Guilty sa paglabag sa Saligang Batas dahil sa hindi tamang pagdedeklara ng kanyang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) ang naging hatol ng Senado na umupong impeachment court kay dating Chief Justice Renato Corona. Dahil sa desisyong ito, si Corona ang naging pinakaunang opisyal ng pamahalaan sa Pilipinas na napaalis sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Dalawampu laban sa tatlo ang naging final score. Sa mga senador, sina Joker Arroyo, Miriam Defensor Santiago, at Ferdinand Marcos lamang ang bomoto para mapawalang-sala si Corona.
Ayon sa kasabihan, sa bibig nahuhuli ang isda. Sa huling araw niya sa paglilitis, inamin ni Corona na mayroon siyang 2.4 milyong dolyar at 80 milyong piso sa bangko. Ang ginamit niyang dahilan—o palusot, para kay Rep. Rudy Fariñas—sa ‘di niya pagdedeklara ng dolyares niya sa bangko ay ang Republic Act 6426, na tumitiyak sa pagiging confidential ng dollar deposits. ‘Yung peso accounts naman daw ay commingled, o hindi lamang siya ang may-ari.
Hindi binili ng senator-judges ang alibi ni Corona. Sa pagpapaliwanag ng kanilang boto, binanggit ng ilan sa kanila ang kaso ni Delsa Flores, isang dating court interpreter na tinanggal sa puwesto sa ilang dahilan, kabilang ang hindi pagdedeklara ng puwesto niya sa palengke. Kung ang isang karaniwang empleyado raw ay nawalan ng trabaho dahil dito, bakit hindi ang isang punong mahistrado?
Sa mga pangkaraniwang tao kasi na tulad natin, simple lang ang usapin. Itinatatakda ng Artikulo 11, Seksyon 17 ng Saligang Batas ang pagpapasa ng SALN: “Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limitasyon ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaaang deklarasyon ng kanyang mga ari-arian, pananagutan at aktwal na kabuuang ari-arian.”
Iniaatas din ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713) ang pagsusumite nito. Partikular na tinukoy sa RA 6713 sa mga dapat ideklara ang “all other assets such as investments, cash on hand or in banks, stocks, bonds, and the like.”
Peso o dollar account man ‘yan, dapat ideklara. Hindi ito ginawa ni Corona, kaya guilty siya.
Inasahan na ng publiko ang hatol na ito. Sa informal surveys ng Philippine Daily Inquirer at Yahoo! Philippines, parehong lumabas na mas nakararami ang naniniwala o umaasang mahahatulang guilty si Corona.
Bukod sa magandang development ito sa paglilinis ng gobyerno—ang mga may itinatatagong yaman ay kakabahan—masasabi ring magandang hakbang ito para sa demokrasya. Noong 2010 ay iniluklok ng madla si Pangulong Noynoy Aquino sa tulong ng people power-type campaign. Ngayon naman, nakapagtanggal ang Pilipinas ng opisyal sa pamamagitan ng impeachment. Kapwa naganap ang mga ito hindi sa ilalim ng mga prosesong sakop ng Konstitusyon at tumakbo sa ilalim ng mga demokratikong institusyon.
(Pinoy Gazette)