“Kung saan ka masaya, e ‘di suportahan ka ta.”
Ang sarap marinig ng linyang ito sa pinakabagong patalastas ng Philippine Long Distance and Telephone Co. (PLDT). Hindi lang dahil sa inspirasyong dulot ng mag-amang tauhan, kundi sa magandang imahe na nakikita tungkol sa kalagayan ng telecommunications sa ating bansa.
Nakaka-touch ‘yung pang-unawa na ipinakita ng ama sa anak. Maganda’t malinaw ang usapan ng dalawa kasi high tech na raw ang telecoms sa Pilipinas–at efficient daw ang PLDT.
Talagang okay na sana. Pero kadalasan, hindi ko ma-enjoy ng todo ang feeling na dala ng patalastas; ang totoo, lagi akong napapangiwi pag napapanood ko ito. Naiinggit kasi ako sa mag-ama. Hanggang ngayon kasi, kapag nasa bahay lang ako kung saan ako’y nag-iisa, hindi ko kayang gawin ang ganoon. Iyon bang tatawag sa mga kamag-anak at magbabalita, magsesenti.
Wala pa akong telepono sa bahay. Nakabimbin ang application ko dahil wala raw available facities sa aming lugar (na nasa Metro Manila pa rin). Ang masakit pa rito, ang PLDT ang nag-iisang kompanya na authorized ng National Telecommunications Commission na magkabit ng mga linya sa aming lungsod. (Kung bakit kasi nasakop pa ng Kalookan itong area namin. Kung Quezon City sana ito, pwede akong kumagat sa speedy connection ng Bayantel.)
Hindi naman solo ng PLDT ang kasalanan. May responsibilidad din ako. Noong nakaraang taon, pagkatapos ng ilang buwang pagngingitngit, naaprubahan ang application ko. Kaya lang, nang dumating ang aking pinakahihintay, nakalipat na ako at magbabayad na ng renta sa isang kuwarto sa Quezon City.
Mahirap sa dyarista ang walang telepono sa bahay lalo na kung medyo malayo sa gitna ng lunsod ito. Bangungot din ang kawalan ng telepono kung may mini-maintain kang mga website at bahagi na ng buhay mo ang Internet.
Nagkataong wala akong pera nang malaman kong pwede na akong kabitan ng telepono. Tapos, nang handa na akong magbayad, forfeited na raw ‘yung chance ko.
Kinalaunan, bumalik na ako rito sa bahay namin. Mahirap kasi ang buhay at di ko na kaya ang umupa ng kuwarto, kahit may telepono pa ito at mas malapit sa opisina. Ipina-renew ko syempre ‘yung application ko sa PLDT. Ngayon, tiwala na akong mas mabilis maaaprubahan ang aking application. Bagong milenyo na at 1990s pa lang ay ipinagwawagwagan na ng PLDT ang Zero Backlog program nito. Sa dami ba naman ng advertisement nito sa mga dyaryo–na palagay ko’y ginagastusan ng milyun-milyon–siguro naman eh mabilis nang makakabit ang pinakahihintay kong telepono. Pero hindi po!
Ngayon, para kong naririnig si Vanessa del Bianco na nagsasabing “mamatay ka sa inggit!” kapag nagri-ring ang telepono ng mga kapitbahay ko. Madalas kong itanong: Hindi ba ginogoyo tayo ng PLDT sa mga ad nila?
Parang malaking ilusyon ang pagsulong sa telecommunication na ipinagyayabang ng PLDT kung isang landline lang sa Kalookan ay hindi nito maikabit. Paano na kaya yung mga umaasa na magka-telepono sa ibang lugar?
O baka naman tama ang pldt.com–‘yung sikat na parody site na siya yatang nagsabi noon na “clearly for cash” at hindi “clearly for you” ang PLDT? Kung sa mga corporate at big time na kliyente nga naman, malakihan ang kita. Kaya hayaan nang gutom sa residential landline ang mga pipitsuging aplikante.
Buti pa sina Gracia, Billy at Joey, laging in-touch. Eh ako, ni hindi makatawag sa kaibigan kong si Joie! Minsan, gusto kong tawagan sa cellphone ko (na laging walang load) ang paborito kong si Ramon Isberto , opisyal ng Smart Communications at dating host ng Mornings@GMA. Sasabihin ko: “Tito Mon, nag-shift na ‘ko sa Globe. ‘Yung sister company n’yo kasi, ayaw akong bigyan ng landline, eh!”
Ewan ko lang kung sasabihin sa akin ni Tito Mon: “Kung saan ka masaya, e di suportahan ka ta!”
(Pinoy Times)
Hindi naman po lumipat. Nagdagdag lang ng maliit na kubong magsisilbing sinupan ng aking mga sulatin. 🙂
Hindi naman po lumipat. Nagdagdag lang ng maliit na kubong magsisilbing sinupan ng aking mga sulatin. 🙂
kuy, lumipat ka na pala ng *bahay? 😀 dumalaw po ako sa bago nyong *bahay…
kuy, lumipat ka na pala ng *bahay? 😀 dumalaw po ako sa bago nyong *bahay…