May halos isang linggo pa tayo para panoorin ang “Ang Huling Lagda ni Apolinario Mabini,” na inihahandog ng Dulaang UP ngayong ika-150 taon ng kapanganakan ng tinaguriang Konsensiya ng Rebolusyon.

Paano nga ba napapirma sa panunumpa ng katapatan sa Amerika noong Pebrero 26, 1903 si Gat Apolinario Mabini na isa sa mga pinuno ng Rebolusyon? Dahil ba ito sa pangakong wawakasan ang kanyang pagkakatapon sa Dapitan? O marahil ay sa kanyang marubdob na pagnanais na makabalik sa Pilipinas at ang lupang tinubuan ang kanyang maging huling himlayan?

Isinasadula sa “Ang Huling Lagda ni Apolinario Mabini” ng Dulaang UP ang pagkakatapon ni Mabini sa Guam at ang masaklap na kalagayan ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Nais ng bagong musikal na ito—na may libro at libretto ni Floy Quintos, orihinal na musika ni Krina Cayabyab, at direksyon at choreography ni Dexter M. Santos—na tuklasin ang pait na naramdaman ng bayani sa harap ng mga kataksilan at kabiguan ng Himagsikang pinag-alayan niya ng kanyang buong buhay.

Bukod sa pagtalakay sa maaaring dahilan kaya’t napilitan si Mabini na manumpa ng katapatan sa Amerika, hangad din ng “Ang Huling Lagda ni Apolinario Mabini” na maipakita ang kahalagahan ng kanyang dakilang akdang “Tunay na Dekalogo.”

“If there is one thing that we really hope this musical can do,” ani Quintos, “it is to awakeen interest in Mabini’s True Decalogue, which is no longer taught in Philippine schools. Mabini’s greatest work was designed to be a code of personhood for the Filipinos of the revolution. Reading it again, I could not help but think that this was the very moral compass that young Filipinos so lack in these times.”

Ang aktor at mang-aawit na si Roeder Camañag ang gumaganap na Mabini. Si Leo Rialp naman ang nagsasabuhay sa papel ni General William Taft. Halinhinan sina Al Gatmaitan at Poppert Bernadas bilang si Brigadier-General Ricarte, na tumangging pumirma sa panunumpa ng katapatan sa Amerika.

Si Nazer Salcedo naman ang gumaganap na Emilio Aguinaldo, at ang mga sopranong sina Banaue Miclat at Jean Judith Javier ang gumaganap bilang si Salud na nars at tagasunod ni Mabini.

Nasa supporting cast din ang theater arts majors mula sa Unibersidad ng Pilipinas na sina Ralph Oliva, Chasee Salazar, Adrian Reyes, Arion Sanchez, Bym Buhain, Edmundo Abad, Jr., Ralph Perez, Ross Pesigan, Roco Sanchez, Rence Aviles, Jon Abella, Vincent Pajara, at Stephen Viñas.

Si Ohm David ang namamahala sa set design, si John Batalla sa lights design, at si Darwin Desoacido sa costumes. Kay Stephen Viñas naman ang assistant choreography, kay Meliton Roxas Jr. ang technical direction, kina Marvin Olaes, Miggy Panganiban, Fatimy Ivy Baggao, at Kyrstynne Vargas ang dramaturgy, at kay Dino Dimar ang poster design at mga larawan.

Para sa mga tiket at karagdagang impormasyon, sundan ang Dulaang UP sa Facebook at sa Twitter.