Malakas na ingay mula sa labas ng bahay ang unang narinig ko pagkagising kaninang umaga. Matapos bumangon at alamin kung saan galing ang dumadagundong na tugtugin, nalaman kong nagbukas na pala ang bagong restaurant sa tapat ng aming gusali.

Hanggang sa oras na ito — mahigit ikawalo ng gabi — ongoing pa ang malakas na tugtugin sa tapat namin. Isinara ko na ang lahat ng bintana, pero nakakapasok pa rin ang ingay.

Katabi ng tanggapan ng barangay ang nag-iingay, pero hindi ako nagtataka na walang pumupuna rito. Mismo kasing ang mga tagabarangay, may ugali rin na i-broadcast sa loud speaker ang ilang gawain nila gaya ng pagzu-Zumba o ang flag ceremony sa simula ng linggo. Minsan ko na ngang tinawagan ang barangay para pakiusapan na hinaan ang volume nila para naman makatulog pa ako.

Sa mga bansang first world, hindi maaari ang ganitong gawain. Ayon sa website ng New York City sa Amerika, maaaring ireklamo ang non-emergency na mga ingay mula sa mga commercial establishment. Sabi ng tiya ko na nasa Germany, kapag maingay sa isang bahay, maaari silang ipapulis ng mga kapitbahay. Hindi ko alam kung may ordinansa na sa Quezon City o batas sa Pilipinas tungkol dito. Kung wala, sana’y magkaroon.

Matagal ko nang napansin — at kinaiiritahan — ang ganitong kaugalian sa atin. Kapag may bagong bukas na establishment, bakit kailangang napakalakas na music ang pantawag ng atensiyon ng mga customer? Nagbabasa-basa pa ako tungkol sa posibleng pinagmulan nito, pero maaaring ito ay isang tradisyong may kaugnayan sa pag-akit ng suwerte. Pero naman, susuwertehin nga ang negosyo mo, mamalasin naman ang mga kapitbahay na binulahaw mo! Paano naman ang mga manggagawang naka-graveyard shift at sa araw natutulog? O ‘yong mga pagod sa trabaho na gusto lamang ng isang mapayapa at tahimik na weekend?

Kung nais natin ng pagbabago, ang hilig natin sa noise pollution, sa walang patumanggang pag-iingay nang walang pakialam sa ibang nilalang, ay kabilang sa mga dapat na nating iwanan bilang alaala ng isang atrasadong kahapon.