Si Robredo at ang kampanya kontra droga

“Save the user. Jail the user.” Ilang dekada ring ito ang alam kong slogan ng kampanya ng gobyerno laban sa droga. Sa pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte, tila “Obosen!” at “Kill, kill, kill!” ang pumalit sa slogan na ito.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, naging sunod-sunod ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang adik at pusher. Kadalasang dahilan ng mga pulis, “nanlaban” daw ang mga suspek. Suportado naman sila ng pangulo. Pero hindi lang mga pinaghihinalaang sangkot sa droga ang naging biktima ng patayan. Pati mga inosente, nadamay sa madugong giyera kontra droga ni Duterte.

Kabilang sa mga nadamay si Kian Loyd Delos Santos, 17, na taga-Kalookan. Noong Agosto 2017, matapos barilin ng mga pulis, natagpuan ang kaniyang bangkay na nakasubsob, may hawak na baril, at may shabu sa katawan. Tanong ng tatay niya, paano makapagsusukbit ng baril si Kian sa maluwag niyang pantulog na shorts? ‘Di raw kaliwete si Kian, pero bakit nasa kaliwang kamay ang baril? Wala ring masamang rekord si Kian sa barangay o sa eskuwela. Pagkalipas nang mahigit isang taon, tatlong pulis ang nahatulang guilty sa pagpatay kay Kian.

Ayon sa pulisya, mahigit 5,000 tao na ang namatay sa “Operation Tokhang,” ang tawag sa giyera kontra droga. Sa pagtataya naman ng human rights groups, aabot sa mahigit 27,000 na ang binawian ng buhay matapos matokhang.

Para sa karamihan sa Diehard Duterte Supporters (DDS), hindi mahalaga kung gaano karami ang namamatay. Ang importante para sa kanila, mabawasan ang mga adik para hindi makapambiktima ng ibang tao.

Iba naman ang paniniwala ni Vice President Leni Robredo. Para sa kaniya, hindi karahasan at patayan ang paraan para wakasan ang problema sa droga. Pagtuturo sa kabataan para makaiwas sa droga, rehabilitation ng mga adik, at pagputol sa supply ng droga ang ilan sa mga isinusulong niya.

Noong isang buwan, sinabi niya na sa kabila ng pagbabanta ni Duterte sa mga sindikato at mga drug lord, laganap pa rin ang ilegal na droga. Nararapat na aniyang muling pag-aralan kung tama ba ang kasalukuyang pamamaraan ng paglaban ng gobyerno rito.

Halatang napikon sa matagal nang pagkontra ni Robredo sa kaniyang pamamaraan, hinamon ng pangulo ang pangalawang pangulo na pamunuan ang pagsugpo sa ilegal na droga. Kalaunan, ginawang pormal ang offer — itinalaga ni Duterte si Robredo bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).

Sa kabila ng pangamba ng marami sa kaniyang mga kaalyado na ang appointment ay isa lamang patibong ng rehimeng Duterte para maipahiya si Robredo, tinanggap ni Robredo ang pagtatalaga sa kaniya bilang co-chair ng ICAD.

Ani Robredo, handa siyang pasanin ang bagong posisyon na ‘di naman niya hiningi kung ito’y magiging pagkakataon para mahinto na ang pagpatay sa mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot.

“Kung meron akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan,” aniya.

Sa kabila ng mga pang-iinsulto at panunuyang tinamo ni Robredo dahil sa hamon ni Duterte at pagtanggap niya rito, ‘di maitatangging ang landas niya sa paglaban sa droga — gaya ng pakikipagtulungan sa U.N. at sa international community — ay alinsunod sa mga nangingibabaw na prinsipyo sa sibilisadong mundo. Aabangan natin ngayon kung magiging mabisa ba ang mga pamamaraan ni Robredo sa Pilipinas na pinamamahayan ng milyon-milyong DDS.

Nalathala rin sa November 2019 issue ng Pinoy Gazette. Galing sa Facebook page ni Vice President Leni Robredo ang larawan.

1 thought on “Si Robredo at ang kampanya kontra droga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *