May natanggap akong text joke noong isang araw. Wais daw si Lumen, kasi nung hinoldap ang bus na sinasakyan niya, palihim niyang ipinasok sa kanyang panty ang 500 piso. Kaya lang, nung kunin na raw niya ulit yung pera, nakalabas na ang dila ni Ninoy!

Tila si Ninoy ay kilala na lamang ng marami sa atin–lalo na ng mga kabataan–bilang ang “malungkot” na tao sa 500 piso, o kaya’y ang tatay ni Kris Aquino. Sabagay, 23 taon na mula nang paslangin si Ninoy sa paliparang ngayo’y nakapangalan na sa kanya.

Si Ninoy ay anak ng isang senador at apo ng isang rebolusyunaryo. Maginhawa ang nakamulatan niyang buhay. Astig ang record niya: teen-ager pa lang, nag-cover na ng Korean War para sa pahayagang Manila Times. Naging negosyador siya sa pagsuko ng liderng Huk na si Luis Taruc kay Pangulong Ramon Magsaysay. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, at nabigyan ng fellowship grants sa Harvard University at Massachusetts Institute of Technology.Siya’y naging pinakabatang meyor sa bansa sa edad na 22, at pagkatapos ng limang taon ay naging pinakabatang bise-gobernador. Nang siya 29, naging gobernador siya ng Tarlac habang secretary general ng marangal na Partido Liberal. Noong 1967, naging pinakabatang senador siya sa kasaysayan ng bansa sa edad na 34.

Si Ninoy ay naging mahigpit na kalaban ng brod niya sa Upsilon Fraternity, ang diktador na si Ferdinand Marcos. Gaya ng iba pang mga diktador noon at ngayon, ipinakulong ni Marcos ang kanyang mga kalaban, kabilang na si Ninoy. Nang magkasakit si Ninoy at atakehin sa puso, pinayagan siya ni Marcos na magpaopera sa sa Estados Unidos.

Sa kabila ng malinaw na banta sa kanyang buhay, bumalik si Ninoy sa bansa upang mamuno sa layuning ibalik ang demokrasyang pinatay ni Marcos. At pagbaba niya sa eroplano noong Agosto 21, 1983, si Ninoy ay naging martir ng bayan sa edad na 50.

Sabi nga ng magasing Asiaweek, akala ng marami, sa pagpanaw ni Ninoy ay tuluyan na ring nawala ang pag-asang maisakatuparan ang kanyang layunin. Ngunit tila himala, nakamit ang kanyang pangarap. Noong Pebrero 1986, naganap ang EDSA People Power Revolution, sinipa sa bansa ang mga Marcos, at naluklok bilang unang babaeng pangulo ng bansa si Corazon Aquino–ang maybahay ni Ninoy.

Ilang taon bago ideklara ni Marcos ang batas militar, sinabi ni Ninoy na balak ni Marcos na gawing isang “Garrison State” ang Pilipinas — pinalolobo ng budget ng sandatahang lakas, nagtatalaga ng mga “overstaying generals,” at nagluluklok ng mga militar sa mga tanggapan ng gobyerno.

Pamilyar, hindi po ba? Ang tinuligsa ni Ninoy noon, parang nakikita rin natin ngayon. Malaking budget para sa sandatahan lakas. Mga heneral na naglilingkod ng tig-iilang buwan bilang chief of staff at pagkatapos ay naitatalaga sa ibang tanggapan ng gobyerno pagkatapos mag-retire. Idagdag mo pa ang Proclamation 1017, pambubugbog sa mga nagra-rally, pagpatay sa mga aktibista at peryodista. Nariyan pa ang pandaraya sa eleksyon, pagsisinungaling sa taumbayan, pagbusal sa mga testigong ipinapatawag sa mga pagdinig ng Kongreso, pagsupil sa palabang media.

Hindi ba’t unti-unti nang pinapatay ang demokrasya sa ating bansa? Sana, di na kailanganganin ng isa pang Ninoy upang tayo’y magising sa ating pagkakahimbing.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts