Inilunsad noong Huwebes sa Makati ang 1Sambayan, isang koalisyon ng mga Pilipinong nagsusulong ng mabuting pamamahala at gustong bumuo ng nagkakaisang oposisyong lalaban sa mga manok ni Pangulong Duterte sa 2022.
Ang 1Sambayan ay pinamumunuan nina Justice Antonio Carpio at Justice Conchita Carpio-Morales, mga iginagalang at hinahangaang dating kasapi ng Kataastaasang Hukuman.
Si Carpio, madalas na tinutukoy bilang the best chief justice we never had, ay masigasig sa kaniyang laban para protektahan ang teritoryo ng ating bansa.
Ang integridad at dignidad ni Carpio-Morales na naging Ombudsman matapos magretiro sa pagkamahistrado, nagpabalik sa tiwala ng mga Pilipino sa pag-iral ng batas, ayon sa Ramon Magsaysay Awards na kumilala sa kaniyang katapangan.
Mga Panawagan ng 1Sambayan
Ayon kay Justice Carpio, tagapangulo ng 1Sambayan, dapat itakwil ng mga mamamayan ang mga kasabwat ng diktadura, pati ‘yong mga lumalabag sa mga karapatang pantao.
“The Filipino people should reject all those identified with dictatorship and authoritarianism, reject all those responsible for or who abet extrajudicial killings and whose mantra is ‘kill, kill, kill,’ and all those who violate human rights,” wika ni Justice Carpio.
Para matiyak na ang bagong maluluklok sa puwesto ay matuwid at magsusulong ng mabuting pamamahala, nanawagan ng pagkakaisa ang 1Sambayan.
“Para sa darating na halalan 2022, sana magkaisa po tayo sa pagpili ng presidente at iba pang mga opisyales na matapat, marangal, maasahan, at may pagmamahal sa Inang Bayan,” sabi naman ni Justice Carpio-Morales.
Ang mga Tipo Nilang Kandidato
May hinahanap na katangian at paninindigan ang 1Sambayan sa mga susuportahan nilang kandidato. Ang nais nilang pangulo, tumututol sa patayan, maaaring tumayo para sa soberanya, may isang salita, at maghahanap ng solusyon sa mga usaping gaya ng sa sitwasyon ng mga kababaihan at kapayapaan sa Mindano.
Kabaliktaran ito ng kasaluluyang pangulo na naglunsad ng giyera kontra drogang pumatay sa maraming Pilipino, kabilang ang mga inosenteng gaya ni Kian Delos Santos. Halos ipaubaya na rin niya ang West Philippine Sea sa China, at inuna niya ang mararamdaman ng mga Tsino sa halip na ang kaligtasan ng mga Pilipino nang tumanggi siyang magdeklara ng travel ban sa mga galing China bago kumalat ang COVID-19 sa Pilipinas. Tuloy-tuloy rin ang pang-iinsulto ni Duterte sa mga kababaihan at pangtatarget sa mga babaeng palaban. Hinamon din niya ang Maute Group na bombahin ang Marawi, at nagbanta siyang bobombahin ang mga paaralan ng mga Lumad sa Mindanao.
Kinikilala naman ng 1Sambayan na mahirap ang gagawin nilang pagpili. Sabi nga ni Fr. Albert Alejo, isa sa mga convenor ng grupo, “Wala namang perpektong kandidato pero hinahanap lang natin ‘yong tamang kombinasyon na makatao.”
Balak ng 1Sambayan na pumili ng mga kandidatong susuportahan sa pagtakbo bilang pangulo, pangalawang pangulo at senador sa 2022. Ibabase nila ang pagpili mga ilalatag nilang kwalipikasyon, sa surveys, at interviews at screening ng grupo.
Ang lahat ng sasama sa 1Sambayan ay dapat sumuporta sa iisang slate para maiwasan ang pagkahati ng boto ng oposisyon.
Kaliwa, Gitna, at Kanan Para sa 1Sambayan
Kabilang din sa mga convenor ng 1Sambayan sina dating Ambassador Albert Del Rosario, dating Education Secretary Bro. Armin Luistro, retired Admiral Rommel Ong, Atty. Howard Calleja, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, dating Negros Occidental Gov. Rafael Coscolluela, dating COA Commissioner Heidi Mendoza, Ricky Xavier, at dating Partido ng Manggagawa Rep. Renato Magtubo. Kasama rin ang Magdalo Group sa mga sumusuporta sa grupo.
