Niño Calinao, Cris Anthony Mendez, Dennis Venturina at ang mga diyos sa UP

Habang pinapanood ko sa telebisyon ang ulat tungkol sa hinagpis ng pamilya ni Cris Anthony Mendez, mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas at pinaniniwalaang biktima ng hazing, bumabalik sa akin ang matinding kalungkutan ng mga naiwan ng kaibigan naming si Niño Calinao, na pinatay sa UP campus noong 1999.

Si Aling Nena, nanay ni Niño, ang naalala ko habang kinakapanayam ang luhaang ina ni Cris. Si Narjay, kaisa-isa at nakababatang kapatid ni Niño, ang nakikita ko habang ikinukuwento ng nakababatang kapatid ni Cris — O CA sa kanyang mga kaibigan — ang pangako ng kanyang kuya na susuportahan ang kanyang pag-aaral.

Kung si Cris ay napaulat na bagong kasapi ng isang fraternity, si Niño ay hindi miyembro ng alinmang ganyang kapatiran sa UP. Ngunit sa kanilang pagkamatay ay nauugnay ang iisang fraternity — ang makapangyarihan at kilalang Sigma Rho Fraternity.

Ayon sa mga ulat sa pahayagan, nagkaroon ng rambol ang Sigma Rho at ang kalabang Scintilla Juris noong Pebrero 12, 1999. Kabilang sa mga nabugbog si Yasser Abbas ng Sigma Rho at kasama naman sa mga nakarambulan nila ang isang Bryan Balugin ng Scintilla Juris. Si Balugin ay sinasabing kahawig ni Niño. Nang isinumpang hapon ng Pebrero 19, 1999, nakaupo si Niño sa tambayan ng UP Volleyball Club na malapit sa tambayan ng Scintilla Juris.

Isang araw bago pinatay si Niño, kasama niyang kumain sa Beach House — ang naghahain ng pinakamasarap na barbeque sa UP –ang mga noo’y kabarkada namin. Buhay na buhay at masayahin si Niño. Napag-usapan pa nga nila ang pagkakapatay sa mismong lugar na iyon kay Dennis Venturina. (Si Venturina, Sigma Rhoan, ay napatay sa pakikipagrambulan sa Scintilla Juris noong Disyembre 8, 1994.) Sino ang mag-aakalang kinabukasan ay mangyayari kay Niño ang sinapit ni Venturina?

Ganito ang isang bahagi ng tulang inialay kay Niño ng kaklase naming si Remir Macatangay:

until he was plucked just days ago-
of fleshly blades which serve
coward gods who drink blood for
the rituals of vengeance, or worst,
for the virtue of plucking flower buds.

Ilang taon matapos mapaslang si Niño, wala nang balita tungkol sa kahawig daw nitong si Bryan, samantalang sa isang magasing pambabae, nailathala ang panayam kay Yasser tungkol sa kanyang sex life.

Samantala, ayon sa mga ulat, hihinalang si CA ay na-recruit sa frat ni Ariel Paolo Ante, na ayon sa kanyang Friendster profile ay kasapi ng Sigma Rho Fraternity. Kasamahan ni CA si Ariel sa NCPAG Student Council.


Magkasama sina Ariel Paolo (gitna) at Cris (dulong kanan) sa NCPAG Student Council.

Wala pang pahayag ang Sigma Rho Fraternity. Tila nagtatago pa ang mga kasapi nito ngayon. Maraming Sigma Rhoans ang dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, gaya ng ilang dating pangulo ng senado — sina Jovito Salonga, Edgardo Angara, Franklin Drilon, at ang namayapa nang si Marcelo Fernan — at iba pang opisyal gaya nina Simeon Datumanong, Supreme Court Justice Antonio Carpio, Senador Juan Ponce Enrile at Rep. Luis Villafuerte.

Baka puwede silang hingan ng reaksiyon tungkol sa pagkamatay ni CA. Si Villafuerte ay napaulat na nagsabing kung ang ikinamatay ni CA ay hazing, hindi ito kasalanan ng buong fraternity, kundi ng isang brother lamang. Aba, at may ganoon! Akala ko ba…

The test of a true Sigma Rhoan
Is not his individual greatness,
But the virtue of not leaving any Sigma Rhoan in disgrace,
For until the day breaks
And the shadows flee,
Time will always be the essence of
Our oneness,
And we shall always remember,
That we are called Sigma Rhoans, Because we stand as true
Brothers above the rest.

Sa gitna ng muling pagdapo ng kamatayang dala ng karahasan ng mga kapatiran sa Pamantasang hirang, nananaig ang katahimikan. May narinig akong pati nga raw pamunuan ng UP, pinapayuhan ang mga mag-aaral na manahimik na lamang — nakikiisa ba sila sa omerta ng mga diyos sa UP? Sana naman, hindi ito totoo.

Ayon sa pahayag ni UP Diliman Chancellor Sergio Cao…

We therefore appeal to the fraternities, particularly their alumni, to take the lead in transforming the culture of violence into more productive endeavors to benefit the University and society.

Hindi ko alam kung madadala pa sila sa ganyang mga panawagan. Hindi kaya mas mabuting ipagbawal na lang sa Unibersidad ang mga walang silbing fraternity na pumapatay sa mga kapwa nila iskolar ng bayan gaya nina Niño at CA?

Sina Niño at CA ay kapwa laki sa hirap at siyang pag-asang mag-aahon sa kani-kanilang mga pamilya. Sina Niño at CA ay pinaslang ng kulturang nagpapalayaw sa taong akala’y sa kanila ang mundo, ng mga taong nakalimot na hindi sila Diyos!

Mula sa iba pang bloggers:

Links:

26 thoughts on “Niño Calinao, Cris Anthony Mendez, Dennis Venturina at ang mga diyos sa UP

  1. walang kwenta ang pagsali sa ganyang klase ng grupo lalong masisisra ang buhay ng mga kabataan kng silay lalahok sa ganitong grupo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *