in Biyahe Tayo, Titik ni Ederic

Kamakailan ay muli akong naimbitahang magsulat ng kolum sa Pinoy Gazette, isang buwanang diyaryo para sa mga kababayan natin sa Japan. Narito ang unang article ko, na dinagdagan ko ng mga retrato.

Maraming salamat kay Len at sa pamunuan ng Pinoy Gazette sa muling pagbubukas ng mga pahina ng diyaryong ito para sa aking “Tinig.” Halos walong buwan matapos malathala ang huling article ko para sa kolum na ito noong Hulyo 2013, sa unang pagkakataon ay nakabiyahe kami sa Japan ni Myla, na nobya ko pa lang noon. Naulit ang pagbisita namin diyan nang sumunod na taon.

Macha ice cream

Sa dalawang biyaheng ‘yon, nakituloy kami sa isang kaibigan namin na nag-aaral sa Kyoto; dinalaw namin sa Oyama si Mrs. Sahara, na kabilang grupong nagbigay ng scholarship kay Myla sa high school; at nag-Airbnb kami sa Tokyo at nakipagkita rin sa dati kong boss sa Kyodo News.

Sa Japan ako pinakaunang nakakita at nakahawak ng niyebe o snow. Nagpiyesta rin ako sa mga paborito kong unagi don at takoyaki. Dumalaw kami sa iba’t ibang mga templo at sa estatwa ni Hachiko. Nakilala ko ang Genki Sushi at Uniqlo, at naadik ako sa Daiso — kung saan minsa’y nakasabay pa naming mamili ang isang college dormmate ko. Natuwa rin ako sa napakaraming gumaganang vendo machines. Nakatikim din kami ng sakura-flavored Starbucks Frappuccino at ng Butterbeer na iniinom nina Harry Potter.

Snow

Namangha kami sa napakabilis na Internet at nakasakay sa tila gumuguhit sa tulin na bullet train. Sabi ni Mrs. Sahara, sila ang nagturo sa mga Tsino ng bullet train technology. Mabuti na lang at ang binabalak na Metro Manila subway ay pagtutulungan ng Japan at Pilipinas. Pero ang Philippine National Railway, China raw ang makakatrabaho para sa mga train papuntang Bicol.

Shinkansen

Bumilib din ako sa mga Hapones sa nakita kong kapuri-puri nilang ugali sa kalsada. Dito sa Pilipinas, ‘pag nakita kang patawid pa lang ng karamihan sa mga driver, lalo nilang bibilisan ang takbo para hindi ka umabante. Sa Japan, malayo pa ang sasakyan ay babagal na ito at talagang titigil para makatawid ka nang ligtas. Ang mga tao naman, sumusunod sa traffic lights.

Pedestrians

Nainggit din ako sa sitwasyon sa loob ng mga pampublikong sasakyan. Sa mga bus na nasakyan namin, walang radyong maingay o telebisyong nagpapalabas ng mga pelikula. Walang nakikipag-usap nang malakas sa telepono. Hindi rin uso ang pakikinig sa music o panonood ng video nang walang earphones. Dito sa atin, nagbabalak na akong magtayo ng foundation na ang layunin ay makalikom ng pondo para makapamahagi ng earphones sa mga kababayan natin sa MRT, bus, at jeep na walang pakialam kahit naka-broadcast sa buong train ang pinanonood nila.

Nasaksihan ko rin ng respeto ng mga Hapones sa personal space. Tila ba ayaw nilang makagdulot ng hassle sa ibang tao. May mga senior citizen pang kahit bigyan mo ng upuan, tumatanggi pa! Walang tulakan o siksikan sa pila o sa loob ng train. Dahil na rin siguro hindi naman kasing lala ng sitwasyon sa MRT at LRT natin ang nararanasan n’yo riyan. At siyempre, marunong sila ng tamang paggamit ng escalator.

Na-impress din ako sa linis ng paligid sa mga lugar na napuntahan namin. Ang mga basura, sobrang ayos ang pagkakalagay sa mga collection area. Wala rin akong namataang basta-basta naghuhulog ng balat ng kendi sa kalsada.

Garbage

Siyempre, ang pagiging on time nila ang pinakaalam na ng karamihan, kahit ng mga hindi pa nakararating diyan.

Kabilang ang mga nabanggit ko sa mga bahagi ng kasalukuyang sibilisasyong Hapones na maganda sanang madala natin sa Pilipinas. Pero siyempre, ang mga obserbasyong ‘yan ay limitado mula sa perspektiba ng isang turistang nanatili sa Japan nang ilang araw lamang.

Gaya nang dati, ikagagalak kong marinig ang inyong feedback, mga kuwento, at mga karanasan diyan. Active pa rin ako sa Twitter at Facebook bilang @ederic, at nasa www.ederic.net pa rin ang aking blog.

Post a reply