Nagtataka si MJ dahil wala raw akong bagong post. Di ko pa nabibigay ang utang kong post tungkol kina Rainier at Sandara sa Psychicpants. Di pa rin ako nakakapag-post sa The Philippines according to blogs ni Sassy Lawyer. Busy mode ako sa YM habang humahaba ang pila ng mga nanghihingi ng Gmail invitation sa isang post ko. Ganyan talaga. Office boy mode muna kasi ako.

At dahil magwi-weekend na, naalala kong noong nakalipas na weekend ay may nabasa akong article ng paborito kong si Malou Mangahas tungkol sa UP sa Sunday Inquirer Magazine. Naitampok din sa isyung iyon si Patricia Evangelista, UP student na nanalo sa isang international public speaking contest. Kaugnay niyan, eto ang isang Peyups article ko na pinamagatang “Bakit Nakangiti Ako Tuwing Dumadalaw sa UP” na sinulat ko noong Pebrero ng nakalipas na taon:

Bakit nga ba para akong engot na nangingiti kahit nag-iisa tuwing nagpupunta ako sa UP? Dahil kaya kahit sa halos apat na taon matapos akong magtapos, hindi pa rin nawawala ang mala-Jollibeeng “at-home feeling” kapag nasa kampus? O baka naman bumabaha ang mga alaala at nasi-senti ako? (Lagi naman, e!) O baka naman dahil maraming cute?

Sabi nga ng isang kanta, kung anumang dahila’y hindi mahalaga, basta’t ayaw mapalis ng ngiti. Gaya kanina.

May ipinagawa kasi sa akin ang opisina, at kinailangang pumunta ako sa Diliman campus. Siyempre, pumayag ako agad. Nasa UP-Philcoa jeep pa lang ako, nangiti na ako agad. May sumakay kasing medyo maliit na babae, may malalaki ngunit di jologs na hikaw, at ka-partner na kuwintas. Hindi ko alam ang tawag sa pants niya, basta kakaiba ito, at okay lang ang printed na pang-itaas. May hawak-hawak siyang makapal na pocket book, na agad niyang binuklat upang ituloy ang pagbabasa pagkasayad na pagkasayad ng puwit niya sa upuan ng jeep. Pamilyar, ano po? Sa tabi ko naman ay may isang lalaking maputi na mahaba ang buhok at simple lang ang pananamit. Sa bandang dulo, may isang babae at isang lalaking magkatabi’t masayang nag-uusap. Ewan ko lang kung sila, duda kasi ako roon sa lalaki. Pumasok na sa kampus ang jeep, at lalo akong nangiti nang nasa ilalim na kami ng mga lilim ng mayayabong na akasya.

Sa kalsada sa may tapat ng dating Registrar’s Office, nangiti ako nang makita ko ang logo ng UP Moriones na nakapinta sa kalsada. Uy, sikat na ang org ko, katabi pa nga yata ng sa STAND-UP.

Sa Vinzons Hall, nangiti ako ulit habang dumadampot ng dalawang kopya ng Kulê. Ang ganda ng kulay ng back cover, ah! Tapos, natawa ako kasi naligaw ako. Akala ko na naman, may daan na papuntang Office of Student Affairs (OSA) mula sa lobby ng building. Yun pala, sa gilid pa rin ng gusali ang daan. Sa loob ng OSA, nangiti na naman ako’t natuwa sapagkat nagkita kami ni Ate Tess, ang dati kong landlady na empleyado roon. Siyempre, maikling kuwentuhan habang nagtatatak ng “approved for posting” sa notices na dala-dala ko.

Ang ikinadidismaya ko lang dati kapag napupunta ako sa UP, eh yung dahil medyo tumatanda na ako at wala nang pamilyar na mga mukhang nakakasalubong, di gaya noong kakapagtapos ko lang na kahit saang sulok, pati sa jeep na Ikot, ay may ngingiti at babating kakilala o kakilala sa mukha. Pero kanina, nangiti ako nang makita ko ang isang pamilyar na mukha sa isang gusali. Pero teka, iba na ang kulay ng buhok niya, at medyo mas makulay ata kaysa sa karaniwan ang kanyang pantalon. Oh, well, Noel. Speaking of Noel, pag-akyat ko sa steps ng Main Lib ay nakita ko ang the Great Noel, ewan ko kung nagpapa-cute o nagme-meditate o nagbabasa ng makapal ding aklat—mahihilig ba talaga ang mga taga-UP sa makakapal na aklat?—sa may pasamano sa foyer. Syempre’y hindi puwedeng hindi niya ako sasamahan sa patuloy na pagpo-post ng notices ng aming office.

So, diretso na kami sa AS. And yes, Virginia, naroroon pa rin siyempre ang mga AS kids. But hey, they don’t look as coñotic as the AS kids of our times. Or maybe it’s just me, hehe. At afraid naman ako kasi nag-i-inspect daw ng bags, ayon sa naka-post sa entrance ng AS. Pero buti na lang, hindi naman pala. Medyo kabado ang inyong lingkod na mukhang terorista pa rin kahit naka-japorms.

Paglabas namin upang pumunta sa gilid ng Faculty Center (FC), syempre nadaanan ang mga walang kamatayang mga tambayan. At ang mga asteeg na frat boys, nakahilera pa rin sa gilid ng daanan. May mga bagay ngang hindi na nagbabago.

Sa loob ng FC, may mga estudyanteng nasalampak sa sahig. Hmmm, siguro consultation. Hindi naman siguro puwedeng nagpe-prerog dahil kalagitnaan na ng klase. Samantala, sa likod ng FC, marami na palang mga bagong kabute. Nakakatuwa ang mga bagong tambayan.

Sa loob at gilid ng kampus, naroon pa rin ang maraming mga posters at announcements: “Wanted, bedspacer,” concert dito, sale roon. Naroon pa rin ang mga manininda. P3.50 na ang Ikot jeep. Naroon pa rin ang mga idinikit na “No to Budget Cut” at “No to US War on Iraq.”

At next week na ang UP Fair.

Bagong panahon, bagong mga tao. Lumang lugar, lumang kultura, lumang kaluluwa.

Pinakawalan ko na ang kaibigan kong may 2:30 class pa raw. Ako nama’y lumabas na papuntang Katipunan, nakangiti pa rin.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center