Sa unang araw ng Abril at pagsisimula ng ikatlong linggo ng enchanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19, binabagabag ako ng tatlong pangyayari sa ating bansa.

Tulong, hindi kulong

Ang mga taga-Sitio San Roque sa Quezon City, lumabas sa kanilang mga tahanan at nagtipon-tipon sa EDSA para manawagan ng tulong mula sa gobyerno. Dahil hindi napakiusapang magsiuwi, pinaghuhuli sila ng mga pulis.

Para sa mga pinagpalang magkaroon ng maayos na trabaho sa mga kompanyang may kakayahan at malasakit na magpasuweldo kahit sa sitwasyong ganito, tuloy lamang ang buhay. Pero para sa mga arawan ang trabaho at sa mga nakikipagsapalaran lamang sa buhay, hindi nila malaman kung saang kamay ng Diyos nila kukunin ang kakainin ng kanilang mga pamilya.

Maunawaan nawa ng mga may kapangyarihan ang kanilang kalagayan.

Donasyon

Si Pangulong Rodrigo Duterte naman, naglabas ng atas na lahat ng mga donasyong medikal sa national government at sa Department of Health, dapat iulat sa Office of Civil Defense.

Sa mga nakalipas na araw, kitang-kita ng mga Pilipino ang pangangalap at pamamahagi ni Vice President Leni Robredo ng tulong para sa mga manggagawang medikal at sa mga apektado ng COVID-19 ang kabuhayan.

Ano kaya ang implikasyon ng atas ng pangulo sa mga ginagawa ni Robredo? Sakop kaya ng atas ang Office of the Vice President, na bahagi ng pamahalaan?

Koko, hindi Vico

Ipinatatawag naman ng Anti-Graft Division ng National Bureau of Investigation si Pasig Mayor Vico Sotto dahil sa umano’y posibleng paglabag niya sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One (Baho) Act.

Bago maging batas ang Baho Act, pinayagan ni Sotto ang mga tricycle na bumiyahe sa Pasig para makasakay ang mga walang sasakyan at mga manggagawang pangkalusugan. Itinigil niya ito matapos siyang sitahin ng DILG.

Nang tanungin kung bakit mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang tinututukan nila, ganito umano ang paliwanag ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin: “The President order was to investigate the local government officials who are implementing the enhanced community quarantine.”

Ang tanong naman ng mga netizen, bakit ‘di si Senador Koko Pimentel ⁠— na pumunta sa ospital at nakipag-party kahit dapat ay naka-quaratine ⁠— ang imbestigahan ng gobyerno.

Habang isinusulat ito, kabilang sa top Twitter trending topics sa Pilipinas ang #ProtectVico, #OUSTDUTERTENOW, People Power, at #TulongHindiKulong.