in Balita't Usapin, Buhay at Pag-ibig

Mag-iisang buwan na rin mula nang mangyari ‘yon. By this time, dapat ay naiproseso ko na ang nangyari. Pero ang totoo, hindi ko pa rin masyadong alam kung ano ang mararamdaman ko.

Alam ko namang malabo. Kitang-kita na ang mga palatandaan, eh. Pero may puntong medyo nabuhayan ako ng loob. May maikling panahong umasa ako.

Akala ko, bubuuin ng sambayanan ang isang malayang Senado. Akala ko, itatawil ng bayan ‘yong mga politikong may rekord ng katiwalian. Umasa akong magkakaroon ng pagkakataong maglingkod ang mga nakikipaglaban para sa kasarinlan, nagsusulong ng mga karapatan, at nagtataguyod ng katuwiran.

Nagkaroon ako ng kaunting pag-asa matapos kong masaksihan ang mabilis na pag-akyat ni Chel Diokno sa mga survey.

Mas lalo akong natuwa nang makita kong binuo ng mga mamamayan mismo ang di nagawa ng malalaking partido. Pinalawak nila ang Team Pilipinas nang idagdag nila sa slate ng Otso Diretso sina Atty. Neri Colmenares at Ka Leody de Guzman. Inilagay sila sa sarili nilang mga kamay ang pagpanday ng isa sanang malaya, may kakayahan, at maipagmamalaking Senado.

Tinapos ko ang pagboto nang may kaunting pag-asang papasok ang dalawa hanggang apat sa 12 kong mga kandidato mula sa Otso Diretso at Labor Win.

Pero nadismaya ako nang lumabas na ang paunang mga resulta. Halos lahat ng mga nanguna, kapanalig ng rehimeng nagpapatirapa sa Tsina, nang-uuto at kumikitil sa sarili nitong mga mamamayan, at bumabalahura sa pananampalataya ng nakararaming mga Pilipino.

Mas nabagabag ako noong tumigil nang ilang oras ang paglalabas ng unofficial results sa transparency server na ginagamit ng media. Hindi ko maiwasang isipin kung may milagro bang naganap sa ilalim ng isang pangulong umiidolo sa isang diktador na nakilala di lang sa pagnanakaw kundi pati sa pandaraya para mapanatili ang kaniyang paghahari.

Ayaw ko sanang palaguin ang pagdududa sa aking isipan. Gusto ko kasing mapanatili ang aking tiwala sa demokratikong proseso ng halalan. Pero hindi mamatay-matay ang mga usap-usapan at sumusulpot ang maaaring mga palatandaan ng dayaan.

Samantala, sa mismong bibig na ng pangulo nanggaling na ang vote buying ay “integral part” ng halalan sa Pilipinas. Dagdag pa niya, “Don’t believe the Comelec.”

Gaya ng sa iba pang masasakit na mga karanasan, naniniwala akong sa paglipas ng panahon ay makaka-move on din ako sa kabanatang ito. Sisikapin kong makapulot ng mga aral mula sa kabiguang ito. Balang araw, nawa’y makapagsulat din ako ng makabuluhang mga mungkahing maaaring makatulong sa mga deserving na mga partido’t politiko.

Sa ngayon, iniisip ko na lang ‘yong quote sa librong “The Perks of Being a Wallflower”: “We accept the love we think we deserve.” O sa ating sitwasyon, maaaring sabihing “We elect the leaders we think we deserve.”

Good luck, Pilipinas — and may the odds be ever in your favor!

Write a Comment

Comment

  1. This reality is so heartbreaking. Akala ko mangilan ngilan lang nakakaramdam pero everytime we see a news article kundi nakaka facepalm o smh, halos lahat ng comments ay matatalas at mapangahas na salita ang nababasa ko. For me, this is a silver lining; marami na ang namumulat. I hope we all kindle the fire until we can fight back with our votes again.