Ang ambag ko sa Blog Action Day sa Pilipinas at sa buong mundo:

Kung nag-aaral ka pa lang, lagi mong maririnig sa mga matatanda: “Mag-aral kang maigi. Magsumikap ka upang makaahon tayo sa kahirapan.” Tama lamang na sundin ito, sapagkat tunay na ang edukasyon ay makapagbubukas ng maraming oportunidad.

Sa kabila nito, hindi dapat kalimutan ng bawat isa — mag-aaral man o hindi — ang kahalagahan ng pakikisangkot at pagsusuri sa mga problema ng bansa, gaya ng kahirapan. “Huwag ninyong hayaang ang inyong pag-aaral ay makasagabal sa inyong edukasyon,” ang paghahalaw ng isang kanta sa musical tungkol sa buhay ni Lean Alejandro sa isang sikat na quotation ng dakilang manunulat na si Mark Twain.

Ang masaklap na kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino ay hindi hiwalay na karanasan, at ito ay may pangkasaysayang pinagmulan na dapat nating alamin at pag-aralan.

Makabubuti kung pag-iisipan kung bakit habang may nakatira sa ilalim ng tulay samantalang may mga taong kung maglakbay sa mundo ay parang nagkakatuwaan lang (“Pick a country, Malou!”). Makatutulong kung susubukang unawain kung bakit habang may mga magsasakang walang sariling lupa, may mga mayayamang asyenderong humahawak pa ng matataas na posisyon sa gobyerno.

Maraming paraan upang pag-aralan ang kahirapan at maghanap na solusyon upang ito’y maging bahagi na lamang ng kasaysayan balang araw. Makatutulong ang pagbabasa ng mga aklat at dokumentong isinulat mula sa pananaw ng masa.

Sa paaralan at komunidad, maraming mga samahang puwedeng salihan. Kung nabubulol ka sa mga katagang “imperyalismo, buruktrata-kapitalismo at piyudalismo” sa chikahan ng mga aktibista, o feeling mo’y uusok ka kapag pumasok ka sa simbahan para makipagdiskusyon sa mga relihiyosong lingkod ng bayan, maaari mong ipakita ang iyong pakikisangkot sa pagkikipag-rock-rakan para edukasyon, o pagtula, o sa pagsusulat at pagpapahayag ng iyong tinig.

Maaari kang tumulong sa mga grupong naggagawad ng kalinga at bumubuo ng mga tahanan at komunidad ng mga mahihirap. O kung medyo rich kid ka naman, alam mo bang kahit ang pagbili ng tamang iPod at iba pang gadgets ay maaaring makatulong na lunasan ang kahirapan sa mundo!

Kahit nga ang pagsusulong sa bagong pulika at pagsuporta sa malilinis na kandidato tuwing eleksyon ay makatutulong na lunasan ang kahirapan. Ang perang maaaring mawala sana sa katiwalian ay magagamit na pondo sa mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan edukasyon. Sa ganito nagiging people power ang eleksyon.

Ang pag-ahon mula sa kahirapan ay hindi dapat maging pansariling gawain lamang. Isa itong adhikaing mas maabot kung dadaanin sa bayanihan.

Kapag hindi mo iniwasan ang mga pagkakataong masuri at mapag-aralan ang mga ugat ng kahirapan, mas gaganahan kang makipagbuklod ka sa iba upang humanap ng solusyon at mag-ambag ng kaunti base sa iyong kakayanan. Ang iyong pagsisipag sa pag-aaral upang makaahon ay hindi magiging tulak ng pansariling ambisyon lamang. Sa halip, bawat pagsisikap mo’y magiging inspirasyon ang hangaring makatulong na buong bansa’y makabangon.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center