May mga nababasa akong comments galing sa ilang netizens. Bakit daw tinatawag na woman ang transgender na pinatay sa Olongapo, eh lalaki naman daw siya? May mga kumukuwestiyon din sa paggamit ng pangalang Jennifer Laude sa balita.

Ang transgender woman ay isang taong ipinanganak na may anatomiya ng isang lalaki, pero ang pakiramdam sa sarili ay isa siyang babae. Ipinapakita niya ito sa kanyang pananamit, pagsasalita, at pagkilos. Narito ang iba pang impormasyon tungkol sa mga taong transgender: Transgender 101 | GLAAD

Ang biktima ng pagpaslang ay ipinanganak na lalaki at pinangalanang Jeffrey, pero tinatawag siya ng kanyang mga kaibigan sa pangalang Jennifer o Ganda. Pagiging isang babae ang pagkakakilanlang niyakap ni Jennifer Laude kaya’t dapat siyang tawagin sa pangalang ginamit niya noong siya’y nabubuhay pa.

Sabi nga lang ng human rights advocate at dating peryodistang si Caloy Conde:

Mula nang ianunsiyo ng dating si Rustom Padilla na siya na si BB Gandanghari, ‘di ba’t wala na halos gumamit ng dati niyang pangalan?

Ang Associated Press, sumusunod sa gender identity na nais ng isang tao: “The Associated Press policy as stated in the AP Stylebook is to comply with the gender identity preference of an individual.”

Matapos ianunsiyo ng isang Amerikanong sundalo na nais na niyang mamuhay bilang isang babae, sinimulang gamitin ng AP ang kanyang pambabaeng pangalan at mga pambabaeng panghalip sa kanilang mga report.

Samantala, si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton, ang Amerikanong sundalong pinaghihinalaang pumatay kay Jennifer Laude, ay kasalukuyang nakadetene sa isang air-conditioned container van sa loob ng Camp Aguinaldo.