Hindi kami nakapunta sa unang reunion concert ng Eraserheads noong Agosto. Masyado kasing malapit sa payday yung date ng concert. Nakibalita na lang ako noon sa Internet, nagulat nang maputol ito, at nag-alala dahil sa nangyari kay Ely Buendia.
Kaya naman ipinangako kong di namin palalagpasin ang part two ng concert. Noong Marso 7, kabilang kami ni Myla sa sandaang libong E-heads fans na naki-jamming sa Mall of Asia concert grounds sa sinasabing huling concert ng pinakamalaking banda sa kasaysayan ng Pilipinas. Dahil medyo may kamahalan ang para sa mga VIP, nagkasya na lang kami sa silver tickets.
Sa jeep papuntang MOA, napansin kong halos lahat yata kaming nakasakay ay papunta sa concert. Nag-Binalot muna kami bago namin hinanap ang venue, at isang oras at kalahati bago ang magsimula, naroon na kami. Mainit at nakatayo ang mga tao, pero okay lang. Excited ang lahat. Halatang inip na ang mga tao. Nang mag-fireworks, akala ko’y bahagi yun ng programa. Pero hindi pala.
Mayamaya pa, pagkatapos ng mga patalastas ng MTV DJs tungkol sa MTV at Smart, ipinalabas sa higanteng monitors ang isang maikling docu tungkol sa Eraserheads. Napataas pa nga ang kamay ko nang ipakita ang Unibersidad ng Pilipinas, at naghiyawan din ang malamang ay mga taga-UP din sa crowd.
“Magasin” ang una nilang kinanta, na sinundan ng iba pang mga sikat nilang awitin kabilang ang “Huwag Mo Nang Itanong”, “Alkohol”, at “Torpedo”. Napansin ko lang na mas alam ko talaga yung mga Tagalog na kanta ng E-heads.
Halos lahat ata ng mga naroon, sumabay sa pagkanta. Yung mga katabi namin, anlalakas pa ng boses. Sa maniwala kayo’t sa hindi, pati ako nakikanta rin nung bandang huli. Okay lang, wala namang makakarinig.
Sa pagitan ng sets, siguradong di lang nagbibiro ang mga tao, pati na ako, kapag sinasabi naming sana’y walang mangyayaring announcement. Sa awa ng Diyos, wala naman. Nairaos nang maluwalti — at sobrang asteeg — ang ikalawang Eraserheads reunion concert.
Gusto ko yung ikalawang set. Yung nakaupo sila — parang yung nung Agosto 30 raw, ani Karla R., na dumalo sa dalawang reunion concerts at kumuha ng magagandang larawan. Ang galing nung pagkakaayos ng stage, pati ang ilaw at ang kulay ng suot ni Ely. Senti rin ang set na ito, na kinapalooban ng mga kantang gaya ng “Julie Tearjerky,” “Tikman,” “Wishing Wells,” at “Pare Ko.” Pinakagusto ko yung pagkanta ni Ely ng “Kailan”:
Kailan Keyword from Smart Buddy on Vimeo.
Sabi nga ni Pam Pastor ng Inquirer, napaka-intimate ng dating ng bahaging ito. Sang-ayon ako roon. Aliw nga nang humirit si Ely na kung may requests daw, ibigay lang sa waiter. Sabagay, sa buong concert, habang tumatagal, nabuo yung feeling na close kaming lahat: kami at ang banda, at kami at ang iba pang mga manonood.
Dapat yata, hanggang dalawang set lang ang concert. Pero syempre, di puwedeng ganoon lang. Kaya naman bumalik sa entablado ang Eraserheads. At sa wakas, kinanta nila ang hinihintay ko: “Minsan,” na sumundo sa alaala ng unang taon ko sa UP. Bago magtapos, nagpugay sila, kasabay at kasama ang sandaaang libo, sa makabayang hari ng Pinoy Rap, si Francis Magalona. Sinundan ito ng akala namin ay siya nang Huling El Bimbo sa gabing ito.
Pero siguradong alam nina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Buddy Zabala, at Marcus Adoro na sobrang na-miss sila ng mga tao. At marahil, na-miss din nila tayo. Kaya naman nang nagsisilabasan na ang mga tao, nagulat ang lahat nang biglang may magsalita sa mic — bitin pa raw sila. At natuloy ang “Ligaya” sa gabing sana’y di na nagwakas, kahit pa mag-“Sembreak” na sina Toyang.
Nang kantahin nila yung “Walang Nagbago”, sa may bandang simula ng concert, humirit ako sa Twitter ng “Walang nagbago. Sana nga.” Pero sa “Julie Tearjerky,” sabi naman nila’y “Nothing stays the same…” Sabagay, tayo pa rin naman yung dating tayo, pero di na gaya nang dati.
Sobrang masaya yung concert. Sa tunog ng musika ng Eraserheads, nakapag-senti tayo nang hindi sinasakal ng mga alaala. Sumilip tayo sa kahapon, ngunit gising sa mga realidad ng kasalukuyan.
Kaya nga pagkatapos ng concert, pagkatapos magtiyaga nang ilang minuto sa pila sa tindahan ng souvenir items, nagpasya kaming umalis na lang nang sa dami ng tao’y di na kami maasikaso ng nagbebenta. Nagpadala na lang kami sa agos ng mga tao palabas, at in-enjoy ang late dinner bago kami kontentong umuwi.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
August 19, 2024
NAFA presents ‘Prismatic: Ang Ah Tee’
Exhibition showcases 40 recent works of Singapore Cultural Medallion recipient.
July 24, 2023
NAFA presents Southeast Asian Arts Forum 2023
The forum is a continuation from last year’s sustainability-centered theme.
October 5, 2021
Kompleto na ang COVID-19 Vaccine Shots Ko
Nakompleto ko na ang dalawang doses ng COVID-19 vaccine. Ikaw ba? Kung hindi…
The BEST concert in Philippine history!!
i was at the concert as well! nakakaiyak pa rin!