Ang pagtatangka ng isang opisyal na maliitin si Vice President Leni Robredo, naging dahilan para pag-usapan ang mga ambag ng pangalawang pangulo sa paglaban sa COVID-19.

If Leni Is Lugaw…

“If Leni is lugaw and lugaw is essential, then we can say Lugaw Leni is essential,” ayon sa isang meme na kumakalat ngayon sa social media.

May mga nagpopost din ng mga nagawa ng Office of the Vice President (OVP) para makatulong sa pagsugpo sa pandemya.

Kakalunsad lang ng OVP nitong linggong ito ng libreng COVID-19 swab testing sa mga barangay sa Metro Manila. Noong isang taon, nagbigay sila ng libreng sakay para sa health workers.

‘Nonessential si Lugaw’

Tugon ang mga ganitong post sa pang-uuyam ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III kay Robredo sa isang panayam sa OnePH.

Hiningan ng reaksiyon si Demsing sa viral video ng pagtatalo ng isang taga-barangay at ng isang Grab driver tungkol sa pagde-deliver ng lugaw sa San Jose del Monte, Bulacan, na nasa enhanced community quarantine (ECQ).

“Tama ‘yong sinabi niya. Sabi niya kasi, nonessential si lugaw. O talagang ano — talaga — hindi talaga essential si lugaw. Pero kung sinabi niya, essential ang lugaw, ‘yon, tama ‘yon — ang lugaw. Pero si lugaw ang binanggit niya eh. Nonessential talaga ‘yon sa pananaw namin,” ani Densing sa isang panayam na hindi pinangalanan ang tinutukoy niya.

Inamin kinabukasan ni Densing na si Robredo ang pinatutungkulan niya.

Buwelta naman ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ng pangalawang pangulo, sa halip na magtrabaho ay nagpapatawa at namumulitika pa si Densing.

Saan Galing ang ‘Leni Lugaw’?

“Leni Lugaw” at “Lugaw Queen” ang tawag kay Robredo ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga loyalista ng anak ng yumaong diktador na tinalo ni Robredo sa eleksiyon noong 2016.

Kabilang kasi ang mga “Lugawan for Leni” sa mga pinagkunan ni Robredo ng pondo sa kampanya.

Noong isang taon, namahagi rin ng lugaw si Robredo sa evacuees ng pagsabog ng Bulkang Taal.

#LugawIsEssential

Panoorin ang pinagsimulan ng usaping ito — ang video na ini-upload ng Grab driver na si Marvin Ignacio. Sinabihan siya ng isang babaeng taga-barangay na hindi raw essential ang lugaw. May mga nainis sa tono ng pagsasalita ng taga-barangay.

Dahil sa mga pangyayaring ito, naging top trending topic sa Twitter at Facebook ang #LugawIsEssential.

Ang Grab Philippines, nagpasalamat sa kanilang riders at ginawang free delivery voucher code ang “LUGAWISESSENTIAL.”

Si Ogie Alcasid, nag-stream sa Kumu para kay Marvin.

Si Christian Bautista, napakanta naman.

Napapanahon naman — lalo na ngayong Biyernes Santo — ang cartoon ng artist na si Dengcoy Miel na isinama ang lugaw sa Huling Hapunan.