May mga nananawagan ngayon sa pangulo at sa mga mambabatas na tanggapin ang hamon ni dating Chief Justice Renato Corona na pumirma sa waiver na ipinamahagi niya sa Senado. Ganito ang nakasulat sa waiver ni Corona:

I, Renato C. Corona, hereby waive my right of confidentiality and secrecy of bank deposits under R.A. 1405 as amended and authorize all banking institutions to disclose to the public any and all bank documents pertaining to all peso and foreign currency accounts under my name.

Mapapansing partikular na tinukoy ni Corona ang karapatan daw niya sa pagiging tago at lihim ng mga deposito niya sa bangko sa ilalim ng batas.

Ang ginamit kasi niyang dahilan — o palusot, para kay Rep. Rudy Fariñas — sa di niya pagdedeklara ng $2.4 milyon niya sa bangko ay ang Republic Act 6426, na tumitiyak sa pagiging confidential ng dollar deposits.

Di kaya ang pagpirma sa waiver ni Corona ay tanda ng pagsang-ayon sa paniniwala niyang dapat manatiling tago ang dollar accounts sa kabila ng nakatakda sa Konstitusyon?

Ayon sa Artikulo 11, Seksyon 17 ng Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas:

Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limitasyon ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaaang deklarasyon ng kanyang mga ariarian, pananagutan at aktwal na kabuuang ariarian.

Iniaatas din ng Seksyon 7 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at Seksyon 8 ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713) ang pagsusumite ng statement of assets, liabilities, and net worth (SALN). Partikular na tinukoy sa RA 6713 sa mga dapat ideklara ang “all other assets such as investments, cash on hand or in banks, stocks, bonds, and the like.”

Samantala, may mga nagsasabing di na kailangan ang waiver ni Corona. Ganito kasi ang bahagi ng dokumentong pinipirmahan ng bawat opisyal at manggagawa ng pamahalaan na nagpapasa ng SALN:

I hereby authorize the Ombudsman or his duly authorized representatives to obtain and secure from all appropriate government agencies, including the Bureau of Internal Revenue, such documents that may show my assets, liabilities, networth, business interest and financial connections, to include those of my spouse and unmarried children below 18 years of age living with me in my household covering previous years to include the year I first assumed office in the government.

Kung isa ka sa mga opisyal na hinahamon ni Corona, pipirma ka ba?