Pinagdiskitahan kamakailan ni Imee Marcos, bagong senadora at anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, ang mga convenience store dahil sa aniya’y “astronomical” na presyo ng mga paninda sa mga ito.

Dapat daw imonitor ng Department of Trade and Industry ang mga tindahang ito na bukas 24 oras, ayon pa kay Marcos.

Marami ang natawa sa reklamo at panawagan ni Marcos. Sa comments ng netizens sa ipinost ng Philippine Star Facebook Page na quote ni Marcos, ipinaliwanag nilang mas malaki ang gastos ng mga negosyante sa pagpapatakbo ng convenience stores na bukas maghapo’t magdamag kaysa sa mga ordinaryong sari-sari store.

Bukod nga naman sa pagbabayad ng franchise, sangkaterbang permits ang kailangang kunin ng may-ari bago makapagbukas ng ganiyang tindahan. Dahil may resibo sila, buo ang binabayaran nilang buwis. Dagdag pa sa gastusin ang ibinabayad nila sa koryente para sa ilaw at aircon. May telepono at internet connection din sila. At siyempre, may cashiers at security guards na kailangan nilang pasuwelduhin at bayaran ng night differential.

Kakatwang kinailangan pang ipaliwanag ito ng mga tao isa isang senadora. Sana, nabibili rin ang common sense sa convenience stores, di ba?

Pero sabihin na nating magandang may umuungkat sa usaping ito para sa kapakinabangan ng mga consumer. Kakatwa pa ring nanggaling ang mga pahayag na ito kay Imee Marcos — o sa kung sino man sa kaniyang pamilya.

Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), lima hanggang 10 bilyong dolyar — o aabot sa 500 bilyong piso sa palitan ngayon — ang kinulimbat sa kaban ng yaman ng pamilya ni Ferdinand Marcos, na nagpailalim din sa bansa sa mapang-abusong diktadura.

Ilang desisyon na ng Kataastaasang Hukuman ang bumaba na nagbigay sa pamahalaan ng Pilipinas ng karapatan sa milyon-milyong dolyar na deposito ng mga Marcos sa Swiss banks, mga pondo mula sa kanilang dummy company, at koleksiyon ng mga alahas. Marami pa ang mga pending na kaso. As of 2017, mahigit 171 bilyong piso pa lang sa mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos ang nababawi ng PCGG.

Inirereklamo ni Imee Marcos ang “astronomical” aniyang halaga ng mga bilihin sa 7-Eleven, pero astronomical din ang halagang kinulimbat nila sa kaban ng yaman. Kung talagang pagkalinga sa sambayanan ang dahilan ng kaniyang pahayag, di ba’t mas dapat unahin ni Marcos ang pagtulong na maibalik ang mga kinuha nila sa atin?

Sabi nga ng isang netizen sa sagot niya kay Marcos, “Define ‘astronomical’ muna tapos isauli n’yo muna ‘yong ninakaw ng pamilya mo, tapos tsaka natin ipasara lahat ng 7-Eleven.”

Habang nagli-lip service si Imee sa kapakanan ng mga mamimili, ang kapatid niyang si Bongbong naman ay nag-iimbot pa rin sa vice presidential post. Malapit nang ilabas ng Presidential Electoral Tribunal ang paunang resulta ng protesta ni Bongbong. Magre-resign daw si Pangulong Rodrigo Duterte ‘pag naging bise presidente ang junior ni Ferdinand.

Sinasabi rin ng magkapatid na Marcos na mag-move on na tayo sa martial law at sa ill-gotten wealth nila. Pero para tayo maka-move on, dapat ay umamin muna sila, magsauli ng nararapat sa bayan, at tantanan ang mga makakapangyarihang posisyon sa pamahalaan.

“Only by seriously and honestly abandoning their presidential and other political ambitions, and only then, can the process of truly and earnestly moving on begin — towards this country and its people’s reaching some closure on the darkest and most destructive episode in recent Philippine history,” sabi nga ng propesor ko sa UP na si Dean Luis Teodoro.

Nalathala rin sa Pinoy Gazette noong Setyembre 22, 2019. Ang litrato ay galing sa PCOO.