Isine-share ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte nitong mga nakalipas na buwan ang balita tungkol sa groundbreaking ng Panguil Bay Bridge na pinangunahan ng pangulo.

Ang itinatayong Panguil Bay Bridge ay magdurugtong sa Tangub City sa Misamis Occidental at Tubod sa Lanao del Norte.

Magandang balita ang ganitong proyektong makatutulong sa ating mga kababayan sa kabila ng napakaraming pagpatay kaugnay ng giyera kontra droga at pagkamkam ng China sa ating mga isla.

Pero ang post ng ilang ka-DDS, may kasama pang patutsada at pang-iinsulto kay dating Pangulong Noynoy Aquino. Ang wala kanilang mga kuwento, may papel din naman ang administrasyong tinatawag nilang dilawan sa proyektong ipinagmamalaki nila.

Pebrero 2015 noong inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board, na pinamumunuan noon ni Pangulong Aquino, ang anim na infrastructure projects kasama ang Panguil Bay Bridge.

Noong Abril 2016 naman, ilang buwan bago matapos ang termino ni Pangulong Aquino, nilagdaan ng Pilipinas at South Korea ang loan agreement para sa Panguil Bay Bridge.

Sa madaling salita, ang administrasyong Aquino ang nagbigay ng go-signal sa proyektong Panguil Bay Bridge. Sa panahon din ni Pangulong Aquino nasiguro ang pagkakaroon ng bahagi ng pondo para sa itinatayong tulay.

Ang pagtatayo ng tulay na ito, nabanggit din ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang State of the Nation Address noong 2006 at 2007.

Ang mga feasibility studies naman para sa Panguil Bay Bridge ay isinagawa sa pagitan 1998 at 2008, ayon report ng road Traffic Technology.

Gaya ng iba pang proyekto ng gobyerno, ang Panguil Bay Bridge ay dumaan sa deka-dekadang proseso sa panahon ng iba’t ibang administrasyon.

Panguil Bay Bridge concept photo from the BuildBuildBuild website of the Government of the Republic of the Philippines.