Nasa balita ngayon ang pagsakay kanina ni Sec. Harry Roque sa MRT-3 at sa LRT-1. Ayon sa bagong tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, gusto niyang mas maunawaan ang perwisyong nararanasan ng mga pasahero ng tren.

Ang pagsasaayos ng MRT ay isa sa mga pangako ng administrasyong Duterte. Sabi ng DOTr noon, aaksiyunan ang pila sa MRT sa unang 100 araw ni Duterte sa puwesto.

Kung tutuusin, maganda itong ginawa ni Atty. Roque. Dapat naman talagang maranasan ng mga opisyal ng gobyerno ang araw-araw na pinagdaraanan ng mga ordinaryong Pilipino. Pabor nga ako sa mga mungkahi noon na sapilitang pasakayin sa mga pampublikong sasakyan ang mga opisyal.

Kaso lang, binatikos ng iba ang ginawa ng dating human rights lawyer at ngayo’y bagong presidential spokesperson, na katatalaga lang din bilang presidential adviser on human rights.

Sabi kasi ni Roque, napakabilis at malamig ang biyahe niya. Hindi ito consistent sa experience ng mas nakararaming pasahero. Ganito nga ang reaksiyon ko noong mabasa ko ang sinabi niya:


Pinili ni Atty. Roque na sumakay nang hindi rush hour para daw hindi mapeste ang mga “mananakay” — nawa’y tantanan na niya ang paggamit ng “mananakay,” na wala sa UP Diksiyonaryong Filipino. Ayon sa ulat, pumila at bumili ng sariling tiket si Roque, pero di pinayagang makapasok ang ibang pasahero sa bagon kung saan naroon ang opisyal.

Na-miss ni Roque ang pang-araw-araw na karanasan ng mga Pinoy — ang pagpila nang 30 minuto hanggang isang oras sa estasyon ng MRT, ang pagpila nang ilan pang minuto at paglampas ng isa hanggang tatlong tren bago makasakay, ang maitulak sa mala-mosh pit na bagon, at ang makipagpalitan ng mukha sa mga kapwa pasahero sa loob ng tren.

Marahil, ang isa pang dahilan kung bakit inulan ng batikos ang ginawa niya ay ang pagkakaanunsiyo kamakailan ni Speaker Pantaleon Alvarez na isa si Atty. Roque sa mga kandidato ng PDP-Laban sa pagkasenador sa susunod na eleksiyon. Tinawag tuloy ng ilan na ‘PR stunt’ ang kaniyang gimik.

Sumakay sa MRT si Atty. Roque, ngunit ito’y kulang. Mas totoo ang karanasan kung pipila siya bandang ikapito ng umaga o gabi, maitutulak, masisiksik, at madadampian ng pawis ng mga masang anakpawis at mga petiburgis.

Sa susunod, isama na rin niya si Sec. Arthur Tugade — pero huwag sanang gumaya ang kalihim kay dating Sec. Jun Abaya, na sa pagsakay sa MRT, may tagapayong pa.

Mocha Uson, Rodrigo Duterte, and Harry Roque (PCOO)

At para mas maunawaan ang mga Pilipinong gaya ko’y paminsan-minsang nagmamaktol sa social media tungkol sa hirap ng pagsakay sa MRT, sana’y gawin din ito ni Assistant Secretary Mocha Uson. Pero huwag sanang gumaya ang social media superstar kay Sec. Roque, na sa pagsakay sa MRT, may bitbit pang staff at mga reporter.

Ang mga larawan ni Sec. Harry Roque ay galing sa PCOO.