Nang mabasa ko ang blog entry ni Abe na “How the Bureau of Customs Spoiled the Fun”, naalala ko ang aking sariling kwentong Customs.

Kahapon, pumunta ako sa Quezon City Post Office at kinuha ko yung in-order ko sa eBay na tatlong replacement styli para sa Palm Centro ko. Maayos naman ang transaction, at gaya nang dati, mababait pa rin ang mga empleyado roon, pati na ang mga nasa Customs section.

Pero may naranasan ako sa tao ng Bureau of Customs (BoC) sa Taguig Post Office na medyo nagpapainit ng ulo ko kapag naaalala ko. Ang nangyari kasi, yung palpak nila, ako ang nagdusa.

Nag-order ako ng headset para pa rin sa aking Palm. Dahil akala ko ay malapit sa opisina at madaling puntahan ang post office sa Taguig, ang ginamit ko ay ang aming office address. Nasanay rin kasi ako noong nasa GMA-7 pa ako na sa office bumabagsak ang notices at packages ko. Nang dumating sa akin ang notice galing sa post office, medyo natagalan pa bago ako nakapunta roon.

Isang lunch break, sinadya ko ang Taguig Post Office. Hindi pala siya madaling puntahan dahil sa trapik, lalo na kung naka-taxi. Tapos na ang break nang makarating ako. Medyo namali pa ako ng estimate ng pamasahe, kaya medyo hindi maganda ang pakiramdam ko, at tila pinagtaguan ako ng mga ATM sa araw na iyon.

Anyway, pagdating ko sa post office, binayaran ko ang P35 na fee at tumuloy na ako sa Customs section. Isang nagpapaka-busy na mama ang naroon, at sinabi niya sa akin na hindi raw pwedeng i-release ang package ko dahil wala yung taong in-charge! Pumunta raw sa main office nila sa BoC. Aba’y nagulat ako. Wala po ba kakong iba na pwedeng mag-check noon. Wala raw. Balikan ko na lang daw.

Kahit iritado na, magalang kong ipinaliwanag na sinadya ko pa iyon, at hindi ako talaga makakapunta sa ibang araw kapag office hours dahil may trabaho ako. Ngunit kahit siguro maglupasay ako roon, di niya ibibigay ang headset ko. Umuwi akong luhaan.

Pero naisip ko, dahil wala ang isang empleyado, matitigil na ba ang pagbibigay nila ng serbisyo? Taga-gobyerno sila, di ba? Hindi ba dapat, may sasalo sa gawang iiwan ng isa? Amf naman, binayaran ko na yung fee, di ba? At nakakasama pa ng loob ang di-friendly na pakikipag-usap sa akin nung isang taga-Customs.

Headset na may P500 lang ang presyo nung kinukuha ko, eh. Siguro naman, hindi na ako kukunan ng daan-daang buwis para lamang doon.

Pero di pa roon nagtatapos ang aking kwento. Pagkatapos ng malas na araw na iyon ay nagbaka-sakali pa ako. Tumawag ako at nakiusap ulit matapos na, siyempre, pagpasapasahan ang tawag ko hanggang sa makarating sa mga taga-Customs. Sa tingin ko, yung parehong mama ang nakausap ko dahil hindi raw siya ang dapat kong kausapin. Ipinasa niya ako sa babaeng wari ko ay siyang empleyado na wala noong pumunta ako. Nagtanong ako na dahil nabayaran ko na naman yung customs fee, di kaya kako pwedeng ipasama na lang ide-deliver ng kartero yung package ko? Di ko naman kako kasalanan na wala siya noong pumunta ako, so baka pwedeng gawan ng paraan na makuha ko pa rin ang headset ko.

Hindi raw talaga pwede kasi kailangan kong pumirma na natanggap ko yun. Sa puntong iyon ay pikon na pikon na ako at tumataas na ang boses ko. Nang tumawag ako ulit, ibinalik ako roon sa mama. Nang hinanap ko ulit yung babae, umalis na raw. Wala pang alas-singko noon. Kaya kahit sumigaw pa ako, na-realize kong kailangan ko talagang mag-invest ng ilang oras at ilampung piso para bumalik doon.

Suko na ako, pero may isa pa akong nakausap na mukhang matinong empleyado ng post office. Ang pwede ko raw gawin, alamin ang pangalan ng karterong naka-assign sa amin at pakiusapan siyang i-claim ang package ko on my behalf. Gawan ko na lang daw ng authorization letter kung papayag. Nagkaroon ako ng konting pag-asa.

Sa kasamaang palad, wala palang regular na kartero na naka-assign sa area namin sa Fort Bonifacio nang panahong iyon. Hindi ko na rin naabutan yung proxy na naghahatid ng mga sulat sa opisina namin. Lumagpas na rin ang 30 days na claiming period para sa headset ko.

Sa susunod, sa residential address ko na lang ipapadala ang lahat packages ko.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center