinapadalhan siya ng mga Pilipino ng mensahe ng suporta at pagmamahal sa social networking sites. Ang iba nga, nagpupumilit pang makahanap ng paraan upang malansi ang voting system at makaboto kahit di naman sila Amerikano o wala sa Pilipinas.

Ngunit gaya ng lagi kong itinatanong kapag may half-Pinoy na pinagkakaguluhan dito, karapat-dapat ba si Jessica sa suportang ito ng mga Pilipino? Oo naman. Bukod sa tunay niyang galing, di niya itinatago o itinatanggi ang kanyang pinagmulan: “I take pride in what I am. Half Mexican Half Filipino and born & raised here in the states. This really shouldn’t be an issue.. #Pride,” sabi ni @JsanchezAI11 sa Twitter.

Isa ang kapalaran ni Jessica ay isa sa dalawang mahahalagang balitang hinihintay ng mga Pilipino habang isinusulat ito. (Ang isa ay ang pagbibigay ni Chief Justice Renato Corona ng kanyang testimonya sa impeachment court na dumidinig sa kanyang kaso.) Sa loob ng ilang araw, malalaman natin kung magkakaroon na ba ang Pilipinas ng pinakauna nating Fil-Am-Mexican Idol.

(Pinoy Gazette)