Inilabas noong isang araw ng Kataastaasang Hukuman, na tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ang resulta ng recount sa unang tatlong probinsiyang pinili ni dating Senador Bongbong Marcos kaugnay ng kaniyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa report, lumabas na nadagdagan nang mahigit 15,000 ang botong nakuha ni VP Robredo. Alang-alang umano sa due process, hindi muna ibinasura ng PET ang protesta ni Marcos. Hinihingan muna ng PET ng komento ang mga kampo nina Marcos at Robredo.

Sa gitna ng usaping ito, kaniya-kaniyang pagpapakita ng suporta kay Robredo o kay Marcos ang mga Pilipino sa internet. Ang mga tagasuporta nina Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte, patuloy rin sa pagpopost ng creative na alternative truth sa social media. Ang mga para naman kay Robredo, nagsasabing hindi imbento ang kanilang boto noong 2016.

Naalala ko tuloy ang 2016 interview namin kay noo’y Representative Robredo pa lamang. Social media head ako noon ng GMA News at may partnership kami with Facebook. Sakay ng isang jeep na binihisan para maging GMA News-Facebook Jeepney, kinapanayam ng Kapuso anchor na si Raffy Tima ang mga tumatakbong pangalawang pangulo, maliban kay Marcos — na hindi kami pinaunlakan. Ang mga interview, live na napanood sa Facebook.

Birthday ni Robredo noong ma-interview namin siya papunta sa isang campaign activity. Ang pinakanaaalala kong tanong ay ang tungkol sa kanila ng yumao niyang asawang si dating Sec. Jesse Robredo.

Pero sa isang oras na interview, maraming usaping sinagot si Robredo. Tinanong siya kung ano ang gagawin niya kung sakaling mapatunayang nagkasala sina noo’y Pangulong Noynoy Aquino at dating Sen. Mar Roxas sa mga usapin ng Yolanda, SAF 44, at iba pa. May tanong din tungkol sa korupsiyon at nakaw na yaman ng mga politiko, pagsakay ni Kris Aquino sa chopper ng gobyerno, pagiging Dilaw, at problema sa tren at trapik.

Panoorin ang buong interview kay Robredo, at paumahin kung laging nakikita ang aking likod at bumbunan. Ito ang recorded version dahil ang live version, napuputol-putol. Di pa yata ganoon kalawak ang LTE noon. Masyado ring magalaw ang video kasi nga nasa jeep kami noon:

Narito naman ang link sa koleksiyon ng videos ng lahat ng jeepney interviews sa vice presidential candidates. Nakatulong kaya ang mga ito sa mga nanood para makapili ng kanilang pangalawang pangulo?