Ang mali raw na ginagawa ng matatanda ay ginagaya ng mga bata; at sa kanilang mga mata, ang mali ay nagiging tama.

Totoo nga ang kasabihang ito. Applicable ito sa kaso ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan at ng mga dating kasapi ng Sangguniang Mag-aaral o University Student Council (USC) ng Unibersidad ng Pilipinas, gayundin ng ibang kasapi sa mga fraternity sa UP.

Sa naganap na committee hearing na kamakailan sa Kongreso, kung saan naging panauhin si Ilocos Sur Governor Luis Singson–na nagparatang kay Pangulong Erap Estrada bilang “lord of all jueteng lords,” nakita natin kung gaano katindi ang problema natin sa ating mga mambabatas. Sa halip na mapakinggan ang testimonya ni Singson, halos magsuntukan dahil sa teknikalidad at procedural matters ang ating mga kinatawan. Hanggang sa huling sandali nga, nagbobotohan pa sila kung tatapusin na ba ang hearing, samantalang ang inimbitahang si Singson anatameme na lang.

Medyo patandain lang natin ng kaunti ang mga bata at makikita nating totoo nga ito. May dalawang taon na ang nakakaraan nang nagsusulat pa ako sa Philippine Collegian, pahayagang pangkampus ng UP, kung kailan mainit pa rin ang isyu ng komersyalisasyon ng edukasyon.

Naging isa paboritong biro ng ilan sa amin sa Collegian ang ginagawa umano ng mga kasapi ng USC: kaytagal nilang makabuo ng paninindigan sa isyu ng komersyalisasyon sapagkat sa kanilang mga pulong, pinagtatalunan pa nila kung magbobotohan ba sila upang pagpasyahan ang isyu! Mga baby-trapo nga naman!

Samantala, sa isyu nina Singson at ng mga congressman, may isa pang mas mahalagang aspekto: ito’y kung papaanong namamayani ang parti-partido at kampihan kahit sa isyung ang nakataya ay pananagutang pampubliko ng mga opisyal, lalo na ng Pangulo. Buking na minanipula ng mga taga-administrasyon ang hearing upang di makapaghain ng testimonya si Singson. Sa pagkakataong iyon, nagtagumpay sila.

Samantala, ganyan din ang istilo ng mga “bata” sa UP. Sa isyu halimbawa ng mga kamatayang may kaugnay sa mga fraternity, makikita ang garapalang pagharang ng fraternity system sa paglabas ng katotohan.

Bakit walang nangyari sa kaso ni Alex Icasiano? Bakit hanggang ngayo’y wala pa ring hustisya ang pagkamatay nina Ni?o Calinao at Den Daniel Reyes? Sapagkat walang sinuman, partikular sa mga may kinalaman sa kaso, ang may tapang na magsiwalat ng kanilang nalalanam. At kasabay ng kanilang tradisyon ng pananahimik, patuloy ang mala-pagong na pag-usad ng katarungan. Sapagkat gaya ng kanilang mga alumni-brother at mga tatay sa Kongreso, ang mga fratboy na ito ay marami ring delaying tactics, gaya ng di pag-attend sa hearing ng kaso!

Sa mga halimbawang iyan, may isa pang kasabihang babagay: “Like father, like son!”

Related Works
0 Comments

Add comment

Privacy Preference Center