Isang linggo bago ko ito isinulat, ang bansa ay nasa kalagitnaan ng pag-alaala ng ika-20 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, na nagpaalis sa diktador na si Ferdinand Marcos. Sa EDSA, naibalik–kahit hindi pa rin perpekto–ang demokrasya. Napaalis ang taong umagaw nang maraming taon sa ating kalayaan habang kinukupit ang kaban ng yaman.
Ayon nga sa kasalukuyang editoryal ng Tinig.com: “Ang napatalsik na diktador na ito’y nagkaroon ng record sa Guinness Book of World Records bilang isa sa mga pinakamatitinding kawatan sa kasaysayan. Sa pagtataya ni dating chairman ng Philippine Commission on Good Government na si Jovito Salonga, aabot sa lima hanggang 10 bilyong dolyar ang nakulimbat ni Marcos.”
Pero sa halip na masaya at makulay na pagdiriwang, sinampal tayo ng isang kabalintunaan. Parang nagbiro ang kasaysayan. Matapos ang dalawampung taon, tila napasok tayo sa isang time-space warp tulad ng nasa palabas na Shaider. Sa pagkakataong ito, ang Fuma Lear ay si Marcos, at ang Ida ay si Gloria Macapagal-Arroyo. Ang pagsasabi ni Lear ng “Gamitin ang time-space Warp,” ay inulit ni Arroyo: “Time space-warp, ngayon din!”
Kung noong 1972 ay nagdeklara si Marcos ng Proclamation 1081 o Martial Law, si Arroyo ay may Proclamation 1017 o State of National Emergency. Pareho ang basehan ng dalawang proklamasyon: ang sabwatan daw ng rebeldeng Kaliwa (mga komunista) at rebeldeng Kanan (mga sundalo) upang pabagsakin ang gobyerno.
Noon ay isang staged ambush sa sasakyan ni dating Defense Minister Juan Ponce Enrile ang ginawa ring dahilan sa pagdedeklara ng Martial Law. Ang State of Emergency naman ni Arroyo ay idineklara matapos ang isa raw bigong tangkang kudeta.
At ngayon, tulad noon, nag-utos ang Pangulo sa sandatahang lakas. Parehong-pareho ang bahaging ito ng PP1081 at PP1017: “…in my capacity as their Commander-in-Chief, do hereby command the armed forces of the Philippines, to maintain law and order throughout the Philippines, prevent or suppress all forms of lawless violence as well as any act of insurrection or rebellion and to enforce obedience to all the laws and decrees, orders and regulations promulgated by me personally or upon my direction.”
At tumugon ang AFP at ang pulisya sa kanilang amo. Para ngang na-time-space warp ang bayan. Kung noong Martial Law ni Marcos ay ipinasara ang mga mass media, ngayon sa bisa ng State of Emergency ni Gloria ay ni-raid ng pulisya ang isang diyaryong oposisyon at binantayan ng mga sundalo ang dalawang pinakamalaking broadcast network. May bonus pa: ipinagbawal ang lahat ng mga rally.
Noon ay pinagdadakip ang mga kriko ni Marcos; ngayon, inaresto ang mga tumutuligsa kay Arroyo. Yun nga lang, si Anakpawis Rep. Crispin Beltran lang ang napuruhan dahil natakasan ang mga alipores ni Arroyo ng iba pang party-lsit representatives na gusto nilang ipahuli, na sa bandang huli ay binigyan ng proteksyon ng Kongreso.
Malinaw ang totoong dahilan ng kung bakit idineklara ang PP1081 at PP1017: upang mapanatili sa puwesto ang mga Pangulong isinusuka na ng bayan. Sina Marcos at Arroyo ay kapwa binato ng mga akusasyon ng pandaraya sa eleksyon (hmmm, Hello, Garci? Hello Garci? Ma’am!), pagpapakatuta sa Estados Unidos, paglabag sa karapatang pantao, at katiwalian (nag-aamoy abono ho ba?). Ang Martial Law at State of Emergency ay naglalayong magtanin ng takot sa puso at isipan ng mga mamamayan upang sila’y mabahag ang buntot at hindi lumaban.
Ngunit kahit si Arroyo ay natuto at naaliw sa mga taktika ni Marcos, ang taumbayan ay may nakuha rin namang aral sa pakikibaka laban sa diktador na nagtapos sa EDSA I–at naulit sa People Power 2 noong 2001 (na si Arroyo pa mandin ang nakinabang!).
Hindi man humangga sa pagpapatalsik kay Arroyo, iisang-tinig na tumutol ang maraming sektor PP1017. Araw-araw na protesta ang isinagawa. Nagsampa ng kaso sa korte ang mga abogado. Muling lumabas ang mga madre, pari, at seminarista; umalma ang mga marinogn sundalo; nag-ingay ang mass media; at nagboykot ng klase ang mga iskolar ng bayan at kanilang mga guro sa UP. Marami pang ibang pagkilos laban sa PP1017 ang isinagawa. Parang sa paborito kong palabas, matapang na nilabanan nina Shaider at Annie sina Fuma Lear at Ida.
At kaninang umaga, bago ko isulat ito, napanood ko si Arroyo sa telebisyon. Binawi na niya ang Proclamation 1017. Unti-unti na yata tayong lumalabas sa time-space warp.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
February 22, 2023
How to Mitigate Cybersecurity Threats From Generative AI
Listed here are a few ways to mitigate cybersecurity threats from generative…
October 1, 2022
Marissa Flores named jury member at 2022 International Emmy Awards
GMA Network Consultant for News and Public Affairs Marissa L. Flores has been…
May 29, 2022
Oracle Red Bull Racing to bare 2022 NFT set at Monaco F1
Oracle Red Bull Racing launches its second NFT collection at the Monaco Grand…