Bago isagawa ang nakalipas na halalan, sari-saring pangamba ang bumalot sa isipan ng mga mamamayan. Nagduda ang marami kung matutuloy ang eleksyon. Kinabahan din ang mga tao sa posibilidad na magkaroon ng failure of elections at mangunyapit sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo o kaya’y aagawin ng isang military junta ang kapangyarihan. At kung sakaling matuloy ang halalan — na nangyari naman — inasahang ito ang maging pinakamarumi — at pagkatapos ng Ampatuan Massacre — ay magiging pinakamadugo sa kasaysayan ng bansa.

Oo, naging marumi ang kampanya: di nagsawa sa batuhan ng putik ang mga kampo ng mga presidential candidates na nanguna sa survey. Hindi pa rin nawala ang bilihan ng boto. At umabot sa 32 ang namatay sa 101 election-related violence na naitala ng Armed Forces of the Philippines. Pero higit na mas mababa ang mga bilang na ito kaysa sa mga naitalang insidente ng karahasan at mga biktima sa mga nakalipas na halalan.

Sa kabila ng napakahabang pila at mangilan-ngilang pumalpak na precinct count optical scan (PCOS) machines sa pinakaunang automated election (o mas tamang sabihing automated na bilangan) sa Pilipinas, sa pangkalahatan ay tila naging isang magandang sorpresa para sa lahat ang nangyari sa halalan. Sa gabi pa lang pagkatapos ng eleksyon ay halos kalahati na ng mga election returns ang nabilang ng Commission on Elections. Nagbadya ito ng masayang balitang magkakaroon na ng bagong pangulo, at tiyak na bababa na sa puwesto si Arroyo.

Nang gabing iyon pa lang, nagkaroon na agad ng ideya ang mga tao kung sino ang susunod na pangulo. Gaya ng inasahan, nanguna sa bilangan si Senador Noynoy Aquino, na tumakbo sa platapormang anti-corruption. Nagbunga ang people’s campaign ni Noynoy, na pinatakbo at pinalakas ng napakaraming volunteers mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Para sa marami, kabilang ang manunulat na ito, ang pagkakapanalo ni Noynoy ay tagumpay ng people power sa loob ng eleksyon.

Dahil sa mabilis na pagbibilang ng mga boto, naging malinaw na mahirap nang talunin si Noynoy. (Habang isinusulat ito ay may lumalamang siya nang may limang milyong boto sa pinakamalapit na katunggaling si Joseph Estrada.) Naging mabilis din ang pag-amin ng pagkatalo nina Manny Villar, Gilbert Teodoro, at Richard Gordon.

Bagama’t may mga reklamo pa rin ng iregularidad ang mga nasa dulo ng bilangan at sa ngayon ay di pa malaman kung si Mar Roxas ba o si Jejomar Binay ang susunod na magiging bise-presidente, masasabing mas marami sa mga Pilipino ay naka-move on na at handa nang samahan ang bagong administrasyong Aquino.

Siguradong hindi magiging madali para kay Noynoy at sa mga Pilipino ang susunod na anim na taon. Maraming isyung haharapin ang bagong pangulo at ang bansa. Ngayon pa lamang ay may kontrobersiya na sa bagong punong mahistrado na ipinagpilitang i-appoint ni Arroyo. At di pa man nakakaupo ay sinasalubong na ng batikos si Noynoy.

Ngunit sa ngayon, ang mahalaga ay nalagpasan ng bansa ang mapanganib at mapanghating yugto ng eleksyon. Mawawala na sa trono ang isang pangulong kinasusuklaman para palitan ng isang lider na pinagtitiwalaan ng bayan.

(Pinoy Gazette)

Ederic Eder

Filipino blogger

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *