Parang si Bernardo Carpio lang ngayon ang mga Pilipino. Sa mga hindi nakakakilala kay Bernardo Carpio, isa siyang tauhan sa mitolohiyang Pilipino. Napapagitna siya sa dalawang napakalaking bato, at gamit ang kanyang pambihirang lakas ay pinipigilan niyang magbungguan ang mga ito. Sinasabing kapag gumagalaw raw si Bernardo Carpio ay nagkakaroon ng lindol.

Gaya ni Bernardo Carpio, napapagitna ngayon ang mga Pilipino sa nagbabanggaang malalaking tao: sina Punong Mahistrado Renato Corona at Pangulong Noynoy Aquino.

Si Corona ay naging tauhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na iniluklok ng huli bilang pinuno ng Kataastaasang Hukuman sa kabila ng malawakang protesta. Si Aquino naman ay anak ng mga bayani ng demokrasya, at noong 2010, ihinalal bilang pangulo ng nakararaming botanteng Pilipinong sawang-sawa na sa kalabisan ng rehimeng Arroyo.

In-impeach ng House of Representatives si Corona dahil sa mga alegasyon ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko, paglabag sa saligang batas, at katiwalian. May basbas ni Aquino ang impeachment, na isinulong ng mga kapartido ng Pangulo.

Patuloy ang palitan ng maaanghang na salita ng dalawang pinakamataas na pinuno ng sangay ng pamahalaan ng Pilipinas.

Itinuturing ni Aquino si Corona bilang sagabal sa kanyang paglilinis sa korapsyong namayagpag sa panahon ng sinundan niyang pangulo at dating boss ng punong mahistrado. Ayon sa mga kaalyado ni Aquino, hindi nagpasa ng tamang statement of assets, liabilities, and net worth si Corona.

Pero ayon sa chief justice, personal na paghihiganti raw ang motibo ni Aquino sa pang-i-impeach ng sa kanya. Galit daw si Aquino dahil sa desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi sa mga magsasaka ang Hacienda Luisita na pag-aari ng Pamilya Cojuangco, na kinabibilangan ni Aquino. Pero mula sa panahon ni Arroyo hanggang sa panunungkulan ni Aquino, hindi nagbago ang Malacañang sa posisyon nitong dapat ipamahagi ang Hacienda Luisita.

Ilang ulit nang binatikos ni Aquino si Corona sa publiko. Sa isang pagkakataon, harap-harapan pa nga. Dati nang sinabi ni Aquino na ang pagkakatalaga kay Corona ay nasasakop ng panahon kung kailan bawal, ayon sa saligang batas, na ang pangulo ay humirang ng sinuman dalawang buwan bago sumapit ang halalang pampanguluhan hanggang sa matapos ang kanyang panunungkulan. Pero sa kabila ng malinaw na probisyong ito, nang iprotesta sa Korte Suprema ang pagkakatalaga ni Arroyo kay Corona, kinampihan ng Korte ang mag-amo.

Sabi ni Corona, isang boto lamang ang halaga niya sa Kataastaasang Hukuman. Totoo naman. Pero nakapagtatakang sinasabi rin niyang ang tangkang pagtanggal sa kanya sa puwesto ay isang atake laban sa buong Korte Suprema. Marami tuloy ang nagtatanong: ano ba talaga, Kuya?

Sinasabi rin ni Corona na naglalatag ng isang diktaturya si Aquino. Ang kabalintuaan dito, ang pamilya ni Aquino ay naging biktima ng diktaturyang Marcos, na pinagsilbihan ni Corona noong siya’y nag-aaral pa.

Samantala, nakakatanggap ng mga batikos si Aquino dahil sa kakangawa niya tungkol kay Corona. Pero ipinagpipilitan ni Aquino na may karapatan siyang ipahayag ang kanyang mga opinyon, kesohodang nasa Senado at dinidinig na ang impeachment.

Sa gitna ng nakakaiskandalong bangayang ito, ang mamamayang Pilipino ang kawawa, sapagkat pinababa ng mga nakaupo ang dangal na kaakibat ng kanilang katungkulan.

(Pinoy Gazette)