Gloria Macapagal-Arroyo (Gov.ph Photo)

Ito ang mga pangako ni Gloria Macapagal-Arroyo nang maging pangulo siya matapos mapatalsik si Joseph Estrada sa EDSA 2: paglaban sa kahirapan, mabuting pamamahala, bagong pulitika, at pagiging mabuting halimbawa sa mga pinamumunuan.

Sa halip, eto ang mga maaalala natin sa kanyang siyam na taon sa poder:

Giyera ng US sa Iraq. Sa pagiging sunud-sunuran sa Amerika, kinaladkad ni Gloria ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsuporta sa pandirigma nito sa Iraq.

Mga Kasinungalingan. Bukod sa hindi pagtupad sa mga pangako niya sa EDSA 2, nagkunwari si Gloria na di na tatakbo sa halalang 2004. Ginamit pa niya ang pangalan ni Gat Jose Rizal sa kanyang “pangako.” Pagkalipas ng ilang buwan, “nagbago ang isip” niya.

Fertilizer Scam. Sa tulong ni Jocjoc Bolante, kaibigan ng asawa ni Gloria, ginamit sa kampanya ni Gloria at ng mga kaalyado niya ang pondo para sa pataba na dapat ay mapupunta sa mga magsasaka.

Proclamation 1017. Noong Pebrero 24, 2006, nagdeklara si Gloria ng State of Emergency dahil daw sa rebelyon ng Kaliwa at Kanan. Kopyang-kopya ng deklarasyon ang martial law ni Marcos. Sa isang linggong iyon, pinagdadakip ng kanyang gobyerno ang mga kritiko.

Hello, Garci! Habang binibilang ang mga boto noong 2004, tinawagan ni Gloria ang Comelec commissioner na si Virgilio Garcillano. Ani Garci, maayos naman ang “ginawang pagpapataas” kay Gloria. Hindi tumangkad si Gloria, pero nanalo siya sa bilangan at muling naging pangulo.

Extrajudicial Killings. Nakapagtala ang organisasyong Karapatan ng 1,188 kaso ng pagpatay ng mga aktibista, mamamahayag, abogado, huwes, taong-simbahan, at iba pa sa ilalim ng administrasyon ni Gloria. Kabilang sa bilang na ito ang 57 biktima ng Ampatuan Massacre.

ZTE Scandal. Noong 2007, kinansela ni Gloria ang isang kontrata sa isang kumpanyang Tsino na maglalatag sana ng national broadband service sa bansa matapos mabisto ang pagkakasangkot ng kanyang asawa at isa pa nilang kaibigan sa panunuhol para maaprubahan ang proyekto.

Nabigong Con-Ass. Noong isang taon naman, pinilit ilusot ng mga mambabatas na kaalyado ni Gloria ang pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly. Umatras sila matapos ang matinding pagtutol ng mga tao.

Ilan lang iyan sa mga para sa akin ay pinakamatitinding kabulastugan sa administrasyon Arroyo. Di pa kasama riyan ang mga isyu at kontrobersiya sa jueteng, Jose Pidal, overpriced na Diosdado Macapagal Highway, Northrail at Southrail projects, paggamit ng PCSO funds sa kampanya, PIATCO deal, bulok na bigas, panunuhol sa mga congressman para di ma-impeach, pagpipiyesta sa Le Cirque, ari-arian sa San Francisco, California, at iba pang di na at ayaw na nating maalala.

Ngayong patapos na ang kanyang termino, ansarap mag-“Babay, Gloria.” Pero huwag muna, sumisigaw pa ng katarungan ang sambayanan.

(Pinoy Gazette)