Bilang protesta sa nalalapit na ika-35 na anibersaryo ng pagkakalagda sa tinatawag nilang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), naglakbay pa-Metro Manila ang may 300 magsasaka at magbubukid mula Gitnang Luzon at Timog Katagalugan para makiisa sa Martsa ng Magbubukid para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya. Ang kanilang panawagan, bunsod ng anila’y lumalalang kawalan ng pagmamay-ari sa lupang sakahan at karahasan sa kanayunan.

Upang makatulong sa mga pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, at transportasyon ng mga grupo ng mga magsasakang bahagi ng Martsa ng Magbubukid 2023, ang mga artista at advocates mula sa iba’t ibang organisasyon gaya ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPAK) ay lumikom ng pondo sa dalawang araw na solidarity fair at gig at food pop-up.

Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan
Isa sa mga magsasakang nagtinda sa “Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan.” Credit: Artista ng Rebolusyong Pangkultura

Sinimulan ng ARPAK ang Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan solidarity fair at gig noong Hunyo 3 sa Commission on Human Rights Grounds mula 10 a.m. hanggang 7 p.m. Sa unang bahagi ng Bagsakan, ibinida ang mga paninda tulad ng mga gulay at prutas sa booth ng mga magsasaka mula Norzagaray, Bulacan. Dito inilunsad ng ARPAK ang two-day food pop-up nitong HapagLaya: Para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya kung saan nagbenta sila ng chicken sandwich with fries na gawa sa gulay na inani mula sa bungkalan (kolektibong pagsasaka para igiit ang pagmamay-ari ng lupa) ng Area 17, Quezon City.

Mga grupo’t musikero para sa mga manggagawa

Kabilang sa mga merchant advocates na nagbenta ng mga pang-merienda, accessories, libro, at iba pang likha ang Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), Rural Women Advocates (RUWA), National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth), at Sining na Naglilingkod sa Bayan (SINAGBAYAN). Nagtanghal din ang BP Combo sa pagitan ng pakikipanayam ng mga host sa mga booth.

Sa ikalawang bahagi ng Bagsakan, iba’t ibang musikero ang nagpahayag ng suporta para sa laban ng mga manggagawa. Pinaalab ang entablado ng mga progresibong grupo tulad ng Oriang, post-metal na bandang Yomi no Kuni, shoegaze trio na MATOKI, screamo/shoegaze na bandang Walktrip, maximalist na Showtime Official Club, pati ang mga rapper na sina Calix at Promote Violence.

Nagpahayag ng suporta para sa laban ng mga manggagawa ang Matoki.
Nagpahayag ng suporta para sa laban ng mga manggagawa ang Matoki. Credit: Artista ng Rebolusyong Pangkultura

Nagbahagi si Cathy Estavillo, Amihan National Federation of Peasant Women secretary general at Bantay Bigas spokesperson, hinggil sa aniya’y kapalpakan ng CARP sa layunin nitong mamahagi ng lupa sa mga magsasaka. “Thirty-five years na ang batas na CARP pero lalong naghirap ang mga magsasaka, lalong tumindi ang pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa,” ani ni Estavillo. “Hangga’t dinadahas ang mga magsasaka na siyang lumilikha ng pagkain ng mamamayang pilipino, hindi tayo magiging payapa.”

Inilahad naman ni NNARA-Youth National Spokesperson Marina Cavan na ang mga magsasaka, bagaman mga tagapaglikha ng pagkain, ay nananatiling pinakamahirap sa bansa at lugmok sa kagutuman. “Mula noong maupo si Marcos Jr. noong Hunyo 2022, 27 na magsasaka na ang pinaslang. Dapat itigil ang pamamaslang sa magsasaka,” ani ni Cavan. “Imbis na reporma sa lupa, ang sagot ng gobyerno ay pagpapalayas, pagpapalit-gamit ng lupa, at pandarahas.” Hamon pa niya, “Kaya lahat na nandito ngayong gabi ay inaasahan ng lahat ng magsasaka at manggagawang magbubukid na makiisa sa laban nila.”

Martsa ng Magbubukid para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya

Para ipagpatuloy ang pangangalap ng pondo, itinuloy ng ARPAK ang HapagLaya food pop-up. Ginawa ang ikalawang araw nito noong Hunyo 4, sa Life on Roast, Diliman, Quezon City mula 5 p.m. hanggang 9 p.m. Ang P250 chicken sandwich with fries combo nito ay may lettuce at patatas mula sa Area 17, isang komunidad na kinakaharap ang bantang demolisyon na bunsod ng komersyalisasyon ng Unibersidad ng Pilipinas.

Parte ng programa ang ilang maikling diskusyon ukol sa mga isyung sentral sa kampanya ng Martsa ng Magbubukid 2023.

Ayon sa ARPAK, ang CARP, kasama ang mga kagaya nitong neoliberal na programa ng gobyerno, ay tumatalikod sa tunay na interes ng mga pesante at binibigyang-daan ang pananamantala ng kapitalista’t panginoong maylupa sa mga makinarya ng estado upang magamit ito sa pagsupil sa laban ng mga pesante para sa hustiya’t kapayapaan. Dagdag pa ng ARPAK, ang pag-una ng administrasyong Marcos Jr. sa importasyon, pagpapalit-gamit ng lupa, at dayuhang “tulong pinansyal” ay nagpakawala ng mas matinding pag-atake sa mga food frontliner at mga tagapagtanggol sa karapatan sa lupa.

Bukod sa paglikom ng pondo, ang nasabing event ay nagsilbing imbitasyon sa paglahok sa Martsa ng Magbubukid para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya.

Kahapon, nagkakaroon ng protesta sa mga ahensya kung saan nagsalubungan ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa harap ng mga ahensya tulad ng Department of Agrarian Reform para igiit ang kanilang mga karapatan. Nagtanghal at magbabahagi naman ng mga mensahe ng pakikiisa ang iba’t ibang organisasyon sa gabi ng pagkakaisa at kulturang pagtatanghal.

Kanina, ipinapagpatuloy ang Martsa ng Magbubukid para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya mula sa Elliptical Road papunta sa Mendiola Bridge, Manila.