Malawak at magkakaiba — magkakasalungat pa nga — ang paniniwalang pampolitika ng mga kabilang sa 1Sambayan. Pero nagkakaisa sila sa paghahangad ng mabuting pamamahala at sa pagnanais na matapos ang halos limang taong pagdurusa ng mga mamamayan sa pamumuno ni Duterte, hindi katulad, kamag-anak, o kakampi ng kasalukuyang pangulo ang dapat pumalit sa kaniya.
Paunang Listahan
Kabilang sa mga naunang nabanggit na posibleng tumakbong pangulo at maaaring mapasama sa pagpipilian ng 1Sambayan si Vice President Leni Robredo, na tumalo sa anak ng diktador noong 2016. Hinahangaan ng marami ang kaniyang mga proyekto at gawain para sa mga mamamayan sa kasagsagan ng pandemya. Habang nananatiling nakatutok sa COVID-19, ikinararangal umano ni Robredo na maging isa sa mga napipisil ng 1Sambayan.
Nasa listahan din si Grace Poe, na natalo sa pagkapangulo sa nakalipas na halalan. Nagiging sagabal sa kaniyang pagiging katanggap-tanggap ang desisyon niyang tumakbo sa pagkapangulo noong 2016. Kapwa natalo noon ni Duterte sina Poe at Mar Roxas, ang kandidato ng administrasyong Aquino. May mga naniniwalang kung umatras si Poe, posibleng tinalo ni Roxas si Duterte.
Tinukoy rin ng grupo si Senador Nancy Binay, pero sinabi na niya na hindi siya tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2020. Marami ang pumupuri sa mga pahayag ng senadora na pumupuna sa administrasyong Duterte.
May mga kumukuwestiyon naman sa pagkakasama ni Manila Mayor Isko Moreno sa listahan ng 1Sambayan. Kaalyado ng administrasyong Duterte ang National Unity Party na kinabibilangan ni Moreno. Itinalaga rin siya ng pangulo sa North Luzon Railways Corporation at sa DSWD bago siya manalong alkalde ng Maynila. Dati na ring ipinagtanggol ni Moreno ang war on drugs ni Duterte. Kamakailan ay kumalat ang litrato niya kasama ang anak ng yumaong diktador.
Sa kabila nito, dati nang pinasalamatan ng Commission on Human Rights si Isko Moreno dahil sa pagsuporta niya sa karapatang pantao. Nagpahayag din siya ng suporta sa peace talks, at na-red tag pa matapos ipag-utos na ipatanggal ang mga tarpaulin na kumokondena sa National Democratic Front. Gaya ni Vico Sotto, isa si Moreno sa mga nakababatang Metro Manila mayor na kinikilala sa kahusayan sa pamamahala. Nagpasalamat si Isko sa pagkakabanggit sa kaniya ng 1Sambayan, pero tututukan daw muna niya ang paglaban sa COVID-19 sa Maynila.
Nabanggit din ng 1Sambayan bilang posibleng kandidato si dating Senador Antonio Trillanes IV, kilala sa pagsusulong ng malinis na pamamahala at isa sa mga pinakamasugid na kritiko ni Duterte. Nagpahayag siya ng pagsuporta ng kaniyang grupo sa 1Sambayan, at nagsabing puwede namang pagsabayin ang paghahanda para sa kinabukasan ng bansa at paglaban sa COVID-19.
Nakalaban ni Robredo si Trillanes noong 2016, pero may mga nagsusulong ngayon ng kanilang pagtatambal sa 2022.
Bagong Team Pilipinas?
Noong 2019, watak-watak at natalo ang oposisyon. Ang Partido Liberal, ikinampanya ang walo lamang na kandidato. Otso Diretso ang itinawag nila rito. Ang Makabayan bloc, may ibinawas sa Otso Diretso, kumuha sa ibang partido, at idinagdag ang mga kandidato ng mga manggagawa.
Kasunod nito, may mga Pilipino bumuo at nangampanya para sa isang do-it-yourself slate na tinawag na Team Pilipinas. Ang sampung kasama sa grupo ay ang mga kandidato ng Otso Diretso at ang dalawang kandidato ng mga manggagawa, sina Atty. Colmenares at Ka Leody De Guzman. Bahala na ang botante na pumili para sa natitira pang dalawang slot.
Sa kabila nito, nabigo ang oposisyon at ang mga progresibo. Sa pagkakaisang pinapanday ng 1Sambayan, makabuo kaya ng pinalakas na bagong Team Pilipinas?
Harinawa.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
July 16, 2024
Greenpeace PH: no need for nuclear energy
Greenpeace comments on the PH-US nuclear pact and advocates for renewable…
December 12, 2023
DOH, groups sign smoke and vape-free pledge
They want public policies for smoke-free and vape-free environments.