Paulit-ulit kong pinakikinggan ang isa sa campaign songs ni Vice President Leni Robredo, ang “Rosas” nina Nica del Rosario at Gab Pangilinan. Ang lyrics nito, tila mensahe ni VP Leni para sa mga Pilipino.

Pinakagusto ko itong bahaging ito:

At hindi ko maipapangako
Ang kulay rosas na mundo para sa ‘yo
At hindi ko maiilawan ang lahat ng anino
Pero sisikapin ko at hindi ako magpapahinga
Hangga’t hindi mo pa magawang
Muling ipagmalaki na ika’y isang Pilipino

Pagkilala ito na kahit para sa marami’y si VP Leni ang nagdadala ng pag-asa, manalo man siya sa pagkapangulo ay hindi parang mahikang biglang matutupad sa isang iglap ang mga hangarin natin. Dahil sa gaano man kakulay ang lahat sa panahon ng kampanya, sa totoong buhay ay unti-unti at kailangang pagtulung-tulungan ng mga Pilipino ang isang bagong Pilipinas.

Ang “Rosas” ay nakapagpapaalala sa akin ng isa sa mga paborito kong kanta, ang “Kapag Sinabi Ko Sa Iyo” ni Gary Granada. Sabi sa kanta:

Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y minamahal
Sana’y maunawaan mo na ako’y isang mortal
At di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan
O di kaya ay sisirin perlas ng karagatan
Kapag sinabi ko sa iyo na ika’y iniibig
Sana’y maunawaan mo na ako’y taga-daigdig

Ang eleksiyon, parang pag-ibig. Ang mga kandidato at mga manliligaw — o nililigawan — ay hindi superhero at hindi madyikero. Pero ang dapat piliin, ‘yong kaisa mo sa puso at isip, ‘yong tapat at talagang magsisikap na maabot kahit kaunti man lang ng inyong mga pinapangarap. Gaya nga ng lagi nilang sinasabi, kung anong taas ng standards sa love life, sana ay ganoon din sa pagpili ng mga mamumuno.

Sabi pa sa “Rosas,” na ini-release ng FlipMusic:

At alam ko ang aking kaya
Alam ko ang hindi
Alam ko ang kailangan
Upang makapagsilbi

Kung tinutukan natin sa nakalipas na anim na taon ang mga nangyayari sa ating bansa, alam natin kung ano ang uri ng pamumuno ni VP Leni. Masayang isipin ang maaaring marating ng Pilipinas kung ang sipag at kakayanan niya ay magagamit sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan.

Ang mga linyang ito naman ang sumasalamin sa nararamdaman ng mga nagtitiwala kay VP Leni:

Hangga’t may kabutihan
Hangga’t may pag-ibig
Liwanag ang mananaig

Ang singer at songwriter na si Nica del Rosario ang kumanta ng “Rosas.” Siya rin ang isa sa mga lumikha ng campaign jingle ni VP Leni na “Kay Leni Tayo” at ng “Tala” ni Sarah Geronimo.

Kasama ni Nica sa pagkanta ng “Rosas” ang singer, theater actress, at Kakampink na si Gab Pangilinan, na mas nakilala as dulang “Ang Huling El Bimbo.” Lumabas din si Gab kamakailan sa musical series na “Still” ng Viu Philippines.

Narito ang buong “Rosas” lyrics:

Rosas

Performed by Nica del Rosario ft. Gab Pangilinan
Composed by Gianina Camille del Rosario

Huwag kang mabahala
Ikaw ay mahalaga
Hindi kita pababayaan
Hindi tayo naiiba
At sana’y paniwalaan
Na pipiliin ka araw-araw

At alam ko ang aking kaya
Alam ko ang hindi
Alam ko ang kailangan
Upang makapagsilbi
Hangga’t may kabutihan
Hangga’t may pag-ibig
Liwanag ang mananaig

At hindi ko maipapangako
Ang kulay rosas na mundo para sa’yo
At hindi ko maiilawan ang lahat ng anino
Pero sisikapin ko at hindi ako magpapahinga
Hangga’t hindi mo pa magawang
Muling ipagmalaki na ika’y isang Pilipino

Huwag kang matatakot
May kasangga ka sa laban na ito
Sabay nating gisingin ang nasyon

At alam ko ang aking kaya
Alam ko ang hindi
Alam ko ang kailangan
Upang makapagsilbi
Hangga’t may kabutihan
Hangga’t may pag-ibig
Liwanag ang mananaig

At hindi ko maipapangako
Ang kulay rosas na mundo para sa ‘yo
At hindi ko maiilawan ang lahat ng anino
Pero sisikapin ko at hindi ako magpapahinga
Hangga’t hindi mo pa magawang
Muling ipagmalaki na ika’y isang

Pilipinong may pusong sagutin ang tugon
Pilipinong may tapang na muling bumangon
Pilipinong buo ang paninindigan
Alam ang tama at totoo
Samahan mo ako

At hindi ko maipapangako (At hindi ko)
Ang kulay rosas na mundo para sa ‘yo (Kulay rosas)
At hindi ko maiilawan ang lahat ng anino (Oh-oh-oh)
Pero sisikapin ko at hindi ako magpapahinga
Hangga’t hindi mo pa magawang
Muling ipagmalaki na ika’y isang
Matatag at matapang at mabuti at mapagmahal na Pilipino

‘Rosas’ Lyrics with Chords

Ito naman ang “Rosas” lyrics with chords:

https://twitter.com/nicadelrosario/status/1500810377588011008

Mapapakinggan din ang “Rosas” sa Spotify: