Noong gabi ng Nobyembre 14, habang papalayo mula sa libu-libong taong nagkakatipon sa Mendiola, unti-unting nilunod ng hangin ang mga tinig ng protesta na dati’y umaalingawngaw sa buong paligid.

Sa gitna ng kalsadang nababawasan na ng tao, nakaramdam ako ng munting pagkahilo dahil siguro sa halu-halong pagod, uhaw at gutom, o dahil sa nangangalahating stick ng sigarilyong mentol na noo’y may sindi at nakaipit sa aking mga daliri, (Hindi pa rin nabibigo ang yosi na bigyan ako ng matinding headrush sa tuwing–paminsan-minsan–ay tumutikim ako nito.)

Kasabay ng lumabo-luminaw na paningin ay nagsasalimbayan sa alala ang mga eksena ng katatapos lang na rali: Kung papaanong nagtiis ang pagkarami-raming mga manggagawa’t magsasaka, guro, kabataan at mga mag-aaral, madre at pari, at mga usisero sa ilalim ng sikat ng tila nahihiyang araw sa Liwasang Bonifacio. Ang sana’y wala nang katapusang lakad at takbo sa mga lansangan ng Maynila, habang hawak ko ang dulo ng banner ng UP Journalism Club na kinatitikan ng ang aming pagnanais na mapapababa ang palalong Presidente ng Republika, si Joseph Estrada. Ang mga sigaw ng pagsalungat na lalong nabubuo sa tuwing kami’y nasa ilalim ng LRT. Ang walang puspos na pawis at tiniis na pagkaihi hanggang makarating sa Mendiola.

Higit sa headrush ng mumurahing yosi, mas nakakahilo ang bigat ng inakong tungkuling ng taumbayan,maging mga iskolar ng bayan man sila. Malaki ang tungkuling ito maging nasa UP ka pa, o kasama na sa samahan ng mga nagsipagtapos. Mahirap ding ipaliwanag kung bakit kailangang dibdibin ang ganitong pananagutang pangkasaysayan. Para sa isang pinag-aral ng buwis ng mga mamamayan, hindi basta pwedeng talikuran ang tungkuling makibahagi sa mga gawaing tunay na nagsusulong ng kapakanan ng Inang Bayan.

Sa ilalim ng isang gobyernong di na pinagtitiwalaan ng mga mamamayan, ang pananatiling walang pakialam at pagpayag na manatili ang umiiral na kaayusan ay isang pagtataksil sa mamamayang Pilipino.

Sabagay, hindi na kinakailangang maging taga-UP upang maramdaman ang tawag ng mga maiiingay lansangan. Sa gitna ng isang lipunang binubuo ng isang lahing dantaong binusabos ng mga dayuhan at muli’t muling pinagtataksilan mga lider nito, lubhang madaling maramdaman ang pagiging “agit” para sa mga kamalayang mulat.

Kung ang mga makatarungang sigaw para sa pagkakapantay-pantay, kapayapaan at paghiling ng isang tapat at tunay na naglilingkod na pamahalaan ay patuloy na lumalagpas lamang sa tenga ng mga nagpapatakbo ng batas at nababaon lamang sa tambak ng mga mahirap maunawaang teknikalidad, nagiging mapag-imbita ang mga lansangan.

Sa mga kalsada, naiwawagayway ang watawat ng malayang pagpapahayag at naisisiwalat ang anumang ikinukubli ng mass midyang nagpapatirapa sa umuusbong na pasismo.

Ngunit ang paglisan sa Mendiola pagkagat ng dilim, bagamat di pa ganap tapos ang Welgang Bayan at di ko pa napapakinggan ang Color it Red, Parokya, Pu3ska at si Gary Granada, ay di nangangahulugang pagtalikod sa pakikihamok. Bagkus, ito’y pamamahinga lamang. Sapagkat kung bukas, muling magtawag ang mga lansangan, tuloy ang pakikiisa sa martsa ng bayan!

‘Ika nga ng isang kanta: sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila!