Sa nakalipas na weekend, inabangan ng mga tao rito sa Pilipinas ang supermoon – kung kailan pinakamaliwanag at pinakamalaki ang buwan. Ngunit maliban sa supermoon, nabalitaan din ng mga Pilipino ang tatlong bugbugan.
Noong gabi ng Mayo 4, nagkita raw sa isang bar sa Makati ang dating magkasintahang sina Albie Casiño at Andi Eigenmann. Si Casiño ang itinuturo ni Eigenmann na ama ng kanyang kasisilang lamang na anak. Nanatili namang tahimik ang lalaki sa isyu ng pagbubuntis ng dati niyang kasintahan. Noong gabi ng Biyernes daw ang unang pagkakataong nagkita ang dalawa matapos nilang maghiwalay.
Ayon kay Eigenmann, tingnan siya nang masama ni Casiño kaya tinapunan niya ng alak ang lalaki. Itinanggi naman ito ni Casiño, at sinabi niyang sinampal din siya ng babae. Pagkatapos, pumunta na lang daw siya sa restroom para ayusin ang kanyang sarili. Sa halip daw na kumprontahin si Eigenmann, lumabas siya para umuwi. Ngunit habang papunta sa parking lot, naramdaman na lang daw niya ang hampas ng bote sa kanyang ulo. Paglingon ay nakita raw niyang babanatan siya ulit, kaya’t tumakbo siya pero hinabol siya ng apat o limang lalaki at nang maabutan ay saka siya binugbog.
Tinukoy ng nanay ni Casiño bilang mga kaibigan ni Eigenmann ang mga bumugbog sa kanyang anak. Itinanggi naman ng ilang pinangalanan, gayon din ni Eigenmann, na may kinalaman sila sa pananakit kay Albie.
Ang aral mula sa insidente: Huwag takasan ang babaeng nabuntis mo. At kapag kakapanganak lang, iwas muna sa mga party-party.
Samantala, karambola naman ang nangyari sa Ninoy Aquino International Airport nang mag-away ang mamamahayag na si Mon Tulfo at ang aktor na si Raymart Santiago. Ayon sa mga ulat, nagreklamo at nanigaw ng staff ng Cebu Pacific ang asawa ni Santiago, ang aktres na si Claudine Barretto dahil naiwan sa Aklan ang kanilang bagahe. Naroon daw ang mga gamot at gamit ng kanilang mga anak. Ang naman sagot ng Cebu Pac, ginawa nila ito para sa kaligtasan ng kanilang biyahe, pero isusunod naman daw agad ang mga naiwang bagahe.
Nakita raw ni Tulfo ang paninigaw ni Barretto sa mga taga-Cebu Pac, kaya’t kinunan daw niya ng larawan ang nangyayari. Nakita naman ni Santiago ang ginawa ni Tulfo, kaya’t kinompronta ng aktor ang mamamahayag. Dito na nagsimula ang gulo. Bawat panig, itinatangging sila ang pasinumo. Pero ang malinaw, kuhang-kuha sa video na na-upload sa YouTube ang pangunguyog nina Santiago, Barretto, at mga kaibigan nila kay Tulfo habang umaawat ang mga guwardiya ng airport. Na-ospital si Tulfo, pero may tama rin sa katawan ang mag-asawa.
Ang aral sa mga pangyayari: Cool lang kapag may reklamo. At kung usisero mode ka, huwag masyadong halata kung kukuha ka ng larawan o video ng mga taong nag-i-iskandalo.
Ang ikatlong bugbugan ay hindi rito nangyari, saka inasahan na ng madla: Ang labanang Floyd Mayweather, Jr. at Miguel Cotto sa boksing. Nanalo si Mayweather, pero duda si Cotto at ang mga tao. Walang aral sa kwento, pero excited na ang mga Pilipino na makaharap ni Mayweather sa ring ang ating pambansang kamao, si Manny Pacquiao.
(Pinoy Gazette)