Nitong nakalipas na buwan, nagtipon-tipon sa Philippine International Convention Center ang mahigit 2,000 digital marketers at iba pang mga manggagawa sa larangan ng komunikasyon. Ginanap kasi ang DigiCon DX 2017 ng Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines.

Ang tema ng digital conference ngayong taon ay “The Culture of Digital Transformation.” Sa loob nang tatlong araw, tinalakay sa kumperensiya kung paano makasasabay ang mga kompanya sa mga pagbabagong dala ng teknolohiya.

Sa panahong ito, ayon sa keynote speaker na si Brian Solis, principal analyst sa Altimeter Group at isang manunulat at blogger, ang lahat ay nakasalalay sa karanasan ng mga customer. Ang mga karanasan, aniya, ay nagiging mga alaala. At paano nga ba gugustuhin ng mga kompanya na maalala ng mga tao ang kanilang brand?

“It’s not enough to change. It’s now a matter of understanding how the brain works,” ayon kay Solis. Sa kasalukuyang digital age, ang disenyo ng mga produkto o serbisyo, dapat gawin nang may connected mindset, ayon pa sa kaniya. Dahil ‘di naman mababago ng mga kompanya kung paano ginagamit ng mga tao ang teknolohiya, sino nga ba ang mag-a-adjust? Ibig niyang sabihin, dapat ay maintindihan ng mga kompanya ang relationship ng mga tao sa kanilang mga gadget para makapagbigay ang mga ito ng mas magandang karanasan.

McDo and Aldub

Ganito rin ang mensahe ng ilan pang speakers sa DigiCon ngayong taon. Sabi ni McDonald’s Philippines CEO Kenneth Yang, ang pangunahing focus ng digital transformation sa kanilang kompanya ay customer experience. Nais nilang maging accessible sa mga customer kahit saan at anumang oras.

“The goal is the same. It’s about the consumers, it’s about the audience,” ayon naman kay CNN Philippines President Armie Jarin-Bennett. Idinagdag niya na dahil sa social media, nagagawa nilang makinig sa kanilang audience.

Naniniwala rin si Dindo Marzan, managing director ng Hatch, ang digital transformation group ng Voyager Innovations (na digital subsidiary naman ng PLDT-Smart, kung saan ako nagtatrabaho), na mahalagang pakinggan at unawain ang mga customer at alamin kung ano-ano ang mga gusto nila. “Evolving customer experience would be as easy as pie if you keep it simple, make it fun, and use the right technologies,” wika pa niya.

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino.