Nasa balita ngayon ang pagbabanta ni Pangulong Duterte na isususpende niya ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus at magdedeklara siya ng “revolutionary war.”

Sa kasaysayan ng mga bansa, ang rebolusyonaryong pakikidigma ay isinasagawa para wakasan at palitan ang isang umiiral na paghahari o pamamahala.

Halimbawa, ang French Revolution ay nagpatalsik sa monarkiya at nagtatag ng isang republika sa France. Ang Rebolusyong Pilipino na pinangunahan ni Gat Andres Bonifacio ay nabuo upang palayain ang ating bayan sa pagkakasakop ng Espanya. Ang pakikidigma ng New People’s Army naman ay naglalayong kunin ang kapangyarihan ng estado.

Kung magdedeklara si Duterte ng rebolusyonaryong pakikidigma, sino ang lalabanan niya? Siya ang nasa kapangyarihan, di ba?

Kung ang ibig naman niyang sabihin ay revolutionary government, ano ang dahilan niya? Paano niya ito gagawin, gayong nakaupo siya bilang bahagi ng demokratikong proseso ng kasalukuyang sistema? Maging siya ba’y sawang-sawa na rin sa kaniyang sariling pamamahala at gusto na niyang magrebolusyon?

Ang kaniyang mga sinabi ay reaksiyon sa pahayag ni Senador Franklin Drilon na dapat maging maingat ang gobyerno sa pagre-review ng mga kontrata.

Sa isang demokratikong lipunan, ang mga opisyal ng pamahalaan at mga mamamayan ay may karapatang magpahayag ng kanilang saloobin kaugnay ng pamamalakad ng pamahalaan.

Hindi ba kaya ng pangulo na tumanggap ng puna kaya’t ang sagot niya kay Drilon ay rebolusyon at banta ng pag-aresto?

Samantala, ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus ay isang kautusan ng korte para ilabas ang isang bilanggo kung mapag-alamang walang legal na basehan para sa patuloy niyang pagkakulong.

Ayon sa Konstitusyon, maaari lamang itong suspendehin ng pangulo kung may pananakop o rebelyon.

Sa ngayon, sinasakop ng Tsina ang ilang bahagi ng ating teritoryo, pero dati nang sinabi ng pangulo na gawin na lang tayong probinsiya ng Tsina.

Ang rebelyon naman daw ng CPP-NPA ay isang kabiguan, ayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Wala ring dahilan ang pangulo para magbanta ng suspensiyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus.

Napikon lang talaga siya kay Senador Drilon.