(Ang sanaysay na ito ay unang nalathala sa Pinoy Gazette at ipinost sa ederic@cyberspace noong October 13, 2004 @ 08:06. Muli itong inilalathala bilang pag-alaala kay Haydee Yorac.)
May mga nagsasabing habang nagkakagulang daw ang isang tao, unti-unti ring nawawala ang kanyang ideyalismo. Maaaring totoo iyan sa karamihan. Pero hindi sa ilan, tulad ni Haydee Yorac, tagapangulo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) mula 2001 at Ramon Magsaysay Awardee for Government Service ngayong taon.
Noong Sabado, napanood ko ang ilang bahagi ng panayam sa kanya sa CNN Talk Asia. Ikinuwento niya kung paano siya nakapanghatak ng mga kabataang abogado mula sa UP College of Law na karamiha’y mga dati niyang estudyante. Natuwa at pinanindigan pa nga ako ng balahibo nang sabihin niyang naniniwala siyang hindi siya nag-iisa sa kanyang ideyalismo at kailanma’y di siya nawalan ng pag-asa.
Pinarangalan si Atty. Yorac bilang pagkilala sa kanyang pagsusumikap na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan sa pamamagitan ng marangal na paglilingkod at sa kanyang walang sawang pagsusulong ng pangingibabaw ng batas sa Pilipinas.
Sa ilalim ng pamamahala ni Atty. Yorac sa PCGG, nabawi ng pamahalaan ang may 38 bilyong piso mula sa Swiss bank accounts ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Kahit hindi siya kasingsikat ng mga artista at mga pulitiko, matagal na nating kilala si Haydee Yorac. Sigurado akong natatandaan natin siya bilang isang matapang, mahusay, at matuwid na opisyal ng Commission on Elections at isang karapat-dapat na kandidato sa pagkasenador ngunit hindi pinalad na makakuha ng sapat na boto noong 1998. Kadalasan natin siyang nakikita noon sa diyaryo at telebisyon na malago ang buhok at nanlalaki ang mga mata — para bang talagang handang makipaglaban!
Sa artikulong “Still A Fighter After All These Years” ni Pennie Azarcon-dela Cruz sa Sunday Inquirer Magazine noong September 12, 2004, tinalakay ang buhay at pakikibaka ni Atty. Yorac.
Ipinanganak ang matapang na lingkod bayan noong 1941 at lumaki sa Saravia (ngayo’y EB Magalona) sa Negros Occidental. Panganay siya sa pitong anak nina Jose Miranda, na nagtapos ng abogasya at naging meyor ng kanilang bayan, at ni Josefa Bofill, isang guro. Nagtapos siyang valedictorian sa Saravia Elementary School at salutatorian sa Colegio de Sta. Teresita sa Silay City.
Bata pa siya ay napansin na niya ang di-pantay na kaayusan sa lipunan. Nagtaka raw siya kung bakit kapag nagsisimba ang mga tao, ang mga mayayaman ay diretsong umuupo sa unahan at sa likod naman ang mga mahihirap. Dahil anak ng meyor, siya’y nakakaupo saan man niya naisin. Ngunit binagabag siya ng kanyang mga naobserbahan. Kaya naman bata pa’y nagpasya na siyang maging manananggol at tiyaking ang katarungan ay iiral sa lahat ng pagkakataon.
Na siya naman niyang isinabuhay. Naging iskolar at nagtapos siya ng abogasya sa UP. Nag-aral din siya ng International Law sa Yale University. Bilang isang abogado, kabilang sa mga matagumpay niyang ipinagtanggol ang mga direktor na sina Lino Brocka and Behn Cervantes na aktibo sa paglaban sa diktaturang Marcos. Maging si Atty. Yorac ay nakulong din nang mahigit tatlong buwan dahil sa pagpoprotesta sa pakikisangkot ng Pilipinas sa pandirigma ng United States sa Vietnam.
Matapos ang People Power 1, itinalaga siyang tagapangulo ng Comelec. Isang kilalang warlord at Marcos supporter, si dating Lanao del Sur Gov. Ali Dimaporo, ang nasorpresa nang taliwas sa kanyang inaasahan, ideklara siyang nanalo ng noo’y bagong pinuno ng Comelec. Ayon kay Yorac, trabaho niyang ipatupad ang batas, ano man ang kinabibilangang kampo ng mga nasasangkot.
Nanatiling single si Atty. Yorac — buo niyang inaalay ang kanyang panahon sa paglilingkod sa bayan at pagsusulong ng katarungan. Hindi nagmamaliw ang kanyang ideyalismo at pag-asa. Para sa ating mga kabataan, nagsisilbi siyang halimbawa at inspirasyon.
Updated March 4, 2019 for minor edits and to add photo from Bantayog ng mga Bayani. See original post.
Related links: Heroes @ Jaemark’s Ultraelectromagneticblog
Haydee Yorac passes away at 64 @ JSpotter
Haydee Yorac, 64 @ The Sassy Lawyer’s Journal
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
May 31, 2023
Converge launches campaign for mothers
Converge launched a campaign for underprivileged mothers under Caritas Manila.
May 10, 2020
Panoorin ang ‘Katipunan’
Itinatampok sa "Katipunan" ang buhay at pag-ibig ni Gat Andres Bonifacio.
January 13, 2020
MVP Group brings aid to areas affected by Taal eruption
Tulong Kapatid, the consortium of companies and foundations of businessman…
Nanghihinayang ako dahil ndi man lng ako nagkaroon ng pagkakataon na ma-meet si Atty. Haydee Yorac. Sana maituro sa mga kabataan ngayon ang mga nagawa at naitapos niya. Salamat din sa article na’to.
Madame Yorac,I salute you,you fulfilled your duties with grace and dignity,THANK YOU.
paki padaln namn aq ng 10 sanaysay at talumpati
nice work! talagang kakaiba ang seleksyonn na ito. hindi lamang tumatalakay sa realidad kundi nagpapahiwatig din at naglalarawan kung ano talaga ang pilipinas.hindi kop minsan inisip na mayroon pa palang op[isyal ng gobyerno na katulad ni atty. haydee yorac. masyado nang masama ang emahe ng gobyerno sa atintg bansa at panahon na para ito’y baguhin.nakabibighaning pakinggan na ang isang babae ay mya mas malaki pang nagawa tungkol sa serbisyo kesa sa mga lalaki myembro ng pamahalaan ay nagpapalaki na lamang tiyan.
[…] mga magniniyog na kinabibilangan ng aking lolo at lola, at higit sa lahat, sa halimbawa at inspirasyong kanyang ibinigay sa mga kabataan sa pamamagitan ng malinis at tapat na paglilingkod sa pamahalaan. Sa […]
[…] mga magniniyog na kinabibilangan ng aking lolo at lola, at higit sa lahat, sa halimbawa at inspirasyong kanyang ibinigay sa mga kabataan sa pamamagitan ng malinis at tapat na paglilingkod sa pamahalaan. Sa […]
[…] 5. Muling inilalathala rito bilang pag-alaala kay Haydee Yorac.) Dati na nating sinabi na isang inspirasyon para sa kabataan si Haydee Yorac, dating tagapangulo ng Philippine Commission on Good Government at […]
[…] 5. Muling inilalathala rito bilang pag-alaala kay Haydee Yorac.) Dati na nating sinabi na isang inspirasyon para sa kabataan si Haydee Yorac, dating tagapangulo ng Philippine Commission on Good Government at […]
Ayos na ayos ‘to. Panahon na ring may sumulat nang mahaba-haba tungkol sa kanya. Overdosed na ang Philippine media sa mga unremarkable showbiz bio, e.