Huling article para sa kolum na “Tinig” sa Pinoy Gazette na nalathala noong Hulyo 28, 2013
Habang isinusulat ito, puspusan ang paghahanda ng iba’t ibang sektor para sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang mga taga-gobyerno, naghahanda ng mga magagandang balitang ibabahagi ng Pangulo at ikinakasa ang seguridad sa loob at labas ng Batasang Pambansa. Ang mga militante, naghahanda para sa mga protesta. Kami namang mga taga-media, inaayos ang lahat ng mga kakailanganin para sa aming coverage.
Nasa kalagitnaan na ng kanyang termino si Noynoy. Intresado ang mga tao na malaman kung alin sa mga pangako niya sa kampanya at sa mga nakalipas niyang SONA ang mga natupad na. Sa kabila ng pag-angat sa ilang aspekto gaya ng inuuulat na pag-unlad sa ekonomiya, pagsisikap na mapuksa ang katiwalian, at pagkakapasa ng ilang mahahalagang batas gaya ng RH Law, marami pa ring kailangang ayusin ang administrasyong Aquino.
Patuloy pa rin ang paglalakbay tungo sa daang matuwid. Kailangan pang maramdaman ng karaniwang tao ang pag-unlad at ang tunay na kapayapaan. Kailangan pang maipasa ang Freedom of Information bill. Napakarami pang maraming problemang kailangang tugunan ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Kung si Pangulong Aquino ay may tatlo pang taon para tuparin ang kanyang mga pangako, ang espasyo ng “Tinig” sa Pinoy Gazette ay naubusan na ng panahon. Ito na po ang huling artikulo sa kolum na ito.
Sa nakalipas na dekada, tinalakay natin ang samu’t saring paksa — mula sa mga personal kong saloobin, mga karanasan sa aking mga bakasyon, kung ano ang pinanood o binasa ko, hanggang sa mga sakuna, mga halalan at mga isyu’t personalidad sa pulitika, mga intriga’t mga bagong pangyayari sa pinilakang tabing, mga uso sa Internet at social media, at iba’t iba pang usaping pambansa. Umaasa akong kahit paano’y na-update ko kayo sa mga nangyayari rito sa Pilipinas at naibsan kahit kaunti ang pangungulila ninyo sa bayan at pamilyang inyong pansamantalang iniwan.
Salamat sa pamunuan ng Pinoy Gazette at gayundin sa mga nakalipas na editor: kina Glen — na nagbukas ng pagkakataong ito — Ira, Tim, Len, at iba pang editors na nagtiyagang mag-ayos ng laging late kong drafts. Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo, mga mahal naming mambabasa.
Nagwakas man ang espasyong ito, tuloy pa rin ang ating pagsubaybay sa mga balita’t usapin sa ating bansa. Sana’y magkita-kita pa rin tayo sa aking blog, ang ederic.net. Pakalat-kalat din ako sa Twitter (@ederic), Facebook (ederic.eder), at iba pang social networking sites. Paramdam po kayo.
Muli, hanggang dito na lamang at maraming salamat.

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
February 22, 2023
How to Mitigate Cybersecurity Threats From Generative AI
Listed here are a few ways to mitigate cybersecurity threats from generative…
October 1, 2022
Marissa Flores named jury member at 2022 International Emmy Awards
GMA Network Consultant for News and Public Affairs Marissa L. Flores has been…
August 22, 2022
Jollibee opens in Times Square
Jollibee on Thursday officially took its place at "the crossroads of the world"…