Luis TeodoroNitong mga nakalipas na araw, sunud-sunod na batikos ang ipinukol ng ilang bloggers kay Prof. Luis V. Teodoro matapos iulat ng abs-cbnNEWS.com na sinabi niyang dapat mag-blog ang mga peryodista upang maging halimbawa ng iba sa Internet.

Si Dean Teodoro o LVT ay dating dekano ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas, at guro’t idolo ng maraming peryodistang sinanay niya sa UP, kabilang na ako.

Unang pumutak si Dean Jorge Bocobo ng Philippine Commentary. Sa isang malinaw na halimbawa ng walang tuos at di-makatotohanang panulat, iniugnay niya sa CPP-NPA at sa publikasyong ng Ang Bayan si Prof. Teodoro at tinawag na “leftist” ang Center for Media Freedom and Responsibility — na dati kong pinagtatrabahuhan.

Inatake rin nang todo ni Bocobo ang mainstream media at ang corruption dito. Pinaliguan din niya ng papuri ang blogosphere samantalang sinabing nagiging extinct na ang media.

Bagama’t seryoso at malaliman — sabihin pang may sariling balangkas na ginamit sa pagsusuri — ang komentaryo ng Kapirasong Kritika sa debateng ito, natawa naman ako sa sagot niya sa isang mambabasa: “Nababasa ko nga dati itong si G. Bocobo sa Philippine Daily Inquirer. Bakit kaya siya nawala doon? Bitter na bitter ang tunog eh: Charantia Ampalaya, sabi nga ni Professional Heckler — kahon pa lang, bitter na. Hehe.”

Samantala, ang matinding pananalig at pagkaaliw ni Bocobo sa blogosphere ay parang ‘di pa angkop sa kalagayan sa Pilipinas. Ni wala pa ngang sangkapat ng mga Pilipino ang may access sa Internet (hindi lahat ng cellphone, may GPRS), paanong papalitan ng blogging ang dyaryo, telebisyon, at radyo?

Pero sa totoo lang, naniniwala akong wala naman talaga dapat ganitong paghahambing. Maaari namang sabay na umiral — at magkatulungan — ang mga peryodista’t mamamahayag ng mainstream media at ang bloggers ng blogosphere.

Mapanghamon naman ang sagot ni Jester-in-Exile: “Get off your high horse and tell your peers to clean up your stables, Professor, before you come online and tell us how to live our lives. Can you do that? No? Showbiz, entertainment, scandal, and lurid, sensationalist reportage being the lifeblood of networks?”

Tila kapwa ‘di pa nabalitaan nina Bocobo at Jester-in-Exile na si LVT at ang CMFR ay kabilang sa mga nangunguna sa mga simulain upang bawasan at mawala ang corruption sa media. Ang totoo niyan, ang mungkahi ni Jester-in-Exile ay siya ring laging litanya nina Dean Teodoro sa Philippine Journalism Review. Siguradong isinusumpa nga sina Sir ng mga hao siao.

Pero may punto si Jester-in-Exile.

Kung isa kang blogger na nagkukuwento lang ng pang-araw-araw na buhay at may dalawang kabarkadang mambabasa, kung mga personal na mga bagay ang tinatalakay mo, di mo na siguro kailangang sumunod sa anumang journalism standards. Kung gusto mo halimbawang balahurain ang boss mo, bahala ka. Sorry ka na lang kung mapikon sa ‘yo at kasuhan ka ng libelo, o sibakin ka. (Puwede mo rin palang ireklamo sa Department of Labor and Employment.) Sa pagtitimbang sa mga ganitong bagay papasok ang sinasabi ni LVT na self-regulation, at hindi sa iniisip ng iba na pagpapatupad ng pormal na code of ethics o kung ano pa man.

Sa kabilang banda, sa tingin ko’y ibang usapan na kung isa kang blogger na may malawak na naabot at pinagkukunan ng impormasyon ng maraming mga mambabasa.

Sa karanasan ko, maraming mga estudyante ang kumukuha ng mga talumpati, sanaysay, at iba pang akda rito sa ederic@cyberspace. Kung hindi ako magiging matuos, kung hindi ko susundin ang ilang prinsipyong ginagamit sa peryodismo, gaya ng tamang paglalagay ng pinagkunan, o pagsisigurong wasto at tiyak ang impormasyong ipinost ko, maaaring maipahamak ko ang aking mga mambabasa.

Ganito rin ang kaso kung isa kang blogger na nakikilahok sa mga diskusyon ng mga usaping pambayan. Kapag ganito, sa tingin ko’y may pananagutan ka na sa impormasyong makukuha sa iyo ng iyong mga mambabasa.

Isa sa mga layunin ng peryodismo ay ang magbigay ng kaalamang magagamit ng mga mambabasa upang makapagpasya at kumilos sa mga usaping may kinalaman at mahalaga sa kanilang buhay. Sa kabila ng maraming pagkakaiba ng peryodismo at blogging at bagama’t pangunahing layunin ang pagpapahayag, sa palagay ko’y mayroon ding pananagutan sa kanilang mga mambabasa ang mga blogger na aktibo sa online public sphere.

At upang maging responsableng tagapaghain ng mga kuru-kurong base sa wasto at tiyak na impormasyon, sa ayaw at sa gusto ng blogger, ang masinop na pananaliksik at pagbeberipikang gagawin niya ay isang anyo ng pagsunod sa ilang journalism principles.

Ilan sa mga kaibigan kong blogger at peryodista rin (gaya ni Tonyo) ay ‘di naman na-bad trip sa mga sinabi ni Dean Teodoro. Mas nagulat pa nga sila matinding reaksyon dito.

Ayon nga kay Edel Garcellano: “But the poor academic, a high-profile press & campus pundit since the “60s, only requested his fellow bloggers to observe, like any Journ 101 student, responsible discoursing with defensible proofs of their hot advocacies.”

Nagtataka naman ako kung bakit ang dating sa ibang blogger ay nilait o minaliit ni LVT — at ni Chay Hofileña na na-quote rin sa article — ang bloggers.

Ang “Many of those who post information online are irresponsible” na sinabi ni Dean Teodoro ay iniulat ng iba bilang “some bloggers are ‘irresponsible'” o “bloggers are irresponsible and therefore, not a good source of news and information” at ang “Sometimes, it becomes damaging. It disrupts the democratic dialogue” ay naging “blogging becomes damaging as it disrupts the democratic dialogue.”

Ayon pa sa Kapirasong Kritika, “Maganda ring palamanan pa ni Prop. Teodoro ang sinabi niyang ‘iresponsable’ ang karamihan sa laman ng mga blog” at para naman kay Angela Stuart Santiago, the professor “deserves it for not finding anything good to say about blogs except that they pose a challenge to mainstream media.”

Parang hindi tama yan sa journalism principle na accuracy. Pero sabagay, mga blogs naman ang mga iyan, kaya baka okay lamang na mag-iba ang kahulugan at hindi na tingnan ang konteksto.

Mula sa ibang blogs:


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center