Eraserheads reunion concert ngayong sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas

Gaya ng maraming kabataan ng dekada 90, naging bahagi ng aking mga karanasan ang mga awitin ng Eraserheads. Minsan ko nang naisulat na “ang mga awitin ng banda ay parang soundtrack ng aking buhay, lalo ng ng aking college life: ‘Minsan’, ‘Sembreak’, ‘Pare Ko’, ‘Yoko’, ‘Overdrive’, ‘Harana’, ‘Para sa Masa’, ‘Tuwing Umuulan at Kapiling Ka’, at marami pang iba.”

Kapag naririnig ko ang kanilang mga kanta, sinusundo ng himig at tinig ng E-heads ang mga alaala ng aking buhay sa Unibersidad ng Pilipinas: ang Kalayaan Residence Hall at mga nakabarkada ko rito, ang mga bakasyon, ang nangagkawala nang college friends; ang masaya ngunit puno ng pakikibaka, makulit at magulong mga kuwentong Peyups; ang mga gunita ng ‘good old days’.

Kaya naman ngayong ipinagdiriwang ang sentenaryo ng UP, isa ako sa mga naghahangad na makitang muling tumugtog nang magkakasama sina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Buddy Zabala at Marcus Adoro, na pawang mga taga-UP rin.

Continue reading

UP Sentenaryo

UP centennial logoIka-100 taong anibersaryo ng Unibersidad ng Pilipinas kahapon. Gusto ko sanang pumunta sa campus para mailahok sa pagdiriwang, pero nang magising ako’y nasa kalagitnaan na ng selebrasyon sa Diliman. Sinundan ko na lang ang live updates ni JM sa Twitter (tingnan ang mga larawan sa blog niya; sa mga galing sa Google, sorry, walang oblation run pictures, hehe). Itinuloy ko rin ang pangongolekta ng URL ng UP bloggers para sa blog directory ng UPAlumni.net.

Balak ko sanang yayain si Mhay sa kampus pagkauwi ko galing opisina kagabi, pero kahapong umaga ko lang nalaman na ang Pamantasang Hirang centennial concert pala ay hindi sa UP gagawin, kundi sa Cultural Center of the Philippines. Eh kung sumugod man kami roon kagabi, baka pagdating namin ay puno na lahat ang 1,800 na upuan. Di na nga napagbigyan ang lahat ng mga hinihinging tiket ng mga opisina sa Diliman. Sabagay, hanggang bukas na gabi pa naman iyan.

Continue reading

Bakit Nakangiti Ako Tuwing Dumadalaw sa UP

UP DIliman

Nagtataka si MJ dahil wala raw akong bagong post. Di ko pa nabibigay ang utang kong post tungkol kina Rainier at Sandara sa Psychicpants. Di pa rin ako nakakapag-post sa The Philippines according to blogs ni Sassy Lawyer. Busy mode ako sa YM habang humahaba ang pila ng mga nanghihingi ng Gmail invitation sa isang post ko. Ganyan talaga. Office boy mode muna kasi ako.

At dahil magwi-weekend na, naalala kong noong nakalipas na weekend ay may nabasa akong article ng paborito kong si Malou Mangahas tungkol sa UP sa Sunday Inquirer Magazine. Naitampok din sa isyung iyon si Patricia Evangelista, UP student na nanalo sa isang international public speaking contest. Kaugnay niyan, eto ang isang Peyups article ko na pinamagatang “Bakit Nakangiti Ako Tuwing Dumadalaw sa UP” na sinulat ko noong Pebrero ng nakalipas na taon:

Bakit nga ba para akong engot na nangingiti kahit nag-iisa tuwing nagpupunta ako sa UP? Dahil kaya kahit sa halos apat na taon matapos akong magtapos, hindi pa rin nawawala ang mala-Jollibeeng “at-home feeling” kapag nasa kampus? O baka naman bumabaha ang mga alaala at nasi-senti ako? (Lagi naman, e!) O baka naman dahil maraming cute?

Sabi nga ng isang kanta, kung anumang dahila’y hindi mahalaga, basta’t ayaw mapalis ng ngiti. Gaya kanina.

Continue reading