Nitong nakalipas na mga linggo, madalas mabanggit sa mga balita ang salitang forthwith at may mga nagse-search ng “forthwith in Tagalog” at “meaning of forthwith.”

Kaugnay ito ng inaabangang paglilitis kay impeached Vice President Sara Duterte. May mga nagtataka kung bakit nagbakasyon ang Senado nang hindi sinisimulan kaagad ang impeachment trial.

Para kay Senate President Francis Escudero, hindi kailangang madaliin ang paglilitis.

“Walang sinabing immediately ang Saligang Batas. Ang sinabi ng Saligang Batas ay ‘shall forthwith proceed with trial,’” ani Escudero.

Sa Article 11, Section 3 kasi ng Konstitusyon, ganito ang nakasulat:

“In case the verified complaint or resolution of impeachment is filed by at least one-third of all the Members of the House, the same shall constitute the Articles of Impeachment, and trial by the Senate shall forthwith proceed.”

Giit pa ni Escudero, may tatlong impeachment complaints na pinatulog ng House of Representatives nang mahigit dalawang buwan.

“Sinasabi nila ‘yong ‘forthwith’ ay parang ‘immediately’ daw. Sa rules nila, ‘immediately’ talaga ‘yong nakasulat, hindi naman ‘forthwith,’” sabi pa ni Escudero.

Pero ano nga ba ang kahulugan ng “forthwith”?

Para makasigurado na tama ang konteksto, tingnan muna natin ang Filipino version ng Konstitusyon:

“Kung ang pinanumpaang sakdal o resolusyon sa impeachment ay iniharap ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan, iyon ay dapat bumuo sa Articles of Impeachment, at dapat isunod agad ang paglilitis ng Senado.”

Sa Filipino text ng Saligang batas, ang ginamit na kahulugan ng forthwith ay “agad.”

Ang kahulugan ng “agad,” ayon sa Diksiyonaryong Pilipino, ay “noon din” o “sa oras ding” iyon.

Samakatuwid, ang meaning ng “forthwith,” in Tagalog — or in Taglish — ay “now na.”

Basahin din: