Napaaway ako dahil kay Snow

Si Snow ang aming pinakamamahal na alagang Pomeranian. Ipinaampon siya sa amin ng dati niyang may-ari ilang buwan bago ang kasal namin ni Myla. Napakalambing pero napakakulit ni Snow. Mahilig din siyang kumain. Paggising namin sa umaga, masayang-masaya siyang naglalambing. Ayaw niyang maiwan sa bahay, at para siyang mababaliw sa tuwa tuwing kami ay darating.

Habang inilalakad ko si Snow kanina sa isang sidewalk malapit sa amin, may isang may edad na lalaki na may minamanehong sasakyan na biglang nagsisigaw. Kadalasan, ‘di talaga ako namamansin ng mga naninigaw, naninitsit, o nananawag sa kalye.

Nang ‘di ko siya pinag-ukulan ng atensiyon at itinuloy ang pagbabantay kay Snow na noo’y nagsisimula nang magpaikot-ikot sa sidewalk, dumampot ng bato ang lalaki. Ihinagis niya ang bato sa direksiyon namin. Hindi kami tinamaan ni Snow, pero dumampot ang lalaki ng mas malaking bato at iniamba ito sa direksiyon namin.

Lumapit na ako sa nagsisisigaw na lalaking pinagbibintangan pala ako ng pagkakalat ng dumi ng aso sa tapat ng bakuran nila. Sinagot ko ang pagsisigaw niya sa akin, sabay pakita ng pamulot at lalagyan ko ng dumi ni Snow. Nagkasagutan at nagkasigawan kami, at walang gustong umalis.

Itinatanong ko sa kaniya kung bakit niya kami binato. Marami raw kasing nagpapatae ng alaga nilang aso roon kahit may nakalagay nang karatula na nagsasabing bawal magtapon ng basura doon. Sinabi ko naman sa kaniya na sa tuwing pinalalakad ko si Snow, may dala akong lalagyan, dinarampot ko ang kaniyang dumi, at itinatapon ito sa basurahan.

Dahil may pasok pa ako sa opisina, ako na ang naunang umalis. Inireport ko rin ang pangyayari sa barangay outpost malapit sa amin. Habang isinusulat ito, medyo paos ako dahil na rin siguro sa pakikipagsigawan.

Si Snow naman, gaya nang dati’y magana ang pagkain at masarap ang tulog.

Ang nangyaring ito sa amin ni Snow kanina, maging paalaala nawa sa mga may-ari ng aso na laging magdala ng lalagyan at pulutin ang dumi ng kanilang aso. Huwag itong kalimutan upang kahit may magreklamo, maipakikita natin na responsableng pet owner tayo.

At sa ibang taong hindi nakaiintindi sa nararamdaman ng mga may alagang hayop, sana’y maunawaan nila balang araw na kapamilya ang turing ng marami sa mga may-ari sa aming mga alaga. Ito ang dahilan kaya’t ikinagagalit namin ang anumang banta ng karahasan laban sa kanila. Ikinadidismaya rin namin ang mga restaurant, hotel, at iba pang establishments na ‘di nagpapapasok ng aming mga cute na alaga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *