E-bayad

Noong kakasimula ko pa lang sa paggawa ng mga website, ang hosting ko ay kaloob lang ng mga tao sa internet na matulungin at mapagbigay. Matapos mag-expire ang libreng unang taon ng domain name ko, nawala ito sa akin dahil malaking problema ko noon ang pagbabayad sa internet. Dahil ‘di pa ako ma-approve sa credit card noon, kahit may pambayad ako’y ‘di ko ito maipadala sa online merchants na credit card o PayPal lamang ang ginagamit.

Kaya naman tuwang-tuwa ako nang i-offer ng Unionbank ang EON Visa debit card. Gaya ng credit card, puwedeng gamitin ang EON sa pagbabayad sa internet. Ang kaibahan lang, dapat ay may laman ang account mo para maisagawa ang transaksiyon. Sabi ko nga noon, ang EON Visa ang nagbigay ng kaunting katuparan sa aking pangarap na digital lifestyle sa dial-up lang na connection ko noon. Ang problema ko lang dati sa EON, kaunti pa lang ang branches ng Unionbank.

Matagal din akong gumamit ng isa pa sa mga unang debit cards sa bansa, ang Smart Money. SMS-based naman ang pagma-manage nito at nakakonek sa bank account ko. Bukod sa pagbabayad online, ginamit ko rin ang Smart Money sa pagpapadala ng pera sa probinsiya at pagbebenta ng load.

Kalaunan, ang ATM cards mula sa mga bangko ay naging debit cards na rin. At ngayon, napaka-accessible na sa mga tao ang financial technology services na nagpapadali sa online payments, pagbabayad ng bills, paglo-load ng cellphone, at pagpapadala ng pera.

Isa sa mga nauna sa larangang ito ang PayMaya ng Voyager Innovations, ang digital innovations arm ng PLDT-Smart. Sa PayMaya, magkakaroon ka ng virtual debit card sa iyong smartphone app na puwede mong gamiting pambayad online. Ang paglagay ng pera sa PayMaya, puwede sa napakalaganap na 7-Eleven. Puwede ka ring kumuha ng physical card na maikokonek mo sa app. Ang PayMaya card ko, ‘yong version na may Beep card na ginagamit ko sa MRT.

Bukod sa PayMaya, nariyan din ang G-Cash ng Globe Telecom. Ang Coins.ph naman, bukod sa pambayad online, ginagamit din bilang Bitcoin wallet. Itong Bitcoin na napapansin na ng mga Pinoy bilang bagong anyo ng pera, pag-usapan natin sa susunod.

Masuwerte ang mga kabataan ngayon. Madali na ang pagbabayad online. Pero huwag sanang kalimutan, hinay-hinay sa paggastos.

(Dyaryo Pilipino)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *