Ginagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kapangyarihan upang gantihan at wasakin ang mga pumupuna at kumakalaban sa kaniyang pamamahala.
Magtatatlong taon nang nakakulong si Senador Leila de Lima, na kasapi ng oposisyong Partido Liberal. Noong 2017, inaresto siya sa isa sa tatlong drug cases na isinampa ng Department of Justice laban sa kaniya. Isinasangkot ng gobyernong Duterte si De Lima sa pagbebenta at pangangalakal ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison.
Ayon kay De Lima, bahagi ng political persecution ang mga kaso laban sa kaniya, na base sa testimonyo ng ilang Bilibid inmates. Bilang chairperson ng Commission on Human Rights noong 2009, pinaimbestigahan ni De Lima ang Davao Death Squad ng noo’y Davao mayor na si Duterte. Senador na si De Lima nang pangunahan naman niya ang Senate hearings kaugnay ng extrajudicial killings na bahagi ng giyera kontra droga ni Duterte.
Noong 2016, inakusahan ng noo’y Senador Sonny Trillanes si Duterte ng pagkakaroon ng P211 milyon sa isang bank account sa BPI Julia Vargas. ‘Di umano ito idineklara ni Duterte sa kaniyang statement of assets, liabilities, and net worth. Itinanggi ito ng kampo ni Duterte sa una. Kalauna’y inamin ni Duterte na may account siya roon, pero libo lang daw at ‘di milyon ang laman nito.
Noong pangulo na siya, si Duterte naman ang nag-akusa kay Trillanes ng pagkakaroon ng secret bank accounts sa ibang bansa. Ipinakalat ng mga ka-DDS at ng online trolls ni Duterte ang akusasyong ito. Nang mapatunayan ni Trillanes na ‘di ito totoo, inamin ni Duterte na inimbento lang niya ang account numbers.
Noong Agosto 2018, pinimarhan ni Duterte ang Proclamation No. 572, na nagpapawalang-bisa sa amnestiyang iginawad ni Pangulong Noynoy Aquino kay Trillanes dahil sa papel ng dating sundalo sa Oakwood Mutiny. Ang layunin ng proklamasyon, ibalik sa kulungan si Trillanes.
Mahigit dalawang linggo matapos i-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), binawi ni Duterte ang pagkakatalaga sa pangalawang pangulo. Lumalabas tuloy ngayong tama ang sapantaha ng marami — na napikon lang si Duterte sa pagsalungat ni Robredo sa madugong pamamaraan ng paglaban sa drugs.
Para bang ginaya ni Duterte ang estilo ng kaniyang mga tagasunod. Kapag may pumuna sa pangulo, ang isasagot nila’y “Magaling ka pala. Ikaw na ang magpresidente.” Ani Duterte kay Robredo bago ang ICAD appointment: “Mas bright ka? Sige! Ikaw! subukan mo.”
Kaya lang, sa kabila ng mga panunuya ay seryosong hinarap ni Robredo ang hamon ng pangulo. Nakipagpulong siya sa iba’t ibang institusyon para makakuha ng suporta sa kaniyang paraan ng paglaban sa ilegal na droga. Pinanindigan niyang hindi patayan ang landas na tatahakin ng kampanya sa kaniyang pamumuno. Naghanap siya ng mga datos at nagdemand na panagutin ang mga may ginawang mali.
Hindi gusto ni Duterte ang nangyari, at tinanggal niya si Robredo sa ICAD. At tulad ng kaniyang mga ka-DDS at mga Marcos loyalists na online trolls na walang sawa sa pang-iinsulto sa pangalawang pangulo, humirit din si Duterte nang ganito kay Robredo: “‘Wag ka tumakbong presidente, wala ka talagang alam.” Nakalimutan ‘ata ng pangulo na taga-UP si Robredo.
Patuloy ang panggigipit ni Duterte sa mga sumasalungat sa kaniya. Naipakulong niya si De Lima, pero ang mga ka-DDS lang niya ang naniniwala sa mga paratang laban sa senadora. Bigo naman ang pagnanais niya at ng kaniyang mga tagasuporta na ibalik sa kulungan si Trillanes. At sa kaniyang pagtatangkang ipahiya si Robredo, si Duterte ang nagmukhang katawa-tawa.
Nalathala rin sa December 2019 issue ng Pinoy Gazette. Galing sa Facebook page ni Senador Leila de Lima ang larawan.
[…] (Naalala ko si Sen. Leila de Lima — na nag-imbestiga sa umano’y extrajudicial killings sa Davao. Ilang taon na rin siyang political detainee matapos ikulong dahil sa drug-related case.) […]