Nadagdagan pa ang lamang ni Vice President Leni Robredo kay dating Senador Bongbong Marcos matapos ang recount ng Korte Suprema — na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) — sa tatlong probinsiyang pinili ni Marcos.

Ipinoprotesta ng anak ng yumaong diktador ang pagkapanalo ni VP Robredo sa labanan sa pagkapangalawang pangulo noong 2016. Sa official tally kasi, lumamang lang si Robredo nang 263,473. Pero sa katatapos lang na recount ng PET sa Iloilo, Camarines Sur, at Negros Oriental, mahigit 15,000 ang nadagdag sa boto ni Robredo.

Ayon sa Rule 65 ng 2010 PET Rules, maaaring pumili ang nagpoprotesta ng tatlong probinsiya na posibleng kinakitaan ng dayaan. Kapag nabigo siya na mapatunayan ang dayaan base sa epekto ng recount sa kaniyang nakuhang boto, maaaring i-dismiss ng tribunal ang kaniyang electoral protest.

Pero sa desisyon ng PET nitong Oktubre 15, sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa lang ang nagsabing dapat nang ibasura ang protesta ni Marcos. Dahil sa nanaig na desisyong bigyan muna ng kopya ng report ng recount ang dalawang panig, buhay pa rin ang protesta ni Marcos.

Inatasan ng PET ang kani-kaniyang kampo ni Marcos at ni Robredo na magkomento sa resulta ng recount sa tatlong probinsiya. Hinihingan din sila ng PET ng komento kaugnay ng hiling naman ni Marcos na pawalang-bisa ang mga boto sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao dahil umano sa dayaan noong 2016 sa mga lugar na ito sa ARMM.

Samantala, pinabulaanan ng mga taga-ARMM ang akusasyon ni Marcos. Ani Bangsamoro Transition Authority member Zia Alonto Adiong, si Robredo ang tanging vice presidential candidate na bumisita at personal na nakipag-usap sa mga botante sa Marawi City na nasa Lanao del Sur. Dahil aniya rito, landslide ang pagkakapanalo roon ni Robredo.

Ayon naman kay Deputy Speaker Mujiv Hataman, hindi ibinoto ng mga Bangsamoro si Marcos dahil sa mga katarantaduhang ginawa sa kanila ng ama ni Bongbong noong martial law.

Ang anak ng diktador na nandaya sa snap election noong 1986, pinaninindigang biktima siya ng malawakang dayaan. Ayon kay Ferdinand Jr. a.k.a. Bongbong, “they robbed the proper vice president, myself, of three years of service.”

Wagi ang sagot ni VP Robredo: “Parang nakakatawa naman ‘yong siya ‘yong nagsasabi no’n. Kasi, between the two of us, parang hindi yata ako ang may ugaling mag-rob.”

“Lahat ng na-achieve ko pinagpaguran ko, wala akong fake diplomas. Wala akong anything. Hindi ako naglalabas ng fake news,” dagdag pa ni Robredo.

Ang mga tagasuporta ni Marcos at ni Pangulong Rodrigo Duterte, tuloy-tuloy sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol kay Robredo, sa electoral protest, at sa mag-amang Marcos. Dati nang sinabi ni Duterte na magbibitiw siya sa puwesto kapag nadeklarang pangulo si Bongbong.

“Dapat hindi niya kaya ‘yong sabihin kasi between the two of us, alam ko, hindi ako ‘yong robber,” hirit pa ni Robredo.

Tama ang totoong pangalawang pangulo. Sa kategoryang “Greatest robbery of a Government” ng Guiness World Records, record holder pa rin ang ama ni Bongbong. Sa pagtataya ng Presidential Commission on Good Government, lima hanggang sampung bilyong dolyar ang ninakaw ni Ferdinand Marcos sa kaban ng yaman ng Pilipinas.

Sa kabila ng mga desisyon ng Korte Suprema na nagbigay sa pamahalaan ng Pilipinas ng karapatan sa milyon-milyong dolyar na deposito ng mga Marcos sa Swiss banks, mga pondo mula sa kanilang dummy company, at koleksiyon ng mga alahas, patuloy na nagkukunwaring inosente at ayaw aminin ng pamilya ni Bongbong ang mga ginawa nila noong panahon ng diktadura.

Hindi kataka-takang ayaw ring aminin ni Bongbong ang kaniyang pagkatalo. `

Nalathala rin sa October 2019 issue ng Pinoy Gazette. Galing sa Philippine News Agency ang larawan.