Tawang-tawa ako matapos kong mabasa sa patok na patok ngayong Classic Pare® Titos and Titas of Manila Facebook group ang isang post na nagtatanong kung nabiktima rin ba noon ng Zest-O gang ang Titos and Titas of Manila.
Dahil diyan, kinuha ko sa aking sinupan at medyo inedit ulit ang aking kuwentong Zest-O gang na nalathala sa Pinoy Times halos dalawang dekada na ang nakararaan. Ang image ay galing sa Facebook page ng Zest-O.
Ikaw, may kuwentong Zest-O gang ka rin ba?
Estilong Zest-O gang
Ni Ederic Eder
Pinoy Times
Setyembre 4, 2000
Mga gaya nating pasahero sa ordinaryong bus na humihinto riyan sa Cubao overpass ang puntirya niya. Kapag sumakay ang balak niyang biktimahin, kasunod siya, sa porma’y aakalain mong konduktor ng bus. “Ilan kayo?” ang agad niyang tanong kapag nakaupo ka na. Dahil akala mo nga ay konduktor, at sa iyo na ring kabiglaanan, siyempre’y mapapasagot ka: “Isa.” Magsasabi siya ng di-maulinigang presyo, mabilis pa sa alas-kwatrong tatalikod, at sa isang kisapmata’y nasa harap mo na ang isang tetra pack na Zest-O juice, may tusok nang panipsip. Sa nakakatakot niyang hitsura, mapupuwersa ka ngayong magbayad.
Ganyan ang modus operandi ng Zest-O gang.
Puwede rin naman, doon sa mga mas garapal, na kukunin muna niya ang bayad mo at susuklian, tapos ay kunwa’y kukuha ng tiket sa unahan, pero ‘yon nga, pagbalik ay mayroon ka nang ready-to-drink na Zest-O. (Maaari ding ibang brand ng juice sa tetra pack, pero kadalasan talaga’y Zest-O).
Nang una akong mabiktima ng Zest-O gang, nasa unang taon pa lang ako sa kolehiyo. Kasama ang isang kaibigan, papunta ako noon sa panonood ng UAAP. Dahil excited magsisigaw ng “U-P-Fight!” at medyo tatanga-tangang freshman pa ako noon, medyo may lame excuse akong mabiktima ng mga mandarambong na ito.
Ngunit kamakailan ay nadale na naman ako. At may kasama na naman ako noon. Masigla pa nga naming pinag-uusapan ang susunod na isyu ng aming magasin na tatalakay sa mga isyung may kinalaman sa kaguluhan sa Mindanao.
Matapos iyon, nagalit ako sa sarili ko dahil tatanga-tanga ako. Sa loob ba ng apat na taon sa kolehiyo, wala akong natutunan? Na-bad trip lalo ako dahil napahiya ako.
Nilapitan ko ang konduktor. “Brod,” ‘ika ko, “wala ba tayong magagawa para maprotektahan ang mga pasahero laban sa mga kawatan na iyon?” “Eh, sir! Talaga hong ganyan… buhay ho namin ang kapalit kapag nakialam kami.”
Kakaiba talaga ang mundo. Mismong sa loob ng “public sphere” ng masa, may tunggalian pa ring nagaganap. Ang ilan sa mga kabilang sa uring pinaghaharian ay gumagawa ng paraan upang makalamang sa kapwa — siguro’y parang ganti sa kinasasadlakang kahirapan. Ang walang katapusang tatsulok nga naman…
Di ko tuloy maiwasang isipin ‘yong mga gaya kong nabibiktima nitong Zest-O gang. Paano pala kung tanging pamasahe na lang ang nasa lukbutan nila? Kawawa talaga.
Pero ano’t anuman, ansama talaga ng pakiramdam ng naloko. Parang bang, putsa, pinaghihirapan ko bawat sentimo ng pera ko, tapos kukunin lang nga mga nais mabusog sa madaling paraan. Bad trip talaga ‘yon!
Sigurado akong ganoon din ang pakiramdam ng mga ordinaryong mamamayan na pwersahang nagbabayad ng buwis. Tapos, ‘yong buwis na nagiging pondo ng gobyerno, nagagamit sa mga walang kapararakang bagay gaya ng — ika nga ni Daisy Reyes — ay walang kakuwenta-kuwentang giyera.
Isipin mo ‘yon, matapos kang magbuwis ng ilang porsyento ng pinagpawisan mo, mababasa mo sa mga diyaryo na ang gobyerno’y gumagasta nang P50 milyon isang araw para ibili ng bombang pampasabog sa mga kapwa mo rin Pilipino — na nagrerebelde rin lang naman laban sa di-pagkakapantay-pantay sa lipunan!
Daig mo pa ang nabiktima ng Zest-O gang!
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
December 12, 2023
DOH, groups sign smoke and vape-free pledge
They want public policies for smoke-free and vape-free environments.
June 30, 2023
Viral video ng disbarred lawyer na si Larry Gadon
Para ito sa mga naghahanap sa viral video ng nadisbar na DDS at Marcos